Pinalayas sa dating tirahan, pinapalayas ulit sa nilipatang pabahay

September 10, 2014

Tinangkang akyatin ng kababaihan ang bakod ng NHA sa isang protesta ng relocatees na pinapalayas ng NHA sa kanilang tahanan. <strong>Macky Macaspac<strong>

Tinangkang akyatin ng kababaihan ang bakod ng NHA sa isang protesta ng relocatees na pinapalayas ng NHA sa kanilang tahanan. Macky Macaspac

Matindi ang hinaing sa administrasyong Aquino ng mga residenteng inilipat sa Northville.

Isa na rito si Julieta Abergas, residente ng Northville 1 sa Bignay, Valenzuela. Dating nagtitinda siya ng diyaryo at nakatira sa tabing-riles sa tulay ng Malinta. Pero kasama siya sa libu-libong tao na napalayas sa kahabaan ng riles ng Philippine National Railways noong 2004 para bigyan-daan ang isang North South Rail System. Nailipat sila, nagsiksikan, sa tatlong relokasyon ng Northville.

Sa Northville 1, maglalako ng karyoka si Aling Julieta. Ang P100 ang kinikita niya sa isang araw, pinagkakasya na niya sa pagkain ng anak at apo. “Wala kaming kuryente. Gasera ang gamit namin. Ang tubig binibili namin, P2.50 kada container,” sabi niya.

Dahil sa hirap ng buhay at kawalan ng nakabubuhay na trabaho, hindi sila regular na nakakabayad sa hulugang P200 hanggang P350 kada buwan sa pabahay. Ngayon, dumating na ang mga demand letter ng National Housing Authority (NHA), at nanganganib silang muling mapalayas sa tahanan.

Naalala pa ni Aling Julieta ang pangako ng NHA na pabahay noong pinalayas sila sa Malinta. “Kung hindi maibibigay sa amin ang bahay na ipinangako nila, ibalik na lang nila kami sa tabing-riles, sa ilalim ng tulay,” aniya.

Noong Setyembre 4, kasama siya sa laksa-laksang mga residente mula sa iba’t ibang Northville relocation sites ng NHA—sa Caloocan, Valenzuela, Meycauyan at Marilao, Bulacan—gayundin ang mga residente ng Katuparan Housing sa Vitas, Tondo, na sumugod sa tanggapan ng NHA sa Quezon City. Galit sila, at humiling ng diyalogo sa pamunuan ng NHA.

Pero pinagsarhan muli sila ng pinto at tinapatan ng pangharang na may barbed wire. Nang nag-ingay na lang ang mga residente at nagtangkang akyatin ang gate saka pinapasok ang kanilang mga lider para makipagdiyalogo.

Silang pinabayaan ng gobyerno

Isa rin si Aling Vangie Morante sa mga sumugod sa NHA. Pinaalis siya sa kanyang barung-barong na tirahan sa Caloocan, boundary ng Maypajo at Sangandaan. Nakatira ngayon sa Northville 2B sa Bagumbong, Caloocan, hirap na hirap silang makapaghanap-buhay.

Vendor kami sa Baclaran. Maliit lang ang kita namin. Dati, ang pamasahe namin P30 lang. Pero ngayong nasa Northville kami, P100 na. Paano naman kami mabubuhay?” aniya. “Gutom kami sa relokasyon.”

Dagdag pa ni Aling Vangie, napakalayo ng pampublikong ospital sa relokasyon. Pinakamalapit na ang ospital ng Tala. “Meron namang ospital, kaso pribado. Ang klinika sa barangay, hindi naman mapakinabangan dahil madalas (na) walang gamot,” sabi niya. Kaya hindi raw masisisi ng gobyerno kung ibenta ng mga residente ang kanilang bahay lalo na tuwing may nagkakasakit na kaanak.

Parehong kuwento ang inihayag ng mga residente ng Northville 3 sa Meycauyan, Bulacan. Dating palaisdaan ang lupang binili ng NHA na tinabunan ng lupa at tinayuan ng mg bahay sa Northville 3. Kaya naman, sa kaunting ulan, binabaha na ang lugar. “Lumulubog paunti-unti ang mga kabahayan sa lugar, baha lagi at malapit din sa dagat,” ani Aling Thelma Milo.

