Sustansiya

November 4, 2014

“One should put food in the context of the culture.”
– Doreen Fernandez

*        *         *

Iisa lang ang naiisip ko kapag nababanggit ang pangalan ni Doreen Fernandez (isinilang noong October 28, 1934): PAGKAIN! Tandang-tanda ko pa ang hitsura niya noong mga panahong nagsasalita siya sa TV tungkol sa pagkaing Pinoy.

*        *         *

Noong 2002 ko lang nalaman, sa mga talumpati para sa kanyang luksang parangal, na naging bahagi pala siya ng kilusan. Op kors, tunay na makabayan ang may pananalig sa pagkaing Pinoy (para bang may simpatiya rin sa agenda na national industrialization) at hindi kailanman naging traydor sa kanyang mga kasama (#mayhugot).

*        *         *

“Isang prutas, hitik sa bigkas—
baklas.”
Pagbabalat, Vijae Alquisola

*        *         *

Nagkamit ng unang gantimpala sa Palanca ngayong taon ang koleksyon ng mga tula ni Vijae (Paglasa sa Pansamantala) na tungkol sa kaluguran at pagpaparangal sa pagkaing Pinoy (siyempre, nang may Doreen Fernandez levels).

Nagsilbing national president ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP)—ang oldest and broadest intercollegiate alliance of student publications sa bansa.

Shout-out sa mga rehiyon ng CEGP sa buong Luzon sa katatapos lang na Lunduyan, 15th Luzon-wide Student Press Convention. Sa Lunduyan ngayong taon binigyang-parangal ang mga progresibong akda (journalistic at literary) ng guilders sa 10th Gawad Eman Lacaba.

*        *         *

“Even Doreen’s articles on food bore the stamp of her patriotism. She often wrote about food consumed by the common tao —the worker, the peasant, the fisherman. She introduced her readers to their tastes and, in so doing, introduced them to values and ways of life of the ordinary Pinoy.”
Doreen, The Revolutionary, Teddy Casiño

*        *         *

Kasama pala si Doreen sa mga naghanda ng menu para sa 25th anniversary celebration ng National Democratic Front noong 1998.

*        *         *

Maaalala ang tulang “Ang Pagsasamantala Ayon sa Pagkain ng Choc-nut” ng political detainee na si Randy Vegas (naging miyembro rin siya ng CEGP!).

Para sa tulad kong mahilig lumantak ng Choc Nut, kahanga-hanga ang tulang ginawang lunsaran ang pagkain ng minatamis na ito para ilarawan at labanan ang pagsasamantala sa lipunan.

*        *         *

Alalahanin din ang tagisan ng espasol at nilupak sa sikat na sanaysay ni Gelacio Guillermo.

Hindi ito tungkol sa lasa ng mga pagkaing Pinoy na espasol at nilupak, kundi sa estetika at politika ng pagtula, at ng politika ng mga makata. Sabi nga ni Chong Gelas, “Sundan natin ang mga bagong pakikipagsapalaran ng mga gumagawa ng lupak (at nagsusulong ng agraryong rebolusyon), kumakain ng pinawa (at sumusumpa sa Pulang bandila), at nanghuhuli ng isdang-bato (at pinatutuloy ang mga kasama sa kanilang mga dampa).”

*        *         *

Pansinin naman itong tula ni Axel Pinpin tungkol sa “text ng na-missing ang Tatay after Yolanda (Haiyan)”:

Hinayaan

kala mi Dad
uuwi u.
darating pa ba u?
wala ming pangsaing.
ang hinatid na bigas d2 s min
di makain,
walang ulam,
kahit daing
na kami nang daing.

*        *         *

Ipinakita sa tula ang tunay na kalagayan ng mga biktima ng Yolanda na matapos hambalusin ng storm surge ay pinaghahambalos pa ng kalupitan at kasakiman ng rehimeng Aquino (“dapa na nga ay lalo pang pinadadapa,” ika nga).

Hindi ba’t batay sa 102-page report ng Independent Commission on Audit noong Setyembre, natuklasang milyon-milyong pisong halaga ng cash assistance at pagkain ang hindi ibinigay sa mga biktima? Milyon-milyon piso rin na dapat ay para sa mga biktima ang ginastos sa logistics at iba pang operasyon diumano ng gobyerno.

*        *         *

May nagtangkang magsalin ng tula ni Axel, ngunit sa tingin ko ay napakahirap nitong i-deliver sa ibang wika, lalong-lalo na ang koplang “walang ulam, kahit daing.”

Tatambling ang sinumang maghahanap ng salitang sasapol sa juxtaposition ng meaning ng daing (“biniyak, inasinan, at pinatuyong isda”) at daing (“hinaing ng api”). Balitaan n’yo ako kung may magtatagumpay.

*        *         *

Patunay lamang ang mga ito na nakalalaslas ng leeg ng mga makatang naniniwala sa mahika ng imperialist globalization ang mga tula at makatang progresibo.

Sabi nga ni Pete Lacaba sa kanyang tulang “Sining ng Pagtula” (wala nang iba pa!):

Malinamnam ang milagrosa,
pero masustansiya
ang bigas na pula.