Gulong ng Buhay

Kapag ginamit ang siyensiya sa masama


Ang pagsabog ng bombang atomiko ng US sa Hiroshima at Nagasaki sa bansang Hapon na marahil ang pinakamalaking halimbawa ng masamang kahihinatnan ng agham at teknolohiya sa kamay ng monopolyo kapitalismo. Maraming siyentista, lalo na ang mga liknayanong naging sangkot sa paglikha ng bombang nukleyar, ang nagising sa katotohanang ang kanilang mga pagsisikap na alamin […]

Prof. Kim Gargar

Ang pagsabog ng bombang atomiko ng US sa Hiroshima at Nagasaki sa bansang Hapon na marahil ang pinakamalaking halimbawa ng masamang kahihinatnan ng agham at teknolohiya sa kamay ng monopolyo kapitalismo.

Maraming siyentista, lalo na ang mga liknayanong naging sangkot sa paglikha ng bombang nukleyar, ang nagising sa katotohanang ang kanilang mga pagsisikap na alamin ang pinakaloob-loob ng mga bagay ay hindi palaging nakabubuti sa mga mamamayan ng mundo. Ilang daang libong mamamayang Hapones ang nasawi at nagdusa dahil sa pananaliksik ng mga sangkot na siyentista. Ilan sa kanila ang nakatanggap din sa mapait na katotohanang sila’y ginamit lamang ng monopolyo kapitalismo para sa pagpapatindi ng kontrol nito sa buong mundo ng walang pakialam sa kahirapang naidudulot nito sa napakaraming mamamayan.

Ang dambuhalang enerhiyang nukleyar na natuklasan nilang nakatago sa pinakalooban ng mga atom ay parang demonyong pinakawalan mula sa kahon ni Pandora. Paano ba ito natuklasan?

Nasa sentro ng pagkatuklas nito ang pinakasikat na ekwisyon sa siyensiya, ang E=mc² ni Albert Einstein. Sa ekwisyon na ito, ang letrang E ang sumisimbolo sa kantidad ng enerhiyang katumbas ng masang (mass) kinakatawan ng letrang m. Ang factor na c² ay ang parisukat ng bilis ng takbo ng liwanag; ito ay katumbas ng 300,000,000 metro bawat segundo. Ang isang gramo, halimbawa, ng masa kung buung-buong itatransporma sa pormang enerhiya ay katumbas ng 25,000,000 kWh (kilowatt-hour), ang total na enerhiyang kinokonsumo sa pormang kuryente ng mahigit 200,000 karaniwang bahay (sa average na konsumo na 100 kWh) kada buwan.

Ang ekwisyong ito ni Einstein ay batayan ng lahat ng kalkulasyong ginagawa sa pagsukat ng enerhiyang nukleyar. Ang enerhiyang ito ay nakakawala sa pamamagitan ng prosesong tinatawag na pagsibak ng nukleyus ng atom (nuclear fission). Ang mga atom ng 60 kilo ng uranium ng Little Boy at 6 kilo ng plutonium ng Fat Man ang pinakawalan at biniyak sa siyudad ng Hiroshima at Nagasaki noon Agosto 1945. Ang enerhiyang katumbas ng kinokonsumo ng mga 400,000 karaniwang bahay sa Metro Manila sa loob ng isang buwan ay sumambulat sa pagsabog ng dalawang higanteng bomba.

