Istorya ng Linggo Main Story

Mahahalagang aral sa biyaheng Tsina


Maula’t mainit ang panahon sa lungsod ng Chengdu, probinsiya ng Sichuan sa bansang Tsina, nang lumapag ang eroplanong dala ang delegasyon ng Pilipinong mga mamamahayag. Pareho ang time zone, halos pareho naman (kundi man mas malamig lang nang kaunti) ang panahon sa iniwanang Maynila. Magkapit-bahay nga lang daw kasi ang bahaging norte ng Luzon at […]

"Trapik
Trapik sa Chengdu City. Sa gitna, tanaw mula sa malayo, ang rebulto ni Mao Zedong, na napapalibutan ng gahiganteng mga gusali sa industriyalisadong lungsod na ito ng Southwest China. KR Guda

Maula’t mainit ang panahon sa lungsod ng Chengdu, probinsiya ng Sichuan sa bansang Tsina, nang lumapag ang eroplanong dala ang delegasyon ng Pilipinong mga mamamahayag.

Pareho ang time zone, halos pareho naman (kundi man mas malamig lang nang kaunti) ang panahon sa iniwanang Maynila. Magkapit-bahay nga lang daw kasi ang bahaging norte ng Luzon at Timog-KanlurangTsina, kung saan matatagpuan ang Chengdu. Pero sa pagitan nila, isang katawan ng dagat na pinagmumulan ngayon ng matinding bangayan, at ginagawang katwiran para muling patindihin ang pananakop ng kasundaluhan ng malayong dayuhang bansa na Estados Unidos.

Isa ito sa mga layunin ng cultural and economic familiarization tour ng mga mamamahayag na inisponsor ng embahada ng Tsina sa Maynila: ang ipaliwanag ang kabilang banda ng sigalot sa South China Sea; ang ipakilala ang bansa, ang kultura at kasaysayan nito, na nag-aangkin ng karagatang ang malaking bahagi—ayon sa pandaigdigang mga batas sa dagat—ay pag-aari ng ating bansa.

Pero higit pa sa bangayan, sa maikling panahon ng pagbisita sa Tsina maaaring matagpuan ang pagkakasundo ng dalawang magkapit-bahay na bansa. Sumama ang Pinoy Weekly sa tour sa paniniwalang may mga leksiyong mapupulot mula sa isang bansang itinuturing na pangalawang pinakamayamang bansa (pangalawa lang sa US).

Ito ng bansang nagpaunlad sa pamamagitan ng isang kaayusan sa lipunan na pinamunuan ng mulat na mga manggagawang Tsino (ito ang sosyalistang kaayusan) pero pumihit patungong kapitalismo halos 40 taon na ang nakararaan.

"Ang
Ang 15-miyembro na media delegation mula sa Pilipinas, kasama ang manunulat na ito, na bumiyahe sa Southwest China. Kasama sa unang hanay, nakasuot-orange, si Sun Ling Xian, direktor ng Reconstuction Management Office ng Dujiangyan City. KR Guda

Chengdu: megacity para sa dayuhang mamumuhunan

Mula sa Chengdu Shuangliu International Airport, sakay ng bus ay ibinyahe ang mga mamamahayag sa gitna ng lungsod.

Sa tabi ng maluwag na kalsada nakahilera ang matatayog na mga gusali. Kapansin-pansin ang kaliwa’t kanang hilera ng luxury cars, ang walang katapusang hanay ng mga condominium. Hindi na sikreto sa mundo ang kaunlarang inabot ng Tsina ngayon, pero para sa Pilipinong bisita, nakagulat pa rin ang laki ng bawat kalsada, ng mga gusali (“Walang gusali na magkapareho ang disenyo,” sabi ng aming guide), ng bawat imprastraktura.

“Chengdu ang ikaapat na pinakamalaking lungsod sa Tsina,” sinabi kinabukasan ni Tang Jiqiang, direktor ng Chinese Finance Research Institute at tagapagsalita ng Chengdu Hi-tech Zone (CDHT), na isa sa pinakaunang industrial zones ng lungsod na binisita ng mga mamamahayag. “Sinaunang lungsod ang Chengdu. Mahigit 2,300 taon na ito. Pero tatlumpung taon pa lamang (ang kasalukuyang industriyalisadong bahagi nito).”

