Sakuna sa panahon ng kapitalismo

November 2, 2014

Pagkasira ng halos lahat ng istruktura, sa Palo, Leyte matapos ang bagyong Yolanda. <strong>Ciriaco Santiago III/Tudla</strong>

Pagkasira ng halos lahat ng istruktura, sa Palo, Leyte matapos ang bagyong Yolanda. Ciriaco Santiago III/Tudla

Si Yolanda ang bagyong nagdala ng pinakamalakas na hangin sa kasaysayan ng mundo. Ito na rin ang bagyong nagdulot ng pinakamalubhang pinsala sa kasaysayan ng bansa.

Maraming eksperto ang naniniwala na ang mga bagyo at iba pang weather disturbances ay dumadalas at lumalakas dahil sa kakaibang pag-init ng mundo. Umano’y nasa kakaibang antas na ang global warming sa panahong ito.

Yolanda commemoration coverage iconTumaas nang 0.85°C ang temperatura ng mundo sa nakaraang 120 na taon dahil sa pagdami ng tinatawag na greenhouse gases. Natutunaw ang yelo, umiinit ang mga karagatan, tumataas ang tubig at nagbabago ang klima sa buong daigdig.

Napipilitan tuloy ang United Nations (UN) na bigyan ito ng pansin. Nitong Setyembre, naglunsad ng Climate Change Summit ang UN sa New York City, kung saan pinag-usapan ng mga lider ng daigdig ang pagtugon sa problemang ito ng buong planeta.

Pero hindi ang pulong ng mga lider ng daigdig ang naging makasaysayan. Ayon sa mga kritiko, pakitang-tao lamang ito. Patuloy umanong tumatanggi ang mayamamang bansa, partikular ng US, na bawasan ang kanilang greenhouse gas emissions, habang itinutulak ang mga mekanismo na lalo pang magpapatindi ng kontrol at walang-pakundangang pandarambong ng mga kapitalista sa likas na yaman ng daigdig.

Sa halip, ang naging makasaysayan ay ang pagkilos ng mga mamamayan ng mundo na nananawagan ng tunay na solusyon sa global warming. Alinsabay ng UN Summit, naganap ang People’s Climate March, isang martsa-protesta sa New York na nilahukan ng tinatayang 400,000 katao. Nagkaroon din ng 2,646 na kilos-protesta sa 162 na bansa bilang pakikiisa.

Nakimartsa ang mga biktima ng bagyong Yolanda. Ayon kay Dr. Efleda Bautista, tagapangulo ng People Surge (alyansa ng mga biktima ng bagyong Yolanda), “Kailangan panagutin ang gobyerno ni Noynoy Aquino, at ang gobyernong US na numero unong polluter sa daigdig, sa krisis dulot ng klima na nararasan namin araw-araw.”

Pilipinas, bulnerable sa sakuna

Gaya ng iba pang mamamayan ng mundo, naniniwala ang mga biktima ng Yolanda na may pananagutan ang mga gobyerno at ang sistemang kapitalismo sa climate change, pagtindi ng mga sakuna, at epekto nito sa mga mamamayan.

Sinasabi na kapag tumama ang sakuna, apektado ang lahat, mayaman man o mahirap. Ngunit malinaw na ipinakita ng bagyong Yolanda na ang mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas—at ang mahihirap na Pilipino–ang pinakaapektado.

Ayon sa 2013 Global Climate Risk Index, ang Pilipinas ang ika-apat na bansa sa daigdig na pinakabulnerable sa mga sakuna. Tinatayang may 18 hanggang 20 na bagyo ang pumapasok sa bansa taun-taon. Sa kabila nito, pakitang-tao lang din ang naging tugon ng gobyerno sa mga sakuna.

Bago tumama si Yolanda, ipinagmalaki ni Aquino ang kahandaan ng gobyerno. Sa halip, kahiya-hiyang kapalpakan at kapabayaan ang nasaksihan ng mundo. Nagmistulang libingan ang evacuation centers malapit sa dagat kung saan “inilikas” ang mga tao. Tatlong araw bago dumating ang anumang tulong mula sa gobyerno–na halos walang nagawa para maampat ang desperasyon ng mga biktima.

