Bigo ang giyera kontra sa taumbayan

December 10, 2014

Mga katutubong Manobo sa Talaingod, Davao del Norte noong Mayo 2011. Matapos ang isang buwan ng pagbakwit (evacuate), dahil sa sama-sama nilang pagkilos para tutulan ang pananalakay ng militar ay nakabalik sila sa kanilang mga komunidad. <b>KR Guda</b>

Mga katutubong Manobo sa Talaingod, Davao del Norte noong Mayo 2011. Matapos ang isang buwan ng pagbakwit (evacuate), dahil sa sama-sama nilang pagkilos para tutulan ang pananalakay ng militar ay nakabalik sila sa kanilang mga komunidad. KR Guda

Bawat administrasyon, may inilulunsad na “giyera kontra sa insurhensiya”, na sa totoo’y giyera kontra sa lumalabang mga mamamayan.

Sa kaso ni Pangulong Aquino, ito ang Oplan Bayanihan. Bawat administrasyon, mistulang hinihigitan ang pagka-brutal ng sinundan nitong administrasyon. Sa kaso ni Aquino, hinigitan niya ang pagka-brutal ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Hindi pa man nareresolba ang malalang mga paglabag sa karapatang pantao ng nakaraang rehimen, pinaigting na ni Aquino ang pananalakay ng militar sa mga komunidad sa kanayunan, at ipinagpatuloy ang pamamaslang at pagdukot. Tumindi rin ang pagtugis niya sa sibilyang mga aktibista at lumalabang mga mamamayan, sa pamamagitan ng pagsampa ng gawa-gawang mga kaso at pagpapakulong sa kanila.

Bawat administrasyon na naglunsad ng giyera kontra sa mga mamamayan, nabigo. Ngayong taon, sa pagsisimula ng ikalawang yugto ng Oplan Bayanihan ni Aquino, sinasabi ng mga grupong pangkarapatang pantao na mabibigo rin ito.

Nakiusap ang isang human rights worker sa mga militar sa Compostela Valley na lisanin ang komunidad ng mga magsasaka doon. Tumanggi siyempre ang mga sundalo. Kuha ito noong Enero 2014. Videograb mula sa <b>Kilab Multimedia</b>

Nakiusap ang isang human rights worker sa mga militar sa Compostela Valley na lisanin ang komunidad ng mga magsasaka doon. Tumanggi siyempre ang mga sundalo. Kuha ito noong Enero 2014. Videograb mula sa Kilab Multimedia

Bagong plano, lumang taktika
Nang ilunsad ni Aquino ang Oplan Bayanihan noong 2011, sinabi niyang kakaiba ito sa nakaraang “counter-insurgency programs“.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) noon, bibigyan-diin ng Oplan Bayanihan ang mga estratehiyang di-pakikidigma (non-combat strategies) para ilayo ang mga mamamayan sa landas ng paglaban sa kasalukuyang bulok na sistema ng pulitika at ekonomiya. Binibigyan-diin umano ng programa ang “pagpapagawa ng mga daan, pagtayo ng mga eskuwela at pagdeliber ng mga serbisyong panlipunan (tulad ng edukasyon at batayang pangangailangan)”. Ang kataga pang pinauso ng AFP sa Oplan Bayanihan ay “ipagtagumpay ang kapayapaan, hindi lang talunin ang kaaway”.

Soft approach” o “pagpapakita ng maamong mukha” ang taktika umano ng AFP at Philippine National Police (PNP). Ang dating Special Operations Teams o SOTs na dinedeploy nito sa mga komunidad sa kanayunan (ito rin ang inakusahan ng malalang mga pang-aabuso noong panahon ng Oplan Bantay Laya), ginawa nitong Peace and Development Teams o PDTs. Pero sa kabila ng sosyo-sibikong mga aktibidad ng AFP sa mga komunidad, laganap pa rin ang mga pang-aabuso. Nariyan ang mga kaso ng tortyur, pananakop at pagkampo sa siiblyan na mga pasilidad tulad ng eskuwelahan, kabahayan at mga barangay hall, at maging panghaharas at panggagahasa sa kababaihan at menor-de-edad.

Matindi ang batikos na natanggap ng nakaraang administrasyong Arroyo sa laganap na paglabag nito ng karapatang pantao. Sa ilalim ng sarili nitong “giyera kontra insurhensiya” na Oplan Bantay Laya (na nagkaroon ng dalawang yugto), tumindi ang pamamaslang at pagdukot sa mga sibilyan, pananakop ng militar sa mga komunidad at pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga lider-progresibo.