Halos kasabay ng debelopment ng lungsod ang “pagbukas” (“opening up”) ng Tsina sa dayuhang pagnenegosyo bunsod ng mga “reporma” ni Deng Xiaoping matapos pumanaw ang ama ng sosyalistang rebolusyon sa Tsina na si Mao Zedong noong 1976.

“Una naming tinayo ang lugar na ito (CDHT) noong 1988,” sabi ni Tang. Tulad ng special economic zones sa Pilipinas ang CDHT—pero di-hamak na mas malaki. Ayon kay Tang, kalahati ng iPads sa buong mundo, ginawa sa Chengdu. Dito rin itinayo ang pinakamalaking pabrika ng IT (information techonolgy) company na Intel. Halos lahat ng lokal at dayuhang kompanyang IT ay may pabrika rito. “Ito ang third largest software producing city,” sabi pa ni Tang. “May humigit-kumulang 100,000 enhinyerong nagtatrabaho rito.”

Larawan ng kaunlaran ang Chengdu. Pero nang tanungin ng isang Pilipinong mamamahayag kung kinikilala ng mga kompanyang namumuhunan sa lungsod ang karapatan ng mga manggagawang nagtatrabaho rito—karapatang tulad ng nakabubuhay na sahod, kaseguruhan sa trabaho at karapatang mag-unyon—hindi direktong makasagot si Tang. Basta, “masaya ang mga manggagawa rito.”

Hindi rin niya naibabanggit na isa sa pangunahing pang-akit ng Chengdu at iba pang ecozones sa Tsina ang mababang sahod ng mga manggagawa.

"Bungad
Bungad ng Dujiangyan Irrigation System. KR Guda

Kung papaano tinatalo ang kalamidad

Ilang oras na biyahe mula sa Chengdu ang lungsod ng Dujiangyan. Dito matatagpuan ang sinaunang sistema ng irigasyon sa Sichuan na Dujiangyan Irrigation System. Tinaguriang isa ito sa pinakamahusay at enggrandeng sinaunang irrigation system.

Noong 256 BC ginawa ang sistema ng irigasyon sa Dujiangyan. Ito ang solusyon ng monarikya ng Qin Dynasty ng Tsina sa malalang pagbaha sa Sichuan. Mula noong sinaunang panahon hanggang bago matatag ang People’s Republic of China noong 1949, matindi ang mga pagbaha sa naturang bansa dulot ng pag-overflow ng malalaking ilog dito—umaabot sa milyon ang nasasawi. Sa Dujiangyan, mistulang hinati ang Min River para mapigilan ang pagdagsa ng tubig sa mga lungsod at bayan, habang nabibigyan ng irigasyon ang argikultural na mga lupa ng Sichuan.

Kamangha-mangha ang laki ng proyektong irigasyon na ito, at patunay na sa mapagpasyang pamumuno (at kahit na wala pang modernong teknolohiya noon), nagagawan ng paraan na maiwasan ang malupit na kalamidad na taun-taon namang nagaganap.

Nakita rin ang mapagpasyang pamumuno na ito sa pagtugon ng sentral at lokal na pamahalaan ng Sichuan sa isang kalamidad na di-taun-taon nagaganap at di inaasahan: ang dakilang lindol noong taong 2008.

Karimarimarim ang resulta ng lindol: Umabot sa 69,195 katao ang namatay at 18,392 ang nawala (di alam kung buhay o patay) sa probinsiya ng Sichuan. Sa Dujiangyan City lang, umabot sa 3,091 ang nasawi. Kung pagbabatayan ang casualties, ito ang pinakamalupit na lindol sa modernong kasaysayan ng mundo. Naramdaman pa ang lindol hanggang bansang Pakistan.

Pero ayon kay Sun Ling Xian, direktor ng Reconstuction Management Office ng Dujiangyan City, matapos ang lindol, sinikap ng lokal at sentral na pamahalaan na agad na makatugon sa mga naapektuhan. Tatlong araw—lang!—na nawalan ng batayang mga serbisyo tulad ng malinis na tubig at serbisyo panseguridad ang lungsod.