Ang masaklap, tinitingnan pa ng gobyerno ang sakuna bilang pagkakataon para makapangurakot. Umabot sa US$89.5 Milyon na donasyon ng iba’t ibang bansa na idinaan sa gobyerno, pero kakarampot ang relief na nakarating sa mga biktima. Nasa P23 Bilyon ang nakasiksik sa pork barrel ni Aquino para sa sakuna, ngunit walang malinaw na pinatunguhan. Samantala, patuloy na walang makain, matirhan, at kabuhayan ang mga biktima ng bagyo, isang taon ang makalipas.

Nakita rin ang ganitong kapabayaan at korupsiyon sa iba pang malalakas na bagyo gaya ng Pablo at Sendong. Ayon sa Kalikasan-People’s Network for the Environment, mauulit at mauulit ang ganito, “hangga’t ang gobyerno ay nagpapatupad ng mga proyektong nakakasira sa kalikasan, nangungurakot, at pinapanatiling mahirap at bulnerable ang mga mamamayan.”

Nakakasira sa kalikasan ang kalakhan sa mga proyektong itinutulak ni Aquino, gaya ng pagmimina, malalaking dam, plantang coal, plantasyong agrikultural, at reklamasyon. Ang mga proyektong ito, na sang-ayon sa patakarang neo-liberal na globalisasyon, ay nagpapatindi ng sakuna.

Halimbawa, dahil sa reklamasyon at coastal development ay lumiit na ang mangrove cover o saklaw ng mga bakawan sa bansa–mula sa orihinal na 500,000 ektarya naging 100,000 ektarya na lamang ito. Natural na depensa ang mga bakawan laban sa storm surge.

Rali ng aabot sa 400,000 katao para sa environmental justice sa New York City noong Setyembre. Mula sa <strong>peoplesclimate.org</strong>

Rali ng aabot sa 400,000 katao para sa environmental justice sa New York City noong Setyembre. Mula sa peoplesclimate.org

Kapitalismo at pagkasira ng planeta

Ang pagkasira ng kalikasan at pagiging bulnerable ng mga mamamayan sa sakuna ay makikita sa pandaigdigang antas. Ayon sa International League of People’s Struggles (ILPS)–isa sa mga organisasyong lumahok sa People’s Climate March–ang ugat ng climate change ay ang pandarambong sa likas-yaman ng mga kapitalista. At ang malawak nang paghihirap at pagsasamantala sa mga mamamayan, pinalalala pa ng mga epekto ng climate change.

Maraming mapanlinlang na iskema ang abanteng mga kapitalistang bansa para takasan ang obligasyon na bawasan ang mga aktibidad na nakakadagdag sa pag-init ng mundo (halimbawa nito ang ‘clean development mechanism’ at ‘carbon trading’).

Gayundin, nagtayo sila ng Green Climate Fund para makapangutang ang mahihirap na bansa at tulungan sila umanong tugunan ang mga epekto ng climate change. Ngunit ayon sa mga kritiko, gagamitin lamang ang nasabing pondo, na pangungunahan ng World Bank, para lalong ibukas ang ekonomiya sa pandarambong ng mga dayuhan.

Walang-ampat din ang kapitalistang produksiyon at pagkokonsumo ng gas at langis, na sinasabing nasa likod ng mga ‘giyera ng agresyon’ ng US, partikular sa Gitnang Silangan.

Ngunit ipinakita ng mga mamamayang kumilos laban sa climate change na sumasang-ayon silang man-made ito: nilikha ng tao, maaaring baguhin din ng tao. Ayon sa ILPS, ang pagresolba sa krisis dulot ng klima ay nakasalalay sa iba’t ibang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at panlipunang pagbabago.

“Hindi maaaring business as usual na lamang ang mundo. Hindi na nakasasapat ang mga solusyon na hindi tinutugunan ang ugat ng krisis sa sobrang produksiyon ng monopolyo kapitalismo. Ang kasakiman sa tubo ay pinapasan na ng sangkatauhan, at sumisira sa ating planeta…Para maampat ang climate change, kailangang wakasan ang paghahari ng monopolyo kapitalismo, at magtayo ng sosyalistang kinabukasan para sa lahat,” sabi pa ng ILPS.