Ipinakita rin niya ang eviction notice na galing sa NHA. Ang mga residente sa Northville 1, 2 at 3, karamihang pinalayas sa sinasabi ng gobyerno na “danger zones”, o mga lugar na mapanganib tirhan, tulad ng mga tabing-ilog at tabi ng riles. Pero sa mga relokasyong inilaan ng NHA, may panganib pa rin. “Mabuti na lang ang bahay ko at natapat sa dating pilapil. Pero ang mga kapitbahay ko, lalo na ‘yung mga nasa gitna, lumulubog ang lupa. Bitak-bitak na nga ang mga flooring ng mga bahay,” sabi ni Aling Thelma.

Pangamba ng relocatees mula sa Northville 1, 2 at 3 na muli silang magiging informal settlers dahil sa bantang ebiksiyon  ng NHA. <strong>Macky Macaspac </strong>

Pangamba ng relocatees mula sa Northville 1, 2 at 3 na muli silang magiging informal settlers dahil sa bantang ebiksiyon ng NHA. Macky Macaspac

Pinagkukuwartahan pa

Sa Northville 1 nakatira ang mga maralita na itinaboy noong 2004 mula sa riles sa Malinta.

Nabigyan naman daw sila ng P11,000 bilang tulong pinansiyal nang sila’y ilipat. Ang problema, walang bahay; lote lang ang relocation site na ito noon. At para makapagpatayo ng bahay, nagpautang ang NHA ng P50,000 para sa materyales.

Matapos ang dalawang taon, nagsimulang maningil ang NHA ng P200 kada buwan sa loob ng limang taon. Sa ikaanim na taon, pinatungan na ito ng 6 porsiyentong interes na bayarin. Kung susumahin, aabot sa P100,000 ang babayaran ng mga taga-Northville 1 sa loob ng 30 taon, ayon sa Gabriela, organisasyon ng kababaihan na may kasapian sa naturang relocation sites.

Ayon pa sa grupo, malaking problema ng mga residente ang kawalan ng hanapbuhay sa mga relokasyong ito. Sa kabila nito, namimilit daw ang NHA sa mga residente na magbayad, at pinagbabantaan sina Aling Julieta na paaalisin sa pamamagitan ng puwersahang ebiksiyon o pagkandado sa mga bahay.

Ganito rin ang sistema sa Northville 2B at Northville 3: Tataas din sa P350 sa ikaanim na taon, at P450 makalipas ang 10 taon, ang bayarin nila. Nagkakahalaga ang bawat yunit ng P175,000 na babayaran nila sa loob din ng 30 taon.

Bukod dito, pinangakuan ang mga taga-Northville 2 at 3 na bibigyan sila ng NHA ng halagang P25,000 para sa tulong pangkabuhayan. Pero ayon sa mga residente, hindi naibigay ang P25,000 tulong pangkabuhayan hanggang sa kasalukuyan.

Pinalala pa ang kanilang sitwasyon ng kuntsabahan daw ng Manila Electro Co. (Meralco) at NHA sa pagpapakabit ng kuryente. Kailangan daw na bayaran muna ang bahay bago kabitan ng kuryente. “Kailangang kumuha ng sertipikasyon sa NHA bago kami kabitan ng kuryente ng Meralco, ” ani Aling Thelma. Kaya ang marami sa kanila, tulad ni Aling Julieta, walang kuryente.

Pagpapalayas sa Tondo

Samantala, tulad ng mga taga-Northville, nahaharap din sa eviction ang libu-libong residente ng Katuparan Housing sa Vitas, Tondo. Maralita rin sila mula sa iba’t ibang lugar noong dekada ’90 na tinipon sa isang tenement housing sa paanan ng dating tambakan ng basura na tinawag na Smoky Mountain.

Walang renobasyon o pagmamantine sa mga bilding–at wala rin namang pera na pagpapaayos nito ang mga residente. Dekada ’90 pa nang ideklara ng lokal na pamahalaan ng Manila na “condemned” o dapat sirain ang 12 sa 27 na gusali rito.

Nagsagawa ang Department of Public Works and Highways ng isang rebound hammer test kamakailan at nakitang matibay pa ang pundasyon at mga biga ng mga gusali. Pero kailangan pa raw ng hiwalay na structural evaluation test para malaman kung maaari pa nga itong tirhan.

Pangamba ng mga residente, muli silang magiging informal settler kapag itinuloy ang paggiba sa Katuparan. “Dati na naming nilabanan ang demolisyon sa piyer noong 1991. Pumayag kami na mailipat (dito sa Katuparan) at in-award sa amin ang mga yunit. Ngayon, paaalisin kami?” ani Agnes Mondejar, na halos 25 taon nang nakatira sa Building 13.

Dagdag pa ni Aling Agnes, sapat na ang ilang taong pagbabayad nila para maging kanila ang mga yunit na tinitirhan ngayon. “Iba-iba nga ang halagang sinisingil sa amin,” aniya. Kuwento niya, P200 hanggang P1,000 ang sinisingil ng NHA kada palapag–pinakamahal ang nasa ibaba.

Kaya’t ipinagtataka ng mga residente kung bakit hindi namantina ang gusali sa loob ng mahigit dalawang dekada. “Dapat i-rehabilitate ang Katuparan at hindi dapat wasakin. Napakaraming pera ang napunta sa DAP (Disbursement Acceleration Program) na para raw sa mga maralita, bakit hindi ayusin (ng gobyerno) ang in-city relocation?” sabi pa niya.

At kung ipipilit daw ng NHA at lokal na pamahalaan ng Manila na gibain ang Katuparan, handa sila na muling lumaban. “Muli kaming magbabarikada, kung kailangan,” paninindigan ni Aling Agnes.

Hawak ng isang residente ang isang kopya ng demand letter mula sa NHA. <strong>Macky Macaspac</strong>

Hawak ng isang residente ang isang kopya ng demand letter mula sa NHA. Macky Macaspac

DAPat para sa maralita

Nababalitaan nina Aling Agnes sa midya ang hinggil sa DAP, na mistulang pork barrel ni Aquino. Nagtataka sila na di man lang mapondohan silang mga maralitang pinangakuan ng pabahay at kabuhayan, habang bilyun-bilyon ang inilalaan sa naturang lump sum funds ng Malakanyang.

Sa panukalang badyet ng administrasyong Aquino para sa taong 2015, mahigit P1 Bilyon ang nakalaan para sa Human Development and Poverty Reduction Cluster sa ilalim ng Department of Interior and Local Government (DILG). Para raw ito sa pabahay ng mga maralita sa mga tabing-ilog na tinaguriang “danger zones.”

Dagdag pa ito sa P10-Bilyon na sinasabi ng administrasyong Aquino na inilabas daw para sa in-city relocation sa ilalim ng DAP ng Pangulo.

Pero tanong ng mga maralitang tagalungsod: Bakit hindi nila nakikita ang kinahihinatnan ng malaking pondo? At bakit sila pang mga relocatee ngayon ang nanganganib na mawalan muli ng tahanan?

Hanggang sa kasalukuyan, itinatayo ang mga relokasyon sa labas ng Kamaynilaan tulad sa Rizal, Laguna at iba pang lugar, o kung tawagi’y off-city relocation. Noon ding 2001, inilabas ng DILG ang pag-aaral na nagsasabing hindi magandang ilipat ang mga informal settler sa off-city relocation sites dahil hindi pabor sa mga mahihirap ang programang ito.

Hinikayat ng ulat ang in-city relocation sites.

Diyalogo

Dahil sa pagsiwalat ng mga balita hinggil sa DAP at sa mga banta ng eviction sa kanila, galit ngang sumugod sa NHA Main Office sina Aling Julieta, Vangie, Thelma at Agnes, at iba pang maralitang relocatees.

Sa diyalogong kaharap ang ilang opisyal ng ahensiya sa National Capital Region, inihapag nila ang mga problemang hinaharap ng mga residente. Kasama rito ang kawalan ng ilaw, tubig, substandard na mga imprakstraktura ng relocation site, kasama na ang mga kalsada. Inihapag din nila ang tungkol sa kawalan ng kabuhayan, mataas na interes sa bayarin sa bahay, at panggigipit at pagbabanta na palalayasin ang mga hindi nakakabayad.

“Marami po ang nagtatanong, ano ba ang NHA? Ito ba ay developer, realtor, o ahensiya ng gobyerno upang tumulong sa maralitang tagalungsod? ” direktang tanong ni Rey Mangarang, isang opisyal ng Home Owners Association sa Northville 1 na humarap sa diyalogo. Partikular na tinutukoy niya ang ipinataw na 6 porsiyentong interes sa mga lupang nakuha sa NHA.

Paliwanag ng opisyal ng NHA, ang house (P100,000) and lot (P75,000) package noong 2005 ay nagkakahalagang P175,000. Ang subsidyo na ibinibigay ng gobyerno kada pamilya ay P35,000 lamang. Kaya pumapatak na may loan o utang ang bawat pamilya sa NHA ng halagang P140,000. At ang 6 porsiyentong na dagdag sa bayarin ay “para (raw) sa lote”.

Six percent lamang po sa lote. Kaya P75,000 lang ang may charge ng six percent. Sa bahay, zero percent. Kaya kapag in-average, mas mababa pa (ito) sa minimum na charge natin na 4.5 percent. Kaya kung i-average, nasa three percent lang po ang tsina-charge ng NHA. Hindi po talaga diretso na six percent,” ayon kay Victor Balba, group manager ng NHA-NCR.

Pero ayon kay Mang Rey, natapos na ang 30 taong nakasaad na kontrata ng maraming residente, pero hindi pa nila nabubuo ang bayad. Walang linaw kung paano mapapasakanila ang tinitirhan. Sagot ng NHA, kailangan daw magkaroon ulit ng panibagong diyalogo.

Sinabi naman ni Cherrylyn Isidro, isang residente ng Northville 2B, na hindi rin daw malinaw sa kasunduan kung sila ba ay borrower o awardees.

Tugon ni Balba, loan borrower daw sila sa kontrata dahil ang kasunduan ay sa pagitan ng developer at sa mga residente, pero awardee sila naman daw sila ng NHA. Paliwanag pa ng NHA, parang inutang sa NHA ang kabuan ng bayad sa lote at bahay, at kapag nabayaran, mapupunta sa mga residente ang anilang  binayarang lupa at bahay.

Loan borrower po kayo doon sa kontrata, pero awardee po kayo ng NHA.  (Kung) mabayaran n’yo po iyon, magkakatitulo po kayo… Loan agreement po ito. Ang ginastos sa bahay at sa lote, sa developer po iyun. Inutang po n’yo (iyan) sa amin,” sabi ni Balba.

Dito nagtaka ang mga residente: Kung sila’y awardee na, bakit pinagbabantaan sila na palayasin kapag hindi nakabayad o nahuhuli sa bayad? Pero todo-tanggi ang NHA na may pinapaalis na sila ngayon. Wala pa raw. Sa ngayon.

“Maganda (kayo) magsalita, pero ‘yung mga tao ninyo ang nagbibigay ng banta. Kapag hindi raw nakabayad ng bahay, ikakandado (nila ang bahay). Papalayasin sila. Inatake (sakit sa puso) po ang tatlo sa amin,” sabi pa ng sa isang lider.

Ayuda: pangakong napako

Ipinangako rin ng NHA ang livelihood assistance sa kanila noong sapilitang pinalayas sa kanilang dating mga tirahan ang mga residenteng maralita.

“Ako sa nakapirma sa livelihood (assistance), hindi namin nakatanggap. Ikinatuwa sana namin ‘yun. Kaya lang, umabot ng ilang taon (di pa nabibigay). Siyam na taon na kaming nandiyan, pero wala pa kaming nakuhang livelihood,” ani Melinda Ramos, na nailipat mula sa riles noong 2005.

Sabi pa ni Aling Melinda, kahit na nasa riles lamang sila noon, di hamak daw na mas maganda ang kanilang buhay doon dahil malapit ito sa kanilang trabaho, eskuwelahan, at palengke.

Itinanggi ng NHA na nangako sila ng pera para sa livelihood. Ang mayroon daw sila, livelihood trainings. Kinakausap din nila ang malalapit na mga pabrika para mapasukan ng mga inilipat na residente. Pero wala pa ring kabuhayan ang mga pinalikas. Sabi pa ng NHA, iyung P10,000 na dapat ibigay sa mga residente, ibinawas na sa P175,000 na “utang” nila na bayad sa lupa at bahay sa Northville.

“Wala po kaming ipinangako na P10,000 financial assistance. Ang binibigay po na assistance ay P1,000 lang po. Ito ‘yung subsistence allowance for three days. Wala po kaming sinabi at wala po talagang ibinibigay ang NHA na P10,000,” giit ni Balba.

