Taludtod at drama ng api

August 15, 2014

Ilang tala hinggil sa Kleptomaniacs: A Rap Musical ng Tanghalang Pilipino at pelikulang Barber’s Tales (Mga Kuwentong Barbero) na dinirehe ni Jun Lana

Nicco Manalo at Micko Laurente sa "Kleptomaniacs". <strong>Tanghalang Pilipino</strong>

Nicco Manalo at Micko Laurente sa “Kleptomaniacs”. Tanghalang Pilipino

Mas mainam, palagay natin, na simulan ang pagsuri sa Kleptomaniacs: A Rap Musical ng Tanghalang Pilipino (dinirehe ni Tuxqs Rutaquio) mula sa puntong ito: hindi nanggaling sa kawalan (o hindi “nahulog na lang mula sa langit,” sabi nga ng isang matandang hangal) ang ideya ng rap musical tungkol sa mga karakter na mula sa iskuwater (mas maganda, at mas di-loaded, na gamitin ang terminong maralitang lungsod, o urban poor, pero baka mas pamilyar kayo sa iskuwater).

Ito ang isang punto na hindi masyado nababanggit sa lahat nang naisulat hinggil sa Kleptomaniacs. Marahil, dahil ito sa pinanggagalingan o bakgrawnd ng mga kritikong pandula: kaunti, kung mayroon man, siguro sa kanilang lumaki sa iskuwater. Kahit pa, sayang na hindi ito nabibigyan-diin, dahil matagal na ring kapansin-pansin ang popularidad ng rap sa mga maralitang lungsod. Bawat lugar siguro, lalo na iyung inoorganisa ng mga militanteng grupo tulad ng Kadamay, Gabriela o Anakbayan (at iba pa), ay may kanya-kanyang rap group na nagtatanghal sa mga pagtitipon at kahit sa mga rali. Nakatulong din siyempre sa paglaganap nito ang pagdami ng sikat na rapper sa mainstream na musika, mula sa sinaunang henerasyon nina FrancisM hanggang kay Gloc-9. Pero masasabing ang popular na penomenon na nagpasabog sa rap bilang pangkulturang penomenon ay ang FlipTop, na kadalasang inilalarawan na modernong Balagtasan.

Kaya sa odyens sa entablado na pamilyar sa musicals sa Pilipinas, kakaiba ang isang rap musical. Pero hindi na dapat ito kataka-taka, at panahon na lang ang nakakapagsabi bago mahawa ang teatro sa pangkulturang penomenon na lumalaganap ngayon sa daan-daanlibong kabataan (milyon pa nga siguro) sa pamamagitan ng social media. Mainam na bigyan-papuri si Layeta Bucoy sa pagsulat ng Kleptomaniacs, at sa pagkakaroon ng pandinig sa popular, hindi lang sa mga tagapanood sa teatro, kundi sa mga maralita na mismong sabdyek ng dula.

Tungkol sa isang komunidad ng maralita ang Kleptomaniacs. Sa partikular, tungkol ito sa isang karakter, si Tado (mahusay na ginanap ni Nicco Manalo), na nangakong magpakatino matapos malamang buntis ang kasintahang si Vicky. Di-kumbinsido si Vicky at ang buong komunidad na kayang magbago ni Tabo—maliban sa bestpren niyang si Ngongo (ang outcast na pangkaraniwan na sa mga dulang ganito, pero nakakaaliw pa rin) at ang nakababatang kapatid na si Butchoy. Sa puntong ito, pumasok ang tirador na si Peklat, at si Meyor, na nag-aalok ng trabahong pagkakaperahan—trabahong pamilyar sa sinumang tumira sa komunidad ng maralita. Sa karanasan ng bawat komunidad na naharap sa paglaban sa demolisyon (o trahedya tulad ng lindol), nariyan ang trabahong ito—ang trabahong mangumbinsi sa mga kapwa iskuwater na magsilikas dahil may planong proyekto ang gobyerno sa kanilang lupa na iniisk’watan. Inosenteng pinasok ni Tabo ang trabaho, pero ito rin ang nagdulot ng kapahamakan at pagbasag ng ideyalismo niya.

