ATTACKKK!

Mula kay Allan Popa


Para sa ika-20 labas ng ATTACKK! narito ang akda ni Allan Popa tungkol sa isang tula ni Lamberto Antonio. Isang kolum sa loob ng kolum, masaya iyon, hindi ba? Nakasalubong na ninyo siguro si Allan Popa sa mga makabayang pagkilos. Nakita ko siyang kasama ng mga guro sa Ateneo sa isang pagkilos sa Liwasang Bonifacio. […]

Para sa ika-20 labas ng ATTACKK! narito ang akda ni Allan Popa tungkol sa isang tula ni Lamberto Antonio. Isang kolum sa loob ng kolum, masaya iyon, hindi ba?

Nakasalubong na ninyo siguro si Allan Popa sa mga makabayang pagkilos. Nakita ko siyang kasama ng mga guro sa Ateneo sa isang pagkilos sa Liwasang Bonifacio.

Siya ay may-akda ng sampung aklat ng mga tula kabilang na ang Drone (Ateneo de Manila University Press, 2013), Laan (DLSU Publishing House, 2013) at Maaari: Mga Bago at Piling Tula (UP Press, 2004).

Editor din siya ng antolohiyang Latay sa Isipan: Mga Bagong Tulang Filipino (UST Press, 2007). Nakakatuwa itong Latay dahil bukod sa kasama ang mga tula nina Ericson Acosta, Kerima Lorena Tariman, Richard Gappi, Alexander Martin Remollino, Michael Francis Andrada, at Piya Constantino, naroon din ang mga tula ni Sonia Gerilya! Ang ibig kong sabihin, men! Si Sonia Gerilya iyon! At mainstream anthology iyon! Wasak!

Nagwagi na si Allan Popa ng Philippines Fress Literary Award at Manila Critics Circle National Book Award for Poetry. Nagtapos siya ng MFA in Writing sa Washington University in Saint Louis kung saan siya nagwagi ng Academy of American Poets Prize at Norma Lowry Memorial Prize. Kasalukuyan niyang kinukuha ang PhD in Literature sa De La Salle University-Manila at nagtuturo ng panitikan at pagsulat sa Ateneo de Manila University.

*      *      *

HINGGIL SA “SA PAGKAMATAY NG ISANG NEWSBOY”
ni Allan Popa

Ang pamagat ng tula ay agad na nagtatakda ng mabigat, madilim, at hitik na hitik sa kabalintunaang atmospera na hindi mapapawi hanggang sa katapusan. Pag-aalay ito o pag-aalala hindi sa isang tiyak na newsboy na namatay kundi sa isang arketipong Newsboy (kailangang pansinin ang mismong pagkadikit ng news at boy na waring magkakabit na ang kanilang pag-iral sa mundo at sa pahina, magkadugtong ang buhay).

Nagsisimula sa negasyon ang tula. Ang ganitong bungad ay agad na humahawan ng maigting na espasyo lalo pa’t isinasakongkreto nito ang pamagat bilang mabigat na imahen (Sa Pagkamatay ng Isang Newsboy : Hindi na siya maaaring ibangon…). Ang personipikasyon ng mga pahinang dating may kakayahang magbangon at magsanggalang sa kahubdan at matinding gutom ay nagpapahiwatig ng halaga ng diyaryo sa newsboy bilang tagapagbigay ng batayang mga pangangailangan: kalasag sa kahubdan at pansapin sa matinding gutom. Makapangyarihan ang mga detalyeng ginamit dahil tumutukoy ang mga ito sa mga kahinaan ng pagiging tao: sanggalang ang mga pahina sa kaniyang sarili. Samantalang ang pagsalalay sa pagbangon ng isang tao ay aktong nagmumula sa labas ng katawan. Naipapahiwatig din dito na walang ibang taong tumutulong sa newsboy kung kaya’t kinakailangang bigyan ng pagkatao ang isang bagay na bumubuhay sa kaniya.