Ang karumaldumal na ginawa ng US sa Hiroshima at Nagasaki ay pangunahing maisisisi sa pamamayani ng monopolyo kapitalismo. Ngunit may bahid din ng kawalang-responsabilidad ang mga siyentista at inhinyerong direktang sangkot sa gawaing ito ng tinaguriang Manhattan Project na ginastusan ng aabot sa dalawang bilyong dolyar ng gobyernong US. Kasama rito ang mga Nobel Prize awardees na sina Enrico Fermi (1938 nanalo), Hans Bethe (1967), at maging si Albert Einstein mismo na bagamat walang direktang kinalaman sa paggawa ng bombang nukleyar ay maituturing na isa sa mga pasimuno nito dahil sa kanyang sulat kay Pangulong Roosevelt noong ika-2 ng Agosto 1939:

“Sa loob ng nakaraang apat na buwan, naging posible na—sa pamamagitan ng mga gawain ni Joliot sa Pransiya at pati na ni Fermi at Szilard sa Amerika—ang pagpapaliyab ng mga nuclear chain reaction sa isang malaking masa ng uranium, kung saan gahiganteng kantidad ng lakas at ng bagong mga mala-radium na elementong kemikal ang malilikha. Ngayon, ang pagkamit nito sa pinakamalapit na panahon ay mukhang magiging halos sigurado na. Ang nakataya dito’y higit pa sa abstraktong produksiyon ng enerhiya. Ang bagong penomenon na ito ay maaari ring magtungo sa paggawa ng mga bomba, at nakikinita—bagamat hindi pa ganun kasigurado—na ang napakalakas na mga bomba na bagong tipo ay maaaring gawin. Ang nag-iisang bomba sa ganitong tipo, dala-dala ng bangka o pinapasabog sa isang pantalan, ay maaaring dumurog sa buong pantalan kasama ang mga katabing lupain.”

Matapos ang malagim na kinahinatnan ng Manhattan Project, anim na taon mula nang sulat ni Einstein, hindi naging madali para sa mga sangkot na siyentista at inhinyero na tanggapin ang kanilang naging papel sa naturang masaker. Pinagsisihan ni Einstein ang kanyang pagsulat kay Roosevelt:

“Ako ay nakagawa ng isang pagkakamali sa aking buhay—nang pinirmahan ko ‘yung sulat kay Pangulong Roosevelt na nagtataguyod na ang bombang atomiko’y dapat buuin. Subalit malamang ako’y mapapatawad para roon dahil tayong lahat ay nakaramdam na may mataas na tsansa na ang mga Aleman ay pinag-iisipan ang problemang ito at sila’y maaaring magtagumpay at gamitin ang bombang atomiko upang maging pangunahing lahi.”

Nang pinilit si Einstein na magpaliwanag kung bakit kayang tuklasin ng tao ang mga atom ngunit hindi ang paraan upang kontrolin ang mga ito, ang kanyang sagot: “Simple lang ‘yan kaibigan: sapagkat ang pulitika ay mas mahirap kay sa pisika.”

Negatibo man ang epekto ng bombang nukleyar, may positibo pa rin itong hatid bilang pampabukas ng mga mata ng maraming siyentista sa kasamaang maaaring idulot ng isang agham na hindi nakakabit ng mahigpit sa pangangailangan ng mamamayan at wala sa kanilang kontrol. Sa librong Silage Choppers And Snake Spirits ni Dao-yuan Chou, ibinahagi ni Joan Hinton, isa sa mga kasama sa Manhattan Project, ang kanyang pagka-disilusyon sa praktika ng agham at teknolohiya sa US. Dahil dito, lumikas siya patungong Tsina ilang buwan bago ito nahawakan sa pambansang saklaw ng mga mamamayang Tsino sa pamumuno ni Mao Zedong noong 1949. Iniwanan ni Hinton ng tuluyan ang pag-aaral sa pisika at itinuon ang kanyang buong buhay sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng isang probinsya sa Hilagang Tsina. Pinatunayan ni Hinton na matapos ang madugong kinahinatnan ng modernong siyensiya, may positibo pang tungkulin ang mga siyentistang katulad niya upang dahan-dahang humina ang kontrol ng monopolyo kapitalismo sa agham at teknolohiya at mailipat ito sa kamay ng mga mamamayan ng buong mundo.

[Nakatulong ang artikulong “The Sextant Equation ni Peter Galison” sa koleksiyong It Must Be Beautiful na inedit ni Graham Farmelo at lumabas noong 2002.]