Sina Tabo, Butchoy at Vicky, at ang mga kapwa maralita sa "Kleptomaniacs". <strong>Photo courtesy: Tanghalang Pilipino/Hannah Dizon</strong>

Sina Tabo, Butchoy at Vicky, at ang mga kapwa maralita sa “Kleptomaniacs”. Photo courtesy: Tanghalang Pilipino/Hannah Dizon

Halatang may alam si Bucoy sa kulturang maralita, dahil nahuli niya ang esensiya ng dinaraanan ng mga maralita na tulad ni Tabo at ng komunidad sa kuwento. Mula sa mga musical number na mistulang nilikha na parang balagtasan—ala-FlipTop—(at kaya siguro napagkamalan ng isang kritiko na masyado raw preachy o nanenermon ito; pero preachy talaga ang rap) hanggang sa sentimyento ng maralita, may malinaw na sinseridad at simpatya ang dula sa sabdyek nito.

Totoong kulang sa dramatikong arko ang mga karakter, lalo na ang sekundaryong mga karakter, mula kay Vicky, sa mga magulang ni Tabo, kina Ngongo at Butchoy, hanggang sa mga kontrabidang sina Meyor at Peklat. Tanging si Tabo lang ang may pagbabago: mula sa buhay-tambay, hanggang sa pangakong pagpapakatino, hanggang sa pagpasok sa trabaho kay Meyor, hanggang disilusyon. Sa karakter ni Tabo makikita ang dramatic arc na marahil ay dinaraanan ng maraming maralita na napapaniwala sa propaganda ng estado na kung magsusumikap lang sila, makakabangon sila mula sa kahirapan. Samantala, sa pamamagitan ni Vicky at ng mga magulang ni Tabo, naisasalarawan ang panganib na malulong ng sinisismo ang maralita–ang kawalang-pakialam, paniniwalang di na magbabago ang mundo at kailangan na lang isipin ang sariling interes.

Hindi nalubos ang dramatikong arko ni Tabo. Hindi naresolba ang pagpapahirap sa kanya. Kaya trahedya ang kuwento niya. Pero kahit trahedya’y puwedeng maging progresibo. Mahusay naman (at sa pormang popular mismo sa sabdyek nito) na naipakita ng Kleptomaniacs ang cycle o siklo ng karalitaan, ang kultura ng kawalan-ng-magagawa, ang pagsasamantala ng mga makapangyarihan para manatili sila sa poder at manatiling maralita ang karamihang tulad ni Tabo. Sa pagpapakita sa esensiya ng problema—ang desperasyon ng maralita, ang paggamit ng naghaharing uri sa desperasyong ito para manatiling maralita ang maralita para maipagpatuloy ang paghahari nila—may pinatatrabaho sa ating odyens na harayain ang mga posibilidad ng paglaban at pagbabago.

* * *

Marilou (Eugene Domingo) at Cecilia (Iza Calzado): Paglabang higit sa sisterhood.

Marilou (Eugene Domingo) at Cecilia (Iza Calzado): Paglabang higit sa sisterhood.

Sa isang bahagi rin ng siklo nagsimula ang kuwento ng pelikulang Mga Kuwentong Barbero (Barber’s Tales), na dinirehe ni Jun Lana. Ito ang siklo ng pagsasamantala sa kababaihang maralita. Sa pagkakataong ito, ang sabdyek ay ang maralita sa kanayunan—si Marilou (mahusay na ginanap ni Eugene Domingo). Kung paniniwalaan ang kataga ni Karl Marx hinggil sa kasaysayan (“nauulit [ito], una bilang trahedya, pangalawa bilang komedya [farce]”), naganap ang kuwento ni Marilou sa isang bahagi rin ng siklo ng kasaysayan ng bansa: ang panahon ng batas-militar ni Marcos, taong 1975.

Nagsimula sa kuwento si Marilou bilang masunuring asawa ng isang barbero, si Jose (Daniel Fernando). Ginagawa niya kung ano ang tungkuling inaasahan sa kanya ng lipunan: ang mag-asikaso sa asawa. Si Jose naman ay sangkot sa mas malaking siklo ng pang-aapi. Kaibigan at barbero siya ng mapang-aping Meyor ng bayan (Noni Buencamino), na sangkot din sa nabanggit na bahagi ng kasaysayan (kaalyado niya sa pulitika si Marcos).

Magbabago ang lahat sa misteryosong pagkamatay ni Jose; matutulak si Marilou sa di-pamilyar na tungkulin bilang babaing nag-iisa. Sa una, tulad ng karaniwang maralita na babae ng nayon na lumaki sa atrasadong piyudal na kultura, hindi niya alam ang gagawin niya: Pupunta ba siya sa Maynila para mamasukang katulong (dahil iyun daw ang natural na pinatutunguhan ng isang biyudang probinsiyana na walang—o nawalan ng—anak), o mananatili sa baryo para ipagpatuloy ang negosyong barberya? ‘Yung huli ang pinili niya. Di-inaasahan, pero naipasa kay Marilou ang husay ni Jose sa paggupit.