"Lauriat
Lauriat na kainan sa Tsina: sagana sa pagkain ang delegasyon, tila makonsumo. KR Guda

“Sentral at lokal na pamahalaan ang pangunahing nagbuhos ng pondo para sa rekonstruksiyon,” sabi ni Sun. Umabot sa 840-Bilyon RMB (Renminbi, People’s Money o Chinese yuan) sa Sichuan at 53-B RMB sa Dujiangyan ang ginastos para muling makabangon ang mga sinalantang lugar. Tatlong taon lang ang lumipas bago natayo ang lahat ng resettlement houses para sa lahat ng biktima ng lindol. Samantala, tumira ang mga biktima sa isang temporary shelter na malayung-malayo ang hitsura sa bunkhouses ng Tacloban City sa Eastern Samar matapos salantahin ng bagyong Yolanda. Sinubsidyuhan ng lokal at sentral na gobyerno ng Tsina at Sichuan ang pagpapatayo ng mga bahay.

Matapos ang lindol, lumakas ang diwa ng nasyunalismo sa Tsina, lalo na sa Sichuan. Sa mga lugar na sinalanta ng bagyo, nakatirik ang bandila ng Partido Komunista ng Tsina para mapagkaisa umano ang mga biktima, at mapalakas ang loob para agad na makabangon.

Binisita ng delegasyon ang isa sa komunidad ng resetttlement na tinaguriang Moon Lake sa Dujiangyan. Winasak ng lindol ang Moon Lake noong 2008, pero taong 2011 nang muli itong matayo bilang isang resettlement area. Mukhang matitibay ang mga pundasyon. Malalaki, kahit kung ikukumpara sa mga bahay ng middle class sa Maynila. Ayon sa isang lider-komunidad, pinaglalaanan ng gobyerno ng 30 metro kada tao ang mga resettler. Kung kaya iba-iba ang laki ng mga bahay, batay sa laki rin ng pamilya. Tulung-tulong umano ang mga miyembro ng pamilya sa pagtatayo ng bahay.

Ayon sa taga-Moon Lake, sinusubsidyuhan din ng lokal na gobyerno ang kuryente, tubig, gas, at pati Internet sa kanilang komunidad.

Siyempre, kailangang isaalang-alang na ipinapakita ng gobyernong Tsino ang pinakamaganda o pinaka-abante nitong mga komunidad, hindi ang pinakamasahol.Gayunman, lumalabas na malayo ang rehabilitasyon ng Sichuan at Dujiangyan kung ikukumpara sa programang rehabilitasyon ng administrasyong Aquino sa Eastern Samar matapos ang Yolanda.

"Isang
Isang manggagawa na naghahakot ng tabla matapos ang China-Asean Trade Expo sa Nanning City, Guangxi province. KR Guda

Kontra-kahirapan

Mula sa Chengdu City, muling bumiyahe ng eroplano ang delegasyon patungong Nanning City, sa probinsiya ng Guangxi.

Tinagurang “green city”, sinasabing 40 porsiyento ng lupain ng Nanning ay natatamnan ng mga puno at pananim. Pansin ito sa pagbagtas ng delegasyon sa malalaking kalsada ng lungsod. Ang kataga ng mga promotor ng Nanning: “Kapag nakarating ka sa Nanning, hindi mo na gugustuhing umalis.” Industrial zone din ang lungsod, pero malaking bahagi ng kita nito ay mula sa turismo.

Sa probinsiya ng Guangxi, pakay ng host na gobyernong Tsino na ipakita ang kanayunan naman ng Tsina. Pinalilibutan ang Nanning ng malalaking bundok na karst (maihahalintulad sa karst topography ng Coron sa Palawan), at dahil sa marami sa mga taganayon ang nakatira sa matatarik na mga bundok na ito, marami rin umano ang mahihirap sa Guangxi.

"Mga
Mga residenteng nagma-mahjong, habang tahimik na nakatanaw ang imahen ni Chairman Mao. Sa isang resettlement housing sa Du’an county, Guangxi. KR Guda

Tumungo ang mga mamamahayag sa Du’an County, isang bayan sa pagitan ng Nanning at Hechi City. Dito, may 180 mahihirap na mga komunidad, dahil 89 porsiyento ng lupain ng Du’an ay sa mga bulubunduking lugar.