Binatikos ng United Nations, European Union, international human rights groups, at iba pang pandaigdigang mga institusyon ang gobyerno ni Arroyo sa mga pang-aabuso nito sa karapatang pantao. Kaya pagpasok ni Aquino noong 2010, nangako siyang pangangalagaan niya ang karapatang pantao. Kaya raw niya inaprubahan ang Oplan Bayanihan.

Sa halip na magdiwang para sa kapistahan ni San Isidro Labrador, nagmartsa at nagprotesta ang mga magsasaka mula sa probinsiya ng Quezon upang kondenahin ang diumano'y malawakang paglabag sa karapatang pantao na idinudulot ng matinding militarisasyon. (Macky Macaspac)

Martsa ng mga magsasaka mula sa probinsiya ng Quezon upang kondenahin ang diumano’y malawakang paglabag sa karapatang pantao na idinudulot ng matinding militarisasyon. Macky Macaspac

Talo
Pero sa unang yugto pa lamang, mula 2011 hanggang 2013, malinaw nang walang gaanong pinagkaiba ang Oplan Bayanihan sa nagdaang mga “giyera kontra insurhensiya”.

Kung isasama pa ang pagpapalawig ni Aquino sa implementasyon ng Oplan Bantay Laya II (mula Hulyo hanggang Disyembre 2010), umabot na sa 169 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang mula 2010 hanggang katapusan ng 2013, ayon sa Karapatan. Umabot din sa 19 ang dinukot, o biktima ng enforced disappearance. Umabot sa 86 ang naitalang kaso ng tortyur, 179 ang biktima ng frustrated extra-judicial killing (o tangkang pagpaslang)at 570 ang ilegal na inaresto at kinulong.

Sa kabila nito, inamin mismo ng AFP na bigo ang Oplan Bayanihan.

Hulyo 2013, sinabi ng noo’y magreretiro pa lamang na si AFP Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista na ano mang pagbawas ng bilang ng mga miyembro ng rebolusyonaryong New People’s Army (NPA) dahil sa Oplan Bayanihan ay napapalitan din dahil sa dami ng bilang ng mga narerekluta nito sa iba’t ibang probinsiya ng bansa.

Sinabi ni Bautista na nagsimula ang Oplan Bayanihan na umaabot ang mga NPA sa 4,384 (na napakaliit na bilang at di-totoong repleksiyon ng lakas ng NPA, ayon sa maraming eksperto). Noong Hulyo 2013, sinabi ni Bautista na “mahigit 4,000” pa rin ang miyembro nito.

Si Bautista ang isa sa mga arkitekto ng Oplan Bayanihan.

Paliwanag ng Karapatan, malinaw sa mga mamamayan na may batayan ang paglaban sa kasalukuyang naghaharing sistema at rehimen. Laganap pa rin ang kahirapan, matindi ang pagsasamantala sa mga magsasaka at manggagawa ng iilang panginoong maylupa at malalaking burgesya kumprador. Pinangingibabawan pa rin ng imperyalismong US ang ekonomiya at pulitika ng bansa.

At dahil sa pampulitikang panunupil, lalong natutulak ang mga mamamayan na lumaban–ipagtanggol ang sarili at isulong ang interes nilang inaapi at pinagsasamantalahan.

Pagsosona ng mga sundalo ng Philippine Army sa isang komunidad ng maralitang lungsod sa Palo, Leyte, ilang araw bago ang unang taong anibersaryo ng pagragasa ng bagyong Yolanda. <b>KR Guda</b>

Pagsosona ng mga sundalo ng Philippine Army sa isang komunidad ng maralitang lungsod sa Palo, Leyte, ilang araw bago ang unang taong anibersaryo ng pagragasa ng bagyong Yolanda. KR Guda

Bagong yugto kuno

Kahit na malinaw ang pagkakabigo, sinabi ni Bautista–bago siya nagretiro–na nakatakdang makamit ng gobyerno ang target nitong lubusang pahinain ang rebolusyonaryong kilusan sa 2016.

Kung kaya, sa pagpasok ng 2014, sa ilalim ng bagong AFP Chief of Staff na si Lt. Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., pinaiigting ng mga puwersa ng Estado ang giyera nito “kontra insurhensiya”.

