Sipa at Sumpa ng ‘Suhi’ sa Mindanao

September 13, 2014

Ang Komadrona sa Suhi. Larawan ng <strong>IPAG</strong>

Ang Komadrona sa Suhi. Larawan ng IPAG

Sa labas ng Rizal Mini-Theater ng Mindanao State University (MSU)-Iligan, Hilagang Mindanao, mapapansin ang upuan ni Salvador Dali na animo’y sumulpot sa kung saan: Perpekto ngunit nakabaliktad; di tunaw, ngunit tumpak ang pagkabitin sa tabi ng pintuan ng manonood, habang sa likod nito’y ang mata ng Komadronang testigo sa dalawang dekadang gera at animo’y naaagnas na kaharian.

Para sa mga estudyante at guro ng MSU Iligan, naging pamilyar ang upuang ito sa installation sa kampus bago ang pagbukas ng dula noong ika-8 ng Agosto 2014. Sa loob naman ng mala-Tanghalang Batute, muling matunghayan ang mga upuang nakalambitin nang patiwarik sa palibot ng ulunan ng manonood habang sa gitna ang istruktura ng organong pamproduksiyon ng babae tungong bahay-bata.

Pinatingkad ng disenyo nina Vicmar Paloma, Hermi Dico at Tres Roldan Cartera ang mahihinuha ng manonood mula sa dula: ang ugnayan ng Ina at Anak at ng Tagapagmanang Anak sa Lipunan.

Sa dula-sayaw na Suhi, naranasan ng manonood ang transcreation ni Steve Fernandez sa Oedipus Tyrranos, isang klasikong trahedya ng Gresya na sa sa tantiya ng mga historyador ay unang itinanghal noong 429 BCE. Tanyag din bilang Oedipus Rex o Oedipus the King, ipinapahayag ng dula sa panulat ni Sophocles (496 BCE – 406 BCE) na ang “gawang kamalian ng tao ang siya ring magdudulot ng pagbagsak o ikasasawi nito.”

Naranasan ito ni Oedipus, ang hari ng Thebes (matatagpuan sa Boeotia ng modernong Hilagang Gresya) na sa kanyang limot na malay ay pinatay ang kanyang amang si Hari Laius at pinakasalan ang sariling ina na si Reyna Jocasta. Sinasabing ang ‘di niya matanggap na buhul-buhol na pagkakamali’y isang propesiyang sa lumang paniniwala ng cosmic order ay ‘di maaaring suwayin ng tao.

Ang unibersal na diskusyon sa dula gaya ng kapalaran, kapangyarihan at kapasyahan ay salik sa popularisasyon ng dula at pagsalin nito sa pelikula man o entablado sa iba’t ibang bansa. Sa Pilipinas, ilan sa kilalang salin ay tinanghal ng Dulaang UP, Tanghalang Pilipino, Tanghalang Ateneo at Philippine Educational Theater Association.

Mula nang itinatag ang Integrated Performing Arts Guild (IPAG) noong 1978 sa pangunguna nina Steve Fernandez at Ligaya Fernando-Amilbangsa, ang mga dulang transcreation ay siya nang bumubuo ng repertoire ng organisasyon. Nakabase na ngayon sa Antipolo si Amilbang bilang artistikong direktor ng AlunAlun Dance Circle habang nagpapatuloy sa paglikha ng mga transcreation si Fernandez sa pamamagitan ng pananaliksik, pagsusulat at pagtatanghal bilang artistikong direktor ng IPAG.

Sa transcreation, “umiiral ang malikhaing proseso ng pagsasalin sa panahon at espasyo ng tektsong pampanitikan at pangdulaan.” Hinihiling nito ang transpormasyon at transplantasyon ng mga teksto, galaw, musika, tunog at iba pang kumbensiyon sa paglikha upang mag-anak ng isang adaptasyong maaaring angkinin ng isang komunidad o lipunan.

Sa muling paglikha ng kuwentong Oedipus, inilahad ni Fernandez ang ilang pulitikal at kultural na aspekto ng kalapit na probinsiya ng Maguindanao. Isang produkto ng pagsasanay sa pagsulat noong 2010, ang Suhi ay nabuo mula sa iskets ng Ampatuan Masaker na isang konkretong larawan ng pag-iral ng masangsang na eleksiyon sa ngalan ng tiwaling dinastiya.