Noong panahon ng sosyalistang konstruksiyon ni Mao Zedong, naging pokus ng pang-ekonomiyang kaunlaran ng Tsina ang kanayunan nito. Sa sunud-sunod na mga Five-Year Plan, hakbang-hakbang na naglunsad ng repormang agraryo (ipinamahagi nang libre sa mga magsasaka ang mga lupaing agrikultural), kolektibisasyon ng agrikultura sa porma ng mutual-aid teams at kalauna’y mga kooperatiba, bago naging mga komuna (communes) na sinlaki ng mga bayan. Pero matapos pumanaw si Mao, binago ni Deng Xiaoping ang polisiya sa agrikultura—binuwag ang mga komuna, ibinigay sa pribadong mga pag-aari ang mga lupaing agrikultural, at nagpokus sa unti-unting pagbukas ng ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan.

Kaalinsunod pa rin sa mga “reporma” ni Deng ang ika-12 umanong Five-Year Plan ng gobyernong Tsino. Isang pokus ng naturang plano ang pag-aangat mula sa kahirapan ng mayorya pa ring mga mamamayan sa kanayunan ng Tsina. Pero hindi kolektibisasyon sa agrikultura ang solusyon ng gobyerno. Sentralisado pa rin ang pamumuno ng Partido Komunista (kahit sa esensiya’y di na ito komunista), kung kaya naitutulak nito ang ibang mayayamang bayan at lungsod ng isang probinsiya na tulungan ang mas mahihirap na bayan tulad ng Du’an. Naglalaan ng malaking pondo ang sentral na pamunuan ng Tsina, pero malaki rin ang inoobliga sa mayayamang lungsod tulad ng Nanning para maiangat ang kabuhayan ng mahihirap na bayan tulad ng Du’an.

Sa Chinua Village sa Du’an bumisita ang mga mamamahayag. Ang komunidad na ito ay isang resettlement community ng mga katutubong Yao sa 24 sakahan. Dati umano silang nakatira sa matatarik na bundok, pero nahikayat na tumira sa Chinua. Sa naturang komunidad, may subsidyo ang sentral at lokal na pamahalaan. Libre na pinagawa ng gobyerno ang mga bahay. Tulad sa Moon Lake, malalaki at gawa sa bato ang mga bahay.

"Pagsayaw
Pagsayaw ng mga katutubong Yao sa pagdating ng mga bisitang mamamahayag, sa Chinua Village, Du’an County, Guangxi province. KR Guda

“Wala na kaming hinihiling pa, kuntento kami rito,” sabi ng isang nakakatandang lider sa Chinua. Ramdam ng mga mamamahayag na ipinapakita muli sa lugar ang pinakaabante at maunlad na bahagi ng programang poverty alleviation. Inamin din naman ng mga lider dito na marami pa rin sa mga bundok na ayaw tumira sa Chinua at katulad na mga komunidad. Malaking usapin sa mga katutubo ang ancestral domain o lupaing ninuno, na minana pa nila. Sa mga lupaing ito rin matatagpuan ang burial grounds ng kanilang mga ninuno. Malamang na katulad ng Yao ang mga katutubo sa Pilipinas na may malaking pagpapahalaga sa lupaing ninuno.

Samantala, masasabing tinuturuan ng gobyerno ang mga Yao na maging pribadong mga indibidwal, o burges, sa pagbigay sa kanila ng sariling tahanan, lupaing maaaring sakahin, at oportunidad na makapagtrabaho sa karatig na mga lungsod bilang manggagawa sa industrial zones.

"Ang
Ang endangered species na panda, sa Panda Research Facility sa Chengdu. KR Guda

West Philippine Sea o South China Sea?

Huling destinasyon ng delegasyon ng mga mamamahayag ang malaking isla ng Hainan, na isa ring probinsiya at pinakatimog na bahagi ng Tsina. Matatagpuan din ito sa bungad ng mismong South China Sea—o West Philippine Sea sa gobyerno ng Pilipinas.

Sa maikling pakikipanayam sa mga opisyal pandayuhan (Foreign Affairs Office) ng Hainan, napag-alamang bahagi ng 12th Five-Year Plan ng Tsina ang pagtukoy sa ilang probinsiya at lugar bilang lugar ng turismo. Isa ang Hainan sa mga tinakda na probinsiyang may pinakamalaking potensiyal na yumabong mula sa turismo. Dahil isla, maraming beaches ang probinsiya.

Sa Haikou City, na kabisera ng Hainan, unang lumapag ang mga mamamahayag. Dito matatagpuan ang tanggapan ng isang think-tank na nagsasagawa ng pagsisiyasat hinggil sa isyung pinagmumulan ng pinakamatinding sigalot sa pagitan ng Pilipinas at Tsina—ang South China Sea o West Philippine Sea.