Pagpasok ng 2014, sunud-sunod ang pampulitikang pamamaslang. Isang manggagawa sa Sorsogon, isang magsasaka sa Hacienda Dolores sa Pampanga (kung saan may sigalot sa lupa ang mga magsasaka at Leonardo-Lachenal Holdings at Ayala Land), at isang aktibistang kontra sa malawakang pagmimina sa Compostela Valley ang pinaslang ng pinaghihinalaang mga militar.

Tinukoy ng AFP ang Sorsogon at Compostela Valley bilang ilan sa mga priority area ng Oplan Bayanihan.

“Naghahabol ng dedlayn ang gobyerno ni Aquino at ang AFP,” sabi noon ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Magmula noong unang kuwarto ng taon, at kasabay ng pagtatapos ng usapang pangkapayapaan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF), binuhusan ng tropang militar ng AFP ang naturang mga priority area.

Piket ng mga grupong pangkarapatang pantao sa harap ng Kampo Aguinaldo para kondenahin ang pagkanlong diumano ng Armed Forces sa "berdugong" si Gen. Jovito Palparan. Photo courtesy: <b>Karapatan</b>

Piket ng mga grupong pangkarapatang pantao sa harap ng Kampo Aguinaldo para kondenahin ang pagkanlong diumano ng Armed Forces sa “berdugong” si Gen. Jovito Palparan. Photo courtesy: Karapatan

Partikular na pokus ng mga operasyong militar ang iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Mayroong limang dibisyon at 55 batalyon ang AFP sa Mindanao–o mahigit kalahati ng buong puwersa ng AFP. Nakasentro ito sa Timog Mindanao, Caraga, Far South Mindanao at Hilagang Mindanao. Kasangga pa nla ang mga grupong paramilitar, tulad ng Citizens Armed Forces Geographical Units, Almara at iba pang private army at armadong grupo na ginagamit ng militar sa pakikidigma.

Para sa mga grupong pangkarapatang pantao, sa naturang priority areas din nagkataong may malalaking mining applications o planong malawakang pagmimina ang dayuhang mga kompanya. Kung kaya nagsisilbing proteksiyon ang AFP sa large-scale mining companies at iba pang malalaking agricorporations tulad ng Del Monte at Dole na inaakusahang gumagamit ng nakalalasong kemikal sa mga plantasyon at nang-aagaw ng mga lupaing katutubo.

Sa kabila nito, ipinapakita ng katutubo at magbubukid na mga mamamayan sa Mindanao na handa silang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Ipinakita ng nagsilikas na daan-daang Manobo mula sa Talaingod, Davao del Norte noong Mayo 2014 na di ito magpapatakot sa malawakang militarisasyon sa kanilang mga komunidad. “Handa kaming ipaglaban ang aming lupain at kabuhayan. Kahit pa makaluma ang aming mga sandata,” sabi ni Datu Guibang Apoga, lider ng mga Talaingod Manobo, sa panayam ng Pinoy Weekly noong Mayo. Tinutugis ngayon ng militar si Apoga dahil sa kanyang pamumuno sa paglaban sa mapanirang pagtotroso sa Pantaron Range, isang virgin rainforest sa may bahaging nasa Talaingod.

Noong Marso 2014, ipinaliwanag ni Jorge “Ka Oris” Madlos, tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF)-Mindanao, na tiyak ang kabiguan ng Oplan Bayanihan sa Mindanao. Sinabi pa niya, “Dahil sa pagpuwesto ng 60 porsiyento ng mga puwersa ng AFP sa Mindanao, may may oportunidad na ang mga rebolusyonaryong puwersa sa Visayas at Luzon na sumulong, at tulad ng fire truck na pumapatay ng sunog, mapupuwersa (ang AFP) na muling ideploy ang mga tropa nito sa Visayas at Luzon para patayin naman ang sunog sa mga rehiyon dito,” ani Oris.

Sa proseso ng “pagpatay ng sunog”, tumitindi ang mga paglabag sa karapatang pantao, aniya.

Pagguhit ng isang batang Lumad. Jaze Marco

Ginuhit ng isang batang Lumad ang kanyang pangarap na mapayapang komunidad. Jaze Marco

Malayong lakbay

Sa harap ng tumitinding mga pang-aabuso, naglunsad ang iba’t ibang komunidad ng mga katutubo, katuwang ang mga organisasyong pangmasa sa Mindanao, ng “Manilakbayan ng Mindanao”.

