Kababaihan Komentaryo Main Story

Komentaryo | Kontrobersiyal na mga abogado sa Subic Rape Case, sangkot din sa Laude Case


Hindi pa nakakasuhan ng pagpaslang kay Jennifer Laude si US Marine PFC Joseph Scott Pemberton, sa pagkakasulat nito. Pero marami nang abogado ang nasasangkot sa kaso, mula sa abogado ng pamilyang Laude na si Harry Roque hanggang sa Pilipinong abogado ni Pemberton na si Rowena Garcia-Flores ng law firm na ACCRALaw (mas kilala bilang law […]

Kaliwa: Olongapo City Prosecutor Emilie Fe delos Santos. Kanan: DOJ Undersec. Jose Justiniano.
Kaliwa: Olongapo City Prosecutor Emilie Fe delos Santos. Kanan: DOJ Undersec. Jose Justiniano. Inedit na larawan mula sa ABS-CBNNews.com at Balita.ph

Hindi pa nakakasuhan ng pagpaslang kay Jennifer Laude si US Marine PFC Joseph Scott Pemberton, sa pagkakasulat nito.

Pero marami nang abogado ang nasasangkot sa kaso, mula sa abogado ng pamilyang Laude na si Harry Roque hanggang sa Pilipinong abogado ni Pemberton na si Rowena Garcia-Flores ng law firm na ACCRALaw (mas kilala bilang law firm na tinatag ni dating Sen. Edgardo Angara). Sa ngayon, dalawang personalidad din mula sa gobyerno ang nababanggit sa kaso: sina Olongapo City Prosecutor Emilie Fe delos Santos, na siyang nangunguna sa preliminary investigation, at si Department of Justice Undersec. Jose Justiniano, na nakapanayam ng midya noong unang mga araw matapos ang krimen para ihayag ang mga posisyon ng naturang departamento.

Hindi ito ang unang beses na narinig natin ang mga pangalan nila.

Tumampok ang pangalan ni Delos Santos noong 2006, bilang chief prosecutor sa Subic Rape Case, ang kaso ng panggagahasa ng apat na US Marines sa Pilipinang itinago sa pangalang Nicole. Simula’t sapul, naging kontrobersiyal si Delos Santos dahil sa mga akusasyon ng pamilya ni Nicole. Oktubre 2006, o isang buwan bago ang promulgasyon ng kaso, nagsumite pa ng ang ina ni Nicole na nag-aakusa kay Delos Santos na nagtatangkang “iareglo” diumano ang kaso ni Nicole.

Ayon sa ina, sinabi ni Delos Santos sa kanila na “we cannot do anything if they call up the judge” (“wala tayong magagawa kung tatawagan nila [hindi malinaw kung sino ‘sila’] ang hukom”. ) Si Makati RTC Judge Benjamin Pozon ang hukom na dumidinig sa kaso noon. Inakusahan din ng ina ni Nicole si Delos Santos na “isulat kung ano man ang gusto namin” na halaga ng pag-areglo sa kaso. Pumayag na umano ang kaanak ng mga akusado na makipag-areglo kay Nicole. Siniguro din umano ni Delos Santos na mabibigyan ng “permanenteng istatus” si Nicole sa US habang mabibigyan ng “multiple entry visa”” sa US ang ina at ang kapatid na si Ana.

Itinanggi ni Delos Santos ang mga akusasyong ito. Nagpatuloy siya bilang pangunahing taga-usig ng kaso, sa kabila ng mga akusasyon. Nakakuha ang prosekusyon, sa tulong ng pribadong abogado ni Nicole na si Evalyn Ursua, ng conviction sa pangunahing akusado na si US Marine Lance Corp. Daniel Smith. Pero matapos ang halos tatlong taon, habang “nakapiit” sa US Embassy at hindi sa kulungan ang convicted rapist na si Smith, lumabas na naareglo rin ang pamilya ni Nicole. Umalis ng bansa ang biktima ng panggagahasa at “nagbagong buhay” sa US. Nagkatotoo ang sinasabing inaalok na areglo kay Nicole.

Samantala, isa sa mga nasasangkot sa pang-aareglo ang law firm SyCip Salazar Hernandez & Gatmaitan (Syciplaw). Dating abogado ng isa sa mga akusado na si US Marine Lance Corp. Keith Silkwood si Jose Justiniano. Nang mapalaya si Silkwood, naging abogado si Justiniano ng convicted rapist na si Smith sa pag-aapela nito sa Court of Appeals. Nasangkot sa liham ni Nicole (ibinalita sa midya bilang “recantation” o pag-atras sa pag-aakusa niya kina Smith—kahit sinabi ni Ursua at iba pang abogado na hindi naman “recantation” ang naganap) ang isang abogado noon ng law firm ni Justiniano, si Abraham Rey Acosta. Syciplaw umano ang naghanda sa naturang pahayag ni Nicole na nagbigay-daan sa pagbasura ng Court of Appeals sa conviction ni Smith noong 2009.

Ngayon, undersecretary na ng DOJ si Justiniano. At, kung magpapatuloy man ang kaso laban kay Pemberton, inaasahang nasa panig na siya ng naagrabyadong Pilipino na pamilyang Laude. Kahit na noong nakaraan, siya ang pangunahing abogado at tagaareglo para di makamit ang hustisya para sa isang kapwa Pilipino.