Sa Impuni-Tree ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, nakatala ang 58 kababaihan at mamamahayag na pinatay sa munisipalidad ng Ampatuan noong Nobyembre 23, 2009. Hanggang ngayon, bulag ang Kagawaran ng Katarungan sa ehemplong ito ng paglabag sa karapatang pantao para sa pamamahayag at para sa buhay.

Iba-iba ang pagtanggap ng mga Pilipino sa suhing sanggol. Para sa ilan, ay suwerte. Para sa ilan, ito ay malas. Para sa mga nanay at doktor, ito ay hamon.

Para kay Fernandez, isang kasuhian ang naganap sa Maguindanao: kasuklamsuklam na kapangitan. Hindi binanggit ang Ampatuan Masaker sa dula, maging sa mga tala nito sa inilimbag na programa, ngunit sa mga karakter at wikang Binisaya-Tagalog ay maunawaan ang magkabilaang reyalidad ng karangyaan-kahirapan, ng kapangyarihan-kamangmangan at ng warlordismo-nasalaulang prosesong pangkapayapaan.

Gaya ng mga Koro sa Thebes, ang Taumbayan sa bangsa ng Adin ay iniiyak-inaawit ang kanilang matinding kalagayan sa gitna ng labanang Datu Udin (Michael Lagura) at Sampulna (absent actor). Sinasaad sa pambungad pa lamang na ang kinasadlakan na pamayanan na gutom, takot, sakit at kamatayan ay kaugnay ng nabubulok na pamahalaan.

Ang napatalsik na diktador na si Sampulna ay nagbantang salakayin ang puwersa ni Datu Udin upang magbalik sa puwesto. Nag-ipon siya ng lakas sa paniniwalang ang asawa ni Datu Udin na si Bai Mayi (Lara Espiritu/Elaine Baulete) ang siyang pumatay sa dating datu na si Layos. Samantala, ang paghiling niya ng pantubos/kolateral ay humantong sa paghahanap ng sanggol na anak ni Bai Mayi.

Nagkaroon ng interogasyon sa Komadronang (Jerrah Apelado) bitbit ang mahigit dalawang dekadang malupit na alaala sa pagpaslang kay Datu Layos sa araw din ng kapanganakan ng suhi. Marahas ang trahedyang Griyego, ngunit maingat ito sa pagpapakita ng karahasan sa entablado. Sa direksiyon ni Fernandez, tahasan namang ipinakita ang kalupitan sa Komadronang nagpatunay sa kaligtasan ng sanggol nang itinakas niya ito at ipinasa sa pangangalaga ng Saksi (Sheila Cañete). Ang pagbugbog at paglibak sa kanya ni Datu Udin, kasama nina Bai Mayi at Heneral (Christopher Lagos), ay pamilyar sa naratibo ng mga ikinulong sa panahon ng Batas Militar at maging sa kasalukuyang presong mahirap at o kaya mga may pampulitikang paninindigan.

Mahusay ang mala-babaylan na pagganap ni Apelado sa karakter ng matandang nagladlad ng sumpa. Mahinuha ni Datu Udin sa huli na ang kanyang inang-asawa’y siya ngang pumatay sa dating datu, samantalang ang kanyang malupit na kaaway ngayo’y siya mismong ama nito.

Gawa ng kahinaan sa pagsambit ng mga salita, maging sa pagtangan sa mga diyalogo sa tamang emosyon at pulso ng ilang aktor sa ilang eksena, maaaring di agad maunawaan ng manonood ang komplikasyong ito at sa huli’y umuwing lito kung “Bakit may mga babaeng naka-itim?”, “Sino nga ba ang suhi?, “Bakit sila nag-aaway?”, “Sino kung gayon ang ama ni Datu Udin?” at “Sino ang rebelde?”.

Maaaring masagot ang ilang tanong ng mas mahusay na teknik sa bolyum at intonasyon ng mga aktor at sensibilidad nito sa malapitang espasyo. Maaari rin itong masagot ng musika (Fernandez) na di lamang maghatid ng tunog-Maguindanao kundi’y makatulong upang higit na pumagting ang mga rebelasyon sa mga eksena na nakaapekto sa swabeng pag-unawa at pakidalamhati ng manunood sa mga karakter.