Ito’y isang mahabang karaban o biyahe ng mga katutubo, magsasaka at iba pang organisadong sektor mula sa Mindanao patungong Maynila. Pakay ng Manilakbayan na bigyan ng atensiyon ng publiko ang matitinding pang-aabuso ng militar sa Mindanao.

Kasama rito ang pagpaslang kay Henry Alameda sa Sityo Cabalawan, Brgy. San Isidro, Lianga, Surigao del Sur noong Oktubre 24. Sa tapat ng kanyang bahay, kinaladkad ng armadong kalalakihan si Alameda at pinagbabaril. Ayon sa mga saksi, nakita nila ang mga elemento ng 2nd Scout ranger Batallion ng Philippine Army na nagpapatrulya sa lugar.

Aktibong miyembro ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod (Mapasu), isang grupo ng mga Lumad, si Alameda. Pinangunahan ng Mapasu ang paglaban sa mga operasyong pagmimina at kumbersiyon ng lupa sa Caraga.

Sa araw na pinaslang si Alameda, pinaslang din ng pinaghihinalaang militar ang isang residente ng Brgy. San Lorenzo sa parehong lugar.

Bago nito, noong Oktubre 12, pinatay din ang isang katutubo at anak niya sa New Bataan, Compostela Valley. Inamin ng Eastern Mindanao Command ng AFP na nagpagkamalan nilang rebelde sina Rolando Dagansan, 43, at anak niyang si Juda, 15.

Naghudyat ang mga pagpatay na ito ng pagtindi ng pananakop ng militar sa mga komunidad ng mga katutubong Manobo sa Lianga. Noong Oktubre 22 hanggang 27, napuwersang lumikas ang 378 pamilya rito dahil sa mga operasyong militar.

Pinakahuli ang kaso sa Lianga sa 83 kaso ng pagpatay sa mga aktibista, lider-katutubo at tagapagtaguyod ng kalikasan noong Setyembre at Oktubre lang. Maliban pa ito sa halos 500 sibilyan na kinasuhan ng “gawa-gawang mga kaso” ng iba’t ibang yunit ng militar at korporasyon.

Dala ng Manilakbayan ang mga kasong ito bilang patunay ng kalupitan ng Oplan Bayanihan. Sa mahigit isang linggo ng biyahe ng mahigit 300 katao mula Mindanao hanggang Maynila, dumaan sila sa Eastern Visayas, kung saan nakararanas din ang mga komunidad ng matinding militarisasyon sa harap ng paggiit nila ng hustisya at rehabilitasyon isang taon matapos rumagasa ang bagyong Yolanda.

Tutol ang mga Lumad sa pagmimina at iba pang proyektong nandarambong ng likas yaman sa kanilang katutubong lupain. Elijah Rosales

Tutol ang mga Lumad sa pagmimina at iba pang proyektong nandarambong ng likas yaman sa kanilang katutubong lupain. Elijah Rosales

Dumaan din ang Manilakbayan sa Bicol at Southern Tagalog, na kabilang din sa mga priorty area ng Oplan Bayanihan.

Sa rehiyong Bicol, may 52 kaso ng pagpatay sa mga aktibista at sibilyan ang naitala ng mga grupong pangkarapatang pantao. Dahil dito, naglunsad din sila ng sariling kampanya kontra sa militarisasyon. Tinaguriang “Kadena Bicolandia,” naglunsad ng iba’t ibang aktibidad ang mga grupong pangmasa sa Bicol para bigyan-pokus ang mga pang-aabuso ng militar doon.

Pagdating sa Bicol ng mga kalahok sa Manilakbayan, naglunsad din sila ng iba’t ibang aktibidad at aksiyong protesta para iugnay ang nagaganap sa Mindanao at Bicol.

Samantala, pagdating sa Timog Katagalugan, nagprotesta ang mga kalahok sa Manilakbayan, kasama ang mga organisasyong pangmasa at pangkarapatang pantao, sa harap ng himpilan ng Southern Luzon Command (Solcom) ng AFP sa Lucena City. Pinamumunuan ngayon ang Solcom ni Gen. Ricardo Visaya, kilalang dating tauhan ni Gen. Jovito Palparan Jr., ang itinuturong mastermind sa malawakang paglabag sa mga karapatang pantao noong panahon ng rehimeng Arroyo.

Sa proseso ng paglalakbay mula Mindanao hanggang Maynila, ipinapakita rin nila na bigo ang “giyera kontra insurhensiya” sa pagsupil sa lumalabang mga mamamayan.