Maagang natapos, kung gayon, ang siklo ng pang-aapi kay Marilou. Isang deus ex machina pa ang wakas nito (binangungot daw si Jose). Pero matatanto ni Marilou na hindi nagwawakas ang pang-aapi sa maralitang babae sa biyaya-ng-Diyos na pagwakas sa domestikong pagsasamantala. Kahit mahusay sa paggupit, hindi siya agad na kinikilala bilang barbero sa baryo. Babae kasi siya. Samantala, api rin sa kani-kanilang sitwasyon ang dalawa niyang kaibigan na sina Susan at Tessie (ginanap nina Gladys Reyes at Shamaine Buencamino). Silang lahat, ang buong baryo, nalulukuban naman ng kalupitan ng batas-militar.

Eugene Domingo at Nicco Manalo (nakatalikod)

Eugene Domingo at Nicco Manalo (nakatalikod)

Pero katulad ng maraming baryo sa mga probinsiya noong panahon ng batas-militar, lumaban ang ilan sa kanila. Nariyan, pangunahin, ang pamangkin ni Tessie na si Edmond (ginanap din ni Nicco Manalo ng Kleptomaniacs), na dating estudyante sa Maynila na namulat sa reyalidad at pangangailangan ng paglaban. Siya ang maglilikha ng tensiyon sa pagitan ng magkaibigang Marilou at Tessie. Pero sa kabila nito, positibo ang karakter ni Edmond: siya pa nga, o ang armadong kilusan na lumaban sa batas-militar na nilahukan niya, ang muling magbubuklod sa nagkatampuhang magkaibigan.

Swabe at hindi pilit o contrived ang pagtatahi ng iskrip sa lahat ng babaing karakter na inaapi, mula kina Marilou, Tessie, Susan at Cecilia (ang battered o binubugbog na asawa ni Meyor). Pero, ang maganda sa kuwentong ito, nareresolba man ang personal na alitan o conflict ng mga karakter na babae, hindi pa rin tapos ang pang-aapi sa kanila, dahil api pa rin ang sambayanan. ‘Yun nga lang, may konting shortcut na ginawa ang kuwento, sa paggawa sa panahon ng batas-militar bilang setting, mas madaling napapaliwanag ang katumpakan ng pagrerebelde. Hindi na kinailangang ipaliwanag kung bakit sa mga nayon nakabase ang New People’s Army o ano ang programa ng mga rebelde para sa mga magsasaka na mayorya ng sambayanan. Kumbaga, parang nagbabalikwas lang ang NPA dahil sa pasistang pang-aapi ni Marcos–at hindi pa sa mas batayang problema ng Pilipinas, tulad ng kawalan ng tunay na repormang agraryo. Kahit ang kontrabidang si Meyor, pinakitang pasista lang tulad ng amo niyang si Marcos. Pero tiyak, panginoong maylupa rin siya, kaya may personal na dahilan ang paglahok niya sa pasistang panunupil sa mga nagrerebelde sa bayan nila.

Pero minor na punto lang ito. Mahusay namang naipuwesto ng Mga Kuwentong Barbero ang lugar ng paglaban sa pang-aapi sa kababaihan sa paglaban sa pasismo o panlipunang pagrerebolusyon. Kumbaga, maaari mo itong masabi: Kung itinuloy ng Kleptomaniacs ang dramatikong arko ng karakter ni Tabo, malamang na piliin din niya ang landas na pinili ni Marilou: ang personal at panlipunang paglaya.

Bagamat natapos na ang inisyal na run ng Kleptomaniacs, magkakaroon ito ng re-run sa Nob. 28-30, Dis. 5-7, at Dis. 12-14 sa CCP Tanghalang Aurelio Tolentino. Balak din daw itanghal ng Tanghalang Pilipino ang dula sa mga eskuwelahan at komunidad sa buong bansa.

Sa panahong sinulat ang artikulong ito (Agosto 15), mapapanood ang Mga Kuwentong Barbero sa piling mga sinehan sa buong bansa.

Trailer ng Barber’s Tales:

Video teaser ng Kleptomaniacs: