Rebyu

Mga Kuwentong Barbero: Di Kuwentong Kutsero


Tanaw sa lokal na danas tungong pambansa ang hatid ni Jun Lana sa pelikulang Mga Kuwentong Barbero o Barber’s Tales (APT Entertainment and Octobertrain Films, 2013). Pagpahayag din ito sa pagsilang ng indibidwal na malay tungong kolektibong kamalayan. Naging ganap ang mga ito sa pinagtagping mukha at damdamin ng anim na babae sa baryo sa […]

Pagpapalaya sa kababaihan: (mula kaliwa) Eugene Domingo, Shamaine Buencamino at Gladys Reyes.
Pagpapalaya sa kababaihan: (mula kaliwa) Eugene Domingo, Shamaine Buencamino at Gladys Reyes.
Pagpapalaya sa kababaihan: (mula kaliwa) Eugene Domingo, Shamaine Buencamino at Gladys Reyes.

Tanaw sa lokal na danas tungong pambansa ang hatid ni Jun Lana sa pelikulang Mga Kuwentong Barbero o Barber’s Tales (APT Entertainment and Octobertrain Films, 2013). Pagpahayag din ito sa pagsilang ng indibidwal na malay tungong kolektibong kamalayan.

Naging ganap ang mga ito sa pinagtagping mukha at damdamin ng anim na babae sa baryo sa gitna ng katikasan ng Batas Militar ni Marcos noong 1975.

Gaya ng inaasahan sa babae ng kanyang panahon, walang pangarap at sariling desisyon si Marilou (Eugene Domingo). Nakasanayan niya na ang maging anino at utusan ng kanyang asawang barber na si Jose (Dan Fernando). Kaya naman nang pumanaw ito, ang una niyang naisip ay mamasukan sa Manila kaysa subukin ang trabahong bagamat angkin ng asawa ang karangalan nito, ang panggugupit naman ay nakabisado na ng kanyang kamay. Katunayan, lumalabas na higit pang pulido ang kanyang likhang gupit na ikinamangha ng mga suking sina Fr. Arturo (Eddie Garcia) at Mayor Alfredo (Nonie Buencamino).

Ganyan na lang ba? Kung hindi asawa ay katulong ang papel ng babae sa lipunan?” Mula sa simpleng retorika na ito na ipinahayag ng matandang dalaga na si Tessie (Shamaine Buencamino), ang problema ng komunidad sa kawalan ng barbero ay kinilala ni Marilou. Ngunit ang kultura ng pagtinging mababa ang babae ay isang pwersang humahadlang sa pamamayagpag ng kakayanan ng isang babae.

Sa henyong twist ni Jun Lana, di mo akalaing ang Magdalena ng kanyang asawa ang magiging anghel sa unang hakbang ng pagkilala ni Marilou sa kanyang sarili. Maitatalang ang prostitusyon ay isang arketipo ng lipunang may krisis at nabubulok habang sa sentido-kumong aksyon, ipinakilala ang dekadenteng karakter ni Rosa (Sue Prado) bilang matalino at buo ang dignidad bagamat ang kanyang papel ay maging maganda at magbigay-aliw lamang sa kasa ng mga lalaking nangangaliwa.

Ganito ring kasangkapan sa kama ang tauhan ni Susan (Gladys Reyes) na inakalang sa pagkaroon sa wakas ng lalaking sanggol ay makapagpahinga na siya sa gabi mula sa buong araw na pagtitinda ng kakanin.

Samantala, si Cecilia na mula sa mayamang uri ay di magampanan ang pagbubuntis at pag-alay ng anak kay Mayor Alfredo, isang kapansanan tuloy na nagbigay katwiran sa pagpaling ng kanyang asawa sa mga kerida at pag-ambon ng pasá sa kanyang mukha at pag-iisip.

Tahimik na tagapagkinig, tagamasid at tagatanggap ng mga insidente si Marilou na animo’y sumasang-ayon lamang sa kapalaran, masama man ito o mabuti, ngunit sa mga serye ng komplikasyon ng pelikula ay unti-unti niyang nahalaw ang tamsik ng tapang mula kay Tessie na nag-aruga sa pag-aaral ng pamangkin nitong si Edmund (Nicco Manalo); kay Susan na nagtadtad ng sili sa ari ng kanyang asawa upang turuan ito ng leksiyon; at kay Cecilia na tumapak sa lupa, nakiwiswis sa ilog at tumuring sa gaya niyang mahirap bilang kaibigan at maaaring higit pa dito ay bilang karelasyon sa pahiwatig niyang mga haplos at pamamaalam nang halik sa labi.

Sa unang pagtuklas ni Marilou kay Edmond bilang aktibong miyembro ng kilusan ng mga itinuring na rebelde, natural na pag-aalala sa kaligtasan nito ang kanyang reaksyon. Pangalawa ay ang panghihinayang sa sakripisyo ni Tessie bilang tumayong ina nito. Kaya naman noong una ay sarado ang pinto ng barberong barbera para sa mga NPA.

Gayunpaman, mabilis na napagtanto ni Marilou ang lohika ng pag-aarmas laban sa pang-aalipusta bilang hindi simpleng kapusukan ng kabataang nilisan ang pag-aaral upang tugunan ang panawagan ng armadong paglaban. Bumulagta sa kapilya ang mga bangkay ng mga pinaghinalaang rebelde kasama si Fr. Arturo na ang tanging kasalanan ay buksan ang tahanan ng Diyos para sa sinumang nangangailangan ng masilungan, pagkain o gamot.

Maalalang ang pagkilala ni Fr. Arturo kay Marilou bilang mahusay na barbero ay pagbigay-galang sa pag-angat ng antas ng babae sa lipunan. Ang simbolikong pag-abot nito ng Pulang Aklat ay maihalintulad sa seremonya ng pagwaksi sa kamangmangan gaya ng paghandog ni Jose Rizal sa taumbayan ng Noli Me Tanghere at El Filibusterismo, maging sa pagkaroon ni Andres Bonifacio ng liberal na mga babasahin mula sa Europa o kaya ay ang popularisasyon ng mga ipinagbawal na publikasyong pasa-bilis ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Ang aktitud na ipinamalas ni Fr. Arturo ay taliwas sa ipinapairal ng Simbahang Katoliko sang-ayon sa pagtayo ng kolonyang imperyo at kaisipang mababa/alipin. Ang masaker sa mga alagad ng simbahang nagtataguyod ng mapagpalayang tradisyon at paniniwala ay umiral noon pang panahon ng pananakop sa kaso ng masaker ng Cofradia de San José kasama si Hermano Puli (Apolinario dela Cruz, 1815-42) at sa pagbitay sa GomBurZa Brothers noong 1872. Sa kasalukuyan, nariyan ang mga kaso ng pamamaslang at sapilitang pagkawala ng mga taong relihiyoso na pawang alagad ng kalikasan at karapatang pantao gaya nina Bishop Alberto Ramento (1937-2006, Tarlac), ang Itlayanong si Fr. Fausto Tentorio (1952-2011, North Cotabato) at ang misyonaryong Dutch na si Willem Geertman (1945-2012, Pampanga).

Sa bandang huli, naisigaw din ni Marilou ang kipkip na ngalit sa pagkitil sa sariling buhay ni Cecilia, isang pangyayaring swabeng naisisi sa NPA ng bayarang midya: seksing kasinungalinang nakatawag tuloy sa pansin ni Pang. Marcos bilang isa sa makinarya nito ng pagkamoplahe ng karahasan ay ang industriya ng aliw gaya ng pelikulang bomba at ang umaatikabong boxing match nina Muhammad Ali at Joe Frazier.

Sa tulak ng kampanyang anti-insurehensiya ni Mayor Alfredo, ang mga baluktot na pala-palagay hinggil sa rebelyon ay namutawing usapan sa tindahan, ilog, kalye, kapilya, tahanan at barber shop. Sa isang punto, sadyang pumapagting ito sa tenga ng umaangkin sa katotohanan. Naibulalas ni Susan ang tagumpay ng Batas Militar sa pag-iral ng takot sa komunidad. Aniya, “di lahat ng tao ay kayang tanggapin kung ano ang dapat tama”. Sa pelikula, ito ay mistulang pansamantalang estado lamang ng mamamayan.

Wala nang talab ang takot kay Marilou na hinasa na ng mga pangyayari at magkaugnay na kalupitan. Gaya ng dulang Sweeney Todd: The Demon Barber of Fleet Street (Christopher Bond, 1973; musikal na bersyon nina Stephen Sondheim at Hugh Wheeler, 1979), ang instrumento ng barbero ang siyang armas sa pagtupok sa pwersa ng kalupitan na sa pagkakataong ito ay mismong ang ginintuang gunting ni Mayor Alfredo.

Sa alok ng Mayor na simpatiya at katahimikan, malinaw na pinili ni Marilou ang direksyon ng liwanag sa pag-aklas.

Maaaring ang aksiyong ito ay hindi ang unang pagkakataon para kay Marilou kung mapatunayang hindi misteryoso ang pagkamatay ni Jose sa unang bahagi sapagkat sa ganitong kaso ay may motibasyon siya nang mapagtanto ang pang-aapid ng asawa. Ngunit lampas sa paghihiganti, ang resolusyon sa pelikula ay may makauring katwiran.

Bagamat ang aksyon ay gawa ng isang indibidwal, ang walang pag-aalangan ni Marilou ay maipagtatanggol sa konteksto ng isang Hustisyang Bayan ng mga katutubo at ng rebolusyonaryong kilusan kung saan ang may utang na dugo sa Taumbayan ay nararapat lamang maparusahan gaya halimbawa ni Jovito Palparan na kilalang sangkot sa daan-daang pampolitikang pamamaslang sa kontemporaryong pasismo.

Isang manipestasyon ng hustisya ang resultang pagbuklod ng kababaihan upang bigyang proteksyon si Marilou. Sa puntong ito naidiin ang pakikibaka bilang hiblang nag-ugnay sa mga nakaranas ng pang-aapi at pagsasamantala.

Maraming pala-palagay hinggil sa huling yugto ng paglalakbay ni Marilou. Mga tagpi-tagping posibilidad gaya ng pagkaranas ng tortyur, pagkabaliw o pagkamatay. Ngunit nakakahangang sa huli ay nag-iwan ng pag-asa ang pelikula sa pagpapakita ng isang mapagpasyang katotohanan: ang binyag ni Marilou bilang Luz sa Kilusang Mapagpalaya. Ang pangalang ito na nangangahulugang liwanag ang pangarap na maisilang ni Cecilia.

Kaiba sa komposisyon ng naunang pulong ni Edmond na pawang kalalakihan, ang huling ritwal ay pinamunuan ng Babae (Nora Aunor) at makikitaan ng partisipasyon ng kababaihan. Sadya man o hindi ang Quezon bilang lokasyon ng pelikula, may impresyon ng pagtagpo nina Marilou at Lorena Barros (1948-76) sa eksena. Si Barros ay isa sa tagapagtatag ng MAKIBAKA o ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan at nag-alay ng buhay bilang Pulang Mandirigma. Mula sa mga speech ni Barros noong dekada 70, naging popular ang sinabi nitong “Ang babae ay hindi pangkama o pangkusina lamang… ang puso ng babae ay nasa pakikibaka…”

Bagamat ang tauhan ni Marilou ang sentro sa pelikula, ang ibang tauhang Babae naman ay sumasalamin sa isang aspeto ng karanasan ng sektor at uri. Bawat Babaeng tauhan sa pelikula kung gayon ay may potensyal na maging lider gaya ni Marilou na naging bukas sa pagtataka, pagtatanong, pakikinig, pag-aaral at pagkilos. Ang mga ito ay susi sa panumbalik ng kapangyarihang Babaylan sa katutubong katawan ng mamamayan at pagsapi tuloy ng dalisay na papel nito bilang tagapagtanggol ng lupa at ng karapatan.

Sa pelikula, umiral din ang suporta ng mga batikang aktor gaya nina Gladys Reyes at Shamaine Buencamino upang mapatunayan ni Eugene Domingo na ang artistang nakaranas ng dugo’t pawis ng entablado ay kayang gumampan ng seryosong drama at di lamang ng papel ng komersyal na katatawanan.

Handog ni Lana ang ikalawa sa kanyang proyektong Trilohiya kay Marilou Diaz Abaya (1955-2012), ang direktor na naghatid sa atin ng makabuluhang pelikula gaya ng Bagong Buwan (2001), Muro Ami (1999), Jose Rizal (1998) at sa Pusod ng Dagat (1997).

Higit dito, ang Mga Kuwentong Barbero ay nararapat lamang mapanuod ng pamilyang Pilipino bilang isang materyal na ambag sa paghubog ng progresibong kultura. Ang halagang pang-edukasyon nito ay nailulugar sa dokumentasyon ng isang bahagi ng ating kasaysayang lokal at pambansa at bilang pagkilala sa papel ng kababaihan para sa pagbabago gaya ng ipinamalas sa Ka Oryang (Sari Dalena at Keith Sicat, 2011), Andrea, paano ba ang maging isang Ina? (Ricky Lee at Gil Portes, 1990), Sister Stella L (Mike de Leon, Jose Lacaba at Jose Almojuela, 1984), Gabriela Silang (Jun Aristorenas, Ding de Jesus at Greg Macabenta, 1971) at Tandang Sora (Lamberto Avellana, 1947).

(Basahin din ang isa pang rebyu ng Barber’s Tales, gayundin ng Kleptomaniacs)