Pagdating sa ikalawang saknong matutuklasan ng mambabasa na ang unang saknong ay kalahati lamang ng isang kabalintunaan na mabubuo sa ikalawa. “Maaari lamang siyang takpan ng mga iyon/ At ipagsanggalang sa mga langaw.” Napakatindi ng imahen na ito sa pagpapaabot ng trahedyang sinapit ng newsboy: ang kaniyang hanapbuhay ang nagdala sa kaniya sa kamatayan. Napakatingkad din ng imahen ng nagkalat na diyaryo pagkaraan ng aksidente na siyang ipinantakip sa bangkay niya. Wari bang nakadagan ang napakagaang mga pahina. “Hindi na siya maaaring ibangon.” Napatitindi nito ang imahen ng kaniyang pagkasadlak sa kamatayan. Ang pag-alingawngaw ng mga salitang maaari at ipagsanggalang sa ibang konteksto sa ikalawang saknong ang lalong nagpasidhi ng kabalintunaan. Sa unang saknong ang positibong aspekto ng diyaryo ay ipinahayag bilang negasyon, “Hindi…maaari” samantalang ang negatibong aspekto ay inihayag bilang “maaari.” Ang pagsanggalang naman na nabanggit sa ikalawang saknong ay masasabing positibo ngunit sa kabuuang konteksto ay mas masakit ang dulot dahil mistula lamang na palubag-loob, pahabol na lamang ang silbi nito dahil huli na ang lahat (sa huling pagkakataon).

Ang unang salita ng ikatlong saknong ay mistulang simula ng pagpapaliwanag ng sinapit ng newsboy ngunit mapapansing hindi ito direktang maiuugnay sa kaisipan ng unang dalawang saknong. Sa katunayan, tutukoy ito sa panibagong kaisipan. Ipinapahiwatig sa saknong na ito na hindi na siya nabigyan ng pagkakataon na unawain ang mundo dahil bata pa siya nang bawian ng buhay. Napakahusay ng mga piniling salita sa saknong na ito. Wari bang ang pulso ng isang bata ay napakadaling mawaglit tulad ng laruan. Napakaganda rin ng imahen ng paggagap. Wari bang kailangang salatin ng kamay ng bata ang mundong umiikot upang maunawaan. Agad pang maiuugnay ang pariralang “mga pangyayaring nagpapaikot sa mundo” sa mga balitang kaniyang inihahatid na karaniwang hindi niya nauunawaan sa mura niyang edad o di kaya’y wala siyang kakayahang basahin. Ngunit pinagagalaw siya nito. Ito rin ang nagpatigil sa pag-ikot ng kaniyang mundo. Napakabisa ng imahen ng isang batang hindi mapanghawakan ang mga katotohanang hawak niya para basahin ng iba. Dagdag pa rito, naihahanda na ang mamababasa sa magaganap paglaon: ang newsboy mismo ay masasangkot sa pangyayari na hindi niya na mababalitaan at maiintindihan.

Napakarahan ngunit napakabigat ng salitang nasa bungad ng ikaapat na saknong. Marahil. Masakit isiping hindi pa tiyak ng persona kung hahanapin siya, kung may makaaalala sa kaniya. Ngunit siya nga ba ang hahanapin ng mga taong inaasahan ang hindi pagkaputol ng kanilang gawi sa pag-aalmusal (aalingawngaw dito ang imaheng kabaliktaran ng kahubdan at matinding gutom, ng mga langaw)? Dito napakahusay ng ginawang tumbasan ni Antonio upang isakongkreto ang dehumanisasyon ng newsboy. Itinutumbas ang halaga ng newsboy sa diyaryong kaniyang inihahatid. Laman nito ang mga balitang itinutumbas ang halaga sa init ng kape’t pandesal. Kung kaya, matutumbas na rin ang halaga ng newsboy sa init ng kape’t pandesal na napakadaling mawala. Napakatindi ng kabatirang ito kung aalalahanin ang nawalang pulso at ang imahen ng malamig na bangkay ng batang natatakpan ng diyarong hinihintay na maihatid sa mga taong hindi kailanman marahil kinilala ang nagdedeliver ng diyaryo o nagpasalamat sa himala na may mainit na diyaryo sa kanilang tarangkahan. Napakatalas ng parikala ng salitang “hahanapin” sa saknong na ito.

