Poetic Vandalism

October 6, 2014

“Ang mga unang paborito kong manunulat na Pilipino ay sina Amado Hernandez, Nick Joaquin, at Gelacio Guillermo.”
– Jose Maria Sison (blurb, Mga Tula ni Gelacio “Chong Gelas” Guillermo)

*      *      *

Tatlong librong nasa mesa ko ngayon: Mga Tula ni Chong Gelas, Agaw-Liwanag ni Bomen Guillermo, at dalawang kopya ng Sa Pamumulaklak ng mga Talahib ni Rogelio “Ka Roger” Ordoñez.

*      *      *

Parehong ginawaran ng parangal na Makata ng Bayan sina Chong Gelas (2009) at Ka Roger (2011) mula sa Kilometer 64 Poetry Collective.

*      *      *

Noong Setyembre 16, inilunsad ang aklat na Mga Tula ni Chong Gelas. Walang paghahambog ang pamagat. Iyon ay isang koleksyon ng mga tula. Pati ang disenyo ng pabalat. Walang kaek-ekan. Hitsurang manila paper lang na nagpapaalala sa mga tibak ng kanilang sinusulatan kapag nag-i-ED (educational discussion).

May kopya na ako ng Kung Kami’y Magkakapit-bisig: Mga Tula sa Hacienda Luisita ni Chong Gelas. Isang manipis na aklat na nilathala para sa kanyang ika-70 kaarawan noong 2010.

Pero iba itong Mga Tula. Dito may revelation na si Chong Gelas at ang underground writer na si Kris Montanez ay iisa.

Sabi nga ni JMS: “Malugod kong ipinapaabot ang aking rebolusyonaryong pagbati kay Gelacio Guillermo sa paglulunsad ng kanyang aklat ng M” at sa kanyang pagtanggap na siya at si Kris Montanez ay iisa. Kapuri-puri na inakda niya sa tunay na pangalan at nom de plume ang magagandang tula na naglalarawan at nagbibigay kabuluhan sa buhay ng mga anakpawis at sa kanilang pakikibaka para lumaya sa pang-aapi at pagsasamantala.”

*      *      *

Noong 2010, naimbitahan ako ng grupong Artist Arrest para magbigay ng poetry workshop sa 43 health workers na ikinulong noon sa Camp Bagong Diwa. Binansagan silang Morong 43.

Kasama ko noon ang mga visual artist na magsasagawa rin ng workshop, pati ang mga miyembro ng Defend ST at Artist Arrest.

Ipina-repro ko ang 8-pahinang handout ko na kakagamit ko lang noon sa isang poetry workshop sa University of Batangas. Tuwang-tuwa pa nga ang mga estudyante nang sabay-sabay kong pinabigkas sa kanila ang tulang “Kokak” ni Chong Gelas.

*      *      *

Magkahiwalay ang pasilidad ng mga lalaki at babaeng nakadetine sa Camp Bagong Diwa. Sa women’s detention cell, binalasa agad ang handout na gagamitin namin sa workshop. Tinanggal ang huling pahina kung saan naroon ang tula ni Chong Gelas.

Sa men’s detention cell naman, matapos kaming paghubarin at kapkapan mula anit hanggang talampakan, binusisi rin ang mga dala naming materyal para sa mga workshop. Kinumpiska ang buong poetry handout ko. Ang hatol: subersibo!

*      *      *

“Literature should be a kind of revolutionary manifesto against established morality and established society.”
– Guo Moruo

*      *      *

Nagtanghal sa book launching sina Ericson Acosta, BLKD, Lanceta, Chikoy Pura, Pete Lacaba at marami pang ibang manggagawang pangkultura.

Bumili ako ng kopya ng Mga Tula dahil gagamitin ang kikitain nito para makalikom ng pondo para sa Kampanyang Bungkalan ng Luisita Watch. Kailangan din nila ng pondo para sa komemorasyon ng ika-10 anibersaryo ng Hacienda Luisita massacre (#HLMX) sa Nobyembre 16, 2014.

*      *      *

Noong Oktubre 2 naman inilunsad ang Sa Pamumulaklak ng Talahib ni Ka Roger. Naganap ito sa Polytechnic University of the Philippines, Sta. Mesa, Manila. Saktong-sakto, sabi nga niya, dahil tuwing Oktubre namumulaklak ang mga talahib.

Sakto rin na nalathala ito ngayong 2014, sa ika-50 anibersaryo ng Mga Agos sa Disyerto. Sa milya-milyang disyerto, ang unang signos ng buhay ay ang pagtubo ng mga talahib.

*      *      *

Espesyal ang Sa Pamumulaklak ng Talahib para sa akin dahil pinagsulat ako ni Ka Roger ng introduksyon para sa koleksyon. Nasa Iowa ako noon at naghahanap ng silbi ko sa bayan habang nasa malayong lugar.

Kasama ni Ka Roger, pinagtulungan namin nina Mark Joseph Rafal, Emmanuel Dumlao, Rogene Gonzales, Laurence Marvin Castillo, at Tilde Acuña na isalin ang mga tula niya sa Ingles.

*      *      *

“Mene, Mene, Tekel, Upharsin”
– Daniel 5:25

*      *      *

Parehong may mga salin/tula sa Ingles ang mga bagong aklat nina Chong Gelas at Ka Roger.

Sa panahon ng ASEAN integration, sa paghahanap ng mga tulang Filipino na maaaring isalin sa katutubong wika ng mga bansa sa labas ng Pinas, mas karapat-dapat na piliin ang kanilang mga tula.

*      *      *

Pauwi na ako nang mapansin ko ang mga flag ng New People’s Army na nakatulos sa tabi ng flag pole ng PUP at kumukunday sa hangin. Nagulat din ako nang makakita ng mga OP (“operation pinta”) sa gilid ng obelisk at ng pader malapit sa bahay ni Apolinario Mabini.

Kagulat-gulat na nakatayo sa loob ng kampus ang bahay ni Mabini. Kalunos-lunos din na pininturahan ng blue green ang kubo. Pero ibang kuwento na iyon.

Habang umuusad ang programa sa book launching ni Ka Roger, nagkaroon pala ng lightning rally sa loob ng kampus. Nakita ko ang mga litrato sa Facebook status ni Jonathan Caiña.

*      *      *

Signs of the times: naisip ko. Buhay na buhay ang revolutionary optimism (sige, sabihin na nating youthful vitality) sa Sintang Paaralan (mas ok nang ganito ang turing sa PUP kesa sa “Pekeng UP”).

*      *      *

May mga estudyanteng nagalit. Bakit daw sinira ang ganda ng obelisk, eh simbulo iyon ng PUP.

Sa website mismo ng PUP nakalagay, ang unibersidad ay may “long-standing reputation as a vanguard of truth and social justice.” Kahit kailan hindi naging konserbatibo ang PUP. Huli na sa balita ang ilang umaangil na nag-enrol o baka galing sila sa ilalim ng bato.

Iyon bang ganda ng nitsong kinulapol ng pintura pero may nabubulok na bangkay sa loob ang gusto nila o ang paalala na malakolonyal at malapyudal pa rin ang lipunan sa loob o labas man ng kampus?

*      *      *

“Society gets the kind of vandalism it deserves”
– Banksy

*      *      *

Signs of the times.