National Institute for South China Sea Studies (NISCSS) ang naturang think-tank, na may direktang suporta ng gobyernong Tsino. Sa kanilang bagong gawa na gusali, pinakita sa mga mamamahayag ang nakaeksibit na istorikal na pruweba kung bakit iginigiit ng Tsina ang pagmamay-ari sa 90 porsiyento ng Spratly Islands, gayundin ang iba pang teritoryo sa South China Sea. Mga sinaunang mapa, larawan ng mga naunang Tsino sa mga teritoryong ito, at mga libro at pag-aaral ang ipinakita. (Sa bahagi ng Pilipinas, inaangkin ng bansa ang ilang teritoryo sa karapatang ito dahil sa geographical proximity ng mga ito sa bansa, sang-ayon sa International Tribunal for the Law of the Sea.)

Sinabi ni Prop. Wu Shicun, direktor ng NISCSS at pangunahing ekspertong Tsino sa South China Sea Studies, na labis umanong ikinasama ng gobyernong Tsino ang pagsampa ng arbitration claim sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos). Sang-ayon sa kulturang Tsino umano ang direktang pag-uusap o negosasyon sa “dalawang magkaibigan” kung may di-pagkakasundo ang dalawa. Nababahala umano ang Tsina sa paglahok ng gobyernong US sa usapin—lalo pa’t pumirma ang gobyerno ng Pilipinas at US ng kasunduang militar na Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.

"Prop.
Prop. Wu Shicun. KR Guda

“Target ng EDCA ang Tsina,” sabi ni Wu. Naniniwala umano sila na ginagamit lamang ng US ang sigalot sa pagitan ng Tsina at Pilipinas sa South China Sea para makapanghimasok lalo sa rehiyon, habang binabantayan o pinagbabantaan ang Tsina.

Sinabi ni Wu na maaari umanong paigtingin pa rin ang pakikipagkalakaran ng Pilipinas at Tsina kahit na may sigalot sa South China Sea. Binigay niyang halimbawa ang Malaysia, na may mas maunlad umanong pakikipagkalakaran sa Tsina kumpara sa Pilipinas. Sa kabila ito ng territorial dispute din sa pagitan ng Tsina at Malaysia sa James Shoal (tinatawag ng Tsina na Zengmu Reef). Sa kasalukuyan, may US$100 Bilyong halaga ng kalakalan sa pagitan ng Tsina at Malaysia, habang US$20-B lamang ang sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

Gayunman, hindi rin naman naitanggi ni Wu na nagkakaroon ng incursions at agresibong pagtayo ng mga imprastraktura ang mga Tsino sa pinag-aagawang mga isla at teritoryo sa South China Sea. Hindi maitatanggi na may agresyon ang gobyernong Tsino na ginagawa sa Spratlys.

(Basahin ang istorya: ‘Relasyong Tsina, PH luluwag pagkatapos ng termino ni Aquino’)

"Sichuan
Sichuan Opera sa Chengdu City: Malayo na sa panahon ng pangkulturang rebolusyon sa Tsina. KR Guda

May matututunan sa kapitbahay

Higit sa magkatulad na maula’t maiinit na panahon, at higit sa kultura (marami sa mga tradisyong Pilipino ay nakuha sa mga Tsino), masasabing marami ang pagkakatulad ang dalawang bansa.

Parehong dumaranas ito ng matitinding kalamidad, at parehong may matinding kahirapan (kahit na malayung malayo ang antas ng kahirapan sa Tsino, may matinding inequality pa rin dito) ang dalawang bansa.

Ang Tsina, dumaan sa matinding panlipunang transpormasyon mula 1949; kahit na pumihit na patungong kapitalismo ang gobyerno nito, hindi ganap na nabura sa paggogobyerno ng mga Tsino—lalo na sa lokal na antas—ang pagpapahalaga sa serbisyong panlipunan, ang malakas na sentral na pamumuno para mapagpasyang solusyonan ang mga suliranin kahit sa mga probinsiya’t bayan. Ito ang maaaring matutunan ng kasalukuyang gobyerno ng Pilipinas sa Tsina ngayon.

Siyempre, mas marami pa ang maaaring matutunan ng mga Pilipino kung aaralin ang mahabang kasaysayan at pakikibaka ng mga Tsino.