Kongkreto sa dula ang away-pamilya ng naghaharing-uri na bumibiktima sa pamayanan. Lumalabas din na ang kanilang bansa ay binubuo ng mga “rebelde” sa magkabilaang panig, sang-ayon sa aplikasyon ng salita sa sariling karanasan ng indibidwal at pagturing ng iba sa kanila.

Ang henchman na si Udoy (Miguel Joven Perfecto) ay nagrebelde noon sa pamamahala ni Sampulna kaya’t nakipagtulungan ngayon kay Datu Udin. Si Datu Udin naman ay dating aktibistang (“rebelde”) nanguna sa pagtuligsa kay Sampulna habang si Sampulna naman ay nagrerebelde ngayon sa pamamahala ni Datu Udin. Tanging si Bai Mayi ang may tangan ng talino kung bakit naganap ang ganitong salimuot samantalang ang banal na konsehong si Pandita (Julius Hechanova) ay tumayong tagapagitan.

Maaari ring pagtakhan kung bakit wala ang tipo ng “rebelde” mula sa Koro/Taumbayan. Sa isang palagay, hindi ito hiniling ng aksiyon sa dula, sapagkat hindi natumbok ang ugat ng “pagrerebelde” gaya ng usapin sa lupa/teritoryo lampas sa emosyonal na pagkariwara ng mga indibidwal. Kung gayon, maaari lamang tuldukan ng dula ang problema ng indibidwal pero hindi ang panlipunan. Bagamat sa kamalayan ng manonood, tiyak na kaugnay ng mayamang lupain sa bansa ang pag-iral ng nakakabaliw na dinastiya sa pulitika ng Pilipinas.

Dahil masakit ang katotohanan, binitay ni Bai Mayi ang sarili gaya ni Reyna Jocasta sa ilang bersiyon ng orihinal na teksto. Sang-ayon sa prinsipyadong pamumuno, isa itong aksiyon na magandang pagnilayan ng mga trapo kung ayaw nilang piliing magbago.

Hindi naman tinusok ni Datu Udin ang sariling mata gaya ni Oedipus. Pero nilabas nito ang baril. May kalabuan din kung ito ba’y pahiwatig ng pagpakamatay o tuluyang pakikipag-away kaya sa kanyang amang “diktador”. Sa parehong resolusyon, hindi nangangahulugang matatapos ang pasakit, katiwalian at kaguluhan.

Mahalagang banggitin ang mga namutawing ideya mula sa palabas ayon na rin sa mga manonood: “Walang sikretong hindi mabubunyag”; “Mananaig ang katotohanan”; “Ang pagtraydor ay nagdidiklap ng labanan”; “Ang kasakiman ay may karampatang parusa”; “Ang sinumang pinuno ay dapat lamang matino mag-isip at magdesisyon”; “Ang sinumang pinuno ay dapat dalisay ang pagsilbi sa taumbayan nang walang pansariling interes”; “Ang katumbas ng pagbigay-kapangyarihan sa maling tao ay karahasan/kahirapan”; “Matuto sa seryosong pakikinig sa panahon ng negosasyon”; at “Mas mainam pang mamatay nang may dignidad kaysa mabuhay na ulol”.

Sa bahagi naman ng paggalaw at pagsambit, mainam na mabanggit ang pinamalas ng Taumbayan/Koro na binuo nina Dianne Clemente, Blecy Cece, Kassandhra Suazo, Lauro Villanueva Jr., Veniza Yamomo, Gaspar Cortez Jr. at Trixcel Emborong. Nakapanghihinayang na hindi lubusang makalipad ang koryograpiya ni Leilani Fernandez gawa ng maliit na espasyo.

Kaugnay nito, sa 37 taong pag-ambag ng IPAG sa pagiit ng dulaan sa Mindanao at pag-unlad ng kasaysayan ng dulang Pilipino/Asya sa kabuuan, karapat-dapat sa organisasyon ang magkaroon ng mas malaking tanghalan at ibayong pagbubukas ng teatro sa mahahalagang usaping pampulitika, pang-ekonomiya at pangkultura gaya ng matinding militarisasyon at Muslim terrorist scare.