Nagharap sa isang diyalogo ang mga lider ng mg residente at opisyal ng NHA. <strong>Pher Pasion</strong>

Nagharap sa isang diyalogo ang mga lider ng mg residente at opisyal ng NHA. Pher Pasion

Serbisyo-sosyal, nasaan?

Siyempre, hindi rin pinalagpas ng mga residente na singilin ang NHA sa kawalan ng maayos na serbisyo-sosyal sa mga relokasyon, lalo na ng tubig at kuryente.

“Noon, nang bagong likas, pinaliwanag sa amin kung ano ang dapat namin ma-avail, tulad P25,000 para sa umpisang kabuhayan, tapos may tubig, ilaw. Natuwa po kami. Pero noong dumating kami sa Northville 2B, may ilaw pero walang tubig. Kapag natanggalan ng ilaw, hindi bibigyan ng clearance ng NHA hangga’t hindi makabayad sa upa sa bahay. Pinagmumulan ng sunog dahil sa nakikikabit sa kabila, nagkaka-short circuit, nagkasunog po (sa amin),” ani Aling Ella Mamaril, presidente ng Home Owners Association sa Northville 2B.

Nais ipatanggal ng mga residente ang certificate mula sa NHA para makabitan sila ng ilaw.

“Puwede tayo magkompromiso. Puwede ba na we will issue the necessary certification, magbibigay ng promissory note sa amin, at least one month or two month payment lang, gawin n’yo naman yun? Promissory note with at least two months payment then we will issue the certification. Ganoon lang. Mapagbigyan namin kayo, mapagbigyan n’yordin kami,” sabi ni Balba sa mga residente.

Sa problema ng sirang mga imprastraktura gaya ng mga kalsada, hugas-kamay muli ang NHA. Lokal na gobyerno na raw ang may responsalidad kung ang mga relokasyon ay na-turn over na sa nauna.

Danger zones tungong death zones?

Naghugas-kamay din ang ahensiya sa problema ng pagbaha sa ilang relocation areas. Muli, lokal na gobyerno raw ang namili ng lugar at kasama pa raw ang mga residente.

Hinggil naman sa hinaing ng mga residente ng Tondo, naghihintay pa raw ang NHA sa desisyon ng DPWH bago sila magkaroon ng pagkumpuni sa mga gusali. Nais din kasi ng NHA na manatili ang nasabing mga gusali.

Sa 27 gusali sa Katuparan, nasa 12 ang sinasabing condemned o hindi na ligtas tirhan. Nais ng mga residente na magkaroon ng rehabilitation imbes na alisin sila sa nasabing gusali. “Nakipag-usap kami ng building officials, at sabi namin: P’wede bang i-reconsider ang kanilang desisyon? Unang una, dahil preliminary inspection n’yo pa lang, sinasabi nang ganito. So nagkaroon ng agreement,” ani Balba.

Dagdag pa ni Balba, “’Yung 27 buildings, maski 12 pa lang ang na-declare, kasama na rin yung 15. Hangga’t hindi nila sinasabi na okey, sige ipa-repair, puwede na iyon. Naghihintay kami ng desisyon doon.”

Tila takot na mabuntunan ng sisi ang mga opisyal ng NHA; hinikayat nila ang mga residente ng Tondo na kalampagin naman ang DPWH at lokal na gobyerno ng Manila para di-buwagin ang Katuparan Housing. Kasi, iyung dating malapit na tenement building na Diosdado Macapagal Building, pinasira ng NHA noong 2011 dahil condemned daw. Pero kahit ang kontraktor, hirap na sirain ang bilding dahil “matibay ang pundasyon.” Ibig sabihin, di naman kailangang wasakin ang bilding.

May hawak na muling pangako mula sa gobyerno sina Aling Julieta, Vangie, Thelma, Agnes, Melinda, Cherrylyn at Ella, at iba pang maralitang relocatees. Pero di tulad ng dati, mas mulat at mapagmatyag na sila.

Babantayan nila ang mga pangako. Patuloy silang maniningil—sa NHA man o sa mismong Pangulong Aquino na patuloy na ipinagtatanggol ang pag-aangkin ng pondo na para sa kanilang maralita.