Marahil sa sandaling ito ng tula, natutuyo na ang dugo ng newsboy na nagmantsa sa diyaryong ipinantakip sa kaniya. Ngunit hindi tatantanan ng tula ang pagpatong muli ng ilang antas ng kabalintunaan. Malalim ang kagat dito ng salitang “sayang” na napakayaman sa parikala. Wari bang pagkutya ito sa huling pagpapahalaga sa newsboy: na mabanggit siya at magkaroon ng retrato sa mismong diyaryong kaniyang ibinibenta. Napakatindi rin ng pag-alingawngaw sa bahaging ito ng pariralang “sa kauna-unahang pagkakataon” na ipinaloob pa sa mga panaklong bilang kontrast sa “sa huling pagkakataon” na nabanggit sa naunang bahagi. Ang ganitong pamamaraang pagbabaliktad sa inaasahan ang sadyang nagpapatindi ng bisa ng tulang ito. Napakahusay din ng pagbitin ng salitang “naligaw” (eksaktong salitang maglalarawan sa batang nasa lansangan at kung iisiping wala siya sa tamang lugar kaya’t naaksidente) bilang pandiwang nagbibigay ng katauhan at nagpapagalaw sa retrato (marahil ng patay na bata at masakit isiping kung sakali mang masilayan niya pa ang sarili kinabukasan bilang laman ng balita, kaniya kaya itong makilala?), nang may maiipong bilis tungo sa ikaanim na saknong (may himig na rito ng dramatikong maglalagom).

Napakatingkad ng imahen ng ulo ng batang gumugulong na dulot ng aksidente. Lalo pa itong pinatingkad ng paghahambing sa sensilyo, na waring pagtutumbas sa murang halaga niya at ng diyaryong kaniyang ibinebenta (na maaaring tumilapon, gumulong at nagkalat sa pinangyarihan ng aksidente). Dagdag pa ang detalye na ang barya ay karaniwang may imahen ng ulo. Napakatindi ng parikala sa saknong na ito kung iisipin na ang mga inililimbag sa sensilyo ay ulo ng mga taong mahahalaga. Ang huling imaheng ito ang siyang iiwang nakatatak sa isipan ng mambabasa sa katapusan ng tula bilang himpit na pagsasakongkreto ng dehumanisasyon ng newsboy, ng batang sumanib na ang pagkatao sa balitang kaniyang dinadala.

Sinematiko ang pag-zoom out ng paglalarawan mula sa retrato patungo sa larawan ng “espasyong batbat ng anunsiyo” na wari bang pampuno lamang ang balita tungkol sa kaniya sa naiwang patlang sa pahina o dili kaya “naligaw” lamang sa pagitan ng mga naglalakihang patalasatas (hindi madaling mapansin), o di kaya ipinahihiwatig nito na isa lamang ito sa napakaraming katulad na pangayayari na siyang pumpuno sa balita at sa lungsod. Wari bang binibigyan ka ng isang marahas na pangyayari na matutunghayan sa isang bintana, lalayo ang kamera upang Makita ang buong gusali na may napakaraming katulad na bintana, lalayo pang muli hanggang may larawan ka na ng buong siyudad, buong bansa, at buong mundo na matitiklop sa isang isyu ng pang-araw-araw na diyaryo. Ang kawalang-halaga ng newsboy ay ganap na maisasakongkreto sa huling kambal na linyang may himig ng isang pamagat ng balita: Newsboy na biktima ng kaskasero/ Gumulong ang ulo na parang sensilyo (pansinin na pawang letrang “o” ang dulo ng bawat taludtod). Sadyang nakagigimbal ang pinagsamang himig at imaheng ito na makikintal sa isipan ng mambabasa. Sa ganitong mga pormal na pamamaraan, sadyang lumilihis ang gamit ng wika sa karaniwan kung kaya naninibago tayo sa pagdanas ng tula na marka ng kasiningan nito.

Makailang-ulit ko nang binasa ang tulang ito at sa tuwina, may panibagong aspekto itong nabubunyag na nagdaragdag pa sa katuturan, kahulugan, salimuot, at kagandahang hindi napagsasawaang lumigalig sa isipan at damdamin. Isa itong patunay sa kahusayan ng tulang ito na umaalpas ang halaga sa panahon at pangyayaring tinutukoy at maging sa intensyon ng makata. Napakayaman sa talinghaga at mga nagbabanggaang pahiwatig ang tulang ito. Napakayaman sa kontradiksyon na siyang lumilikha ng sapin-saping kahulugan at maligalig na espasyo sa pahina.