BALIK-TANAW | Ang Pagreretiro ng ‘Berdugo’

August 13, 2014

Hen. Jovito Palparan, sa isang Senate investigation hinggil sa pamamaslang kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy noong 2004. <strong>Boy Bagwis/PW File Photo</strong>

Hen. Jovito Palparan, sa isang Senate investigation hinggil sa pamamaslang kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy noong 2004. Boy Bagwis/PW File Photo

(Ang artikulong ito ay unang lumabas sa print issue ng Pinoy Weekly noong Setyembre 6, 2006. Matapos magretiro ng heneral, hindi itinuloy ng administrasyong Aquino ang nabalitang pagtatalaga kay Jovito Palparan sa National Intelligence Coordinating Agency o sa Dangerous Drugs Board. Sa halip, kinanlong siya ng isang pekeng grupong party-list, Bantay, para tumakbo sa halalang 2007. Noong 2009, nagdesisyon ang Korte Suprema na makakaupo sa Kamara ang naturang grupo–na kinatawan ni Palparan. Tumakbo siya sa pagkasenador noong 2010 eleksiyon sa plataporma ng “antikomunismo” at natalo. Noong Disyembre 20, 2011, matapos maglabas ang korte sa Malolos, Bulacan ng mandamyento sa pag-aresto sa kanya sa pagdukot kina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan, nagtangka si Palparan na mangibang-bansa. Matapos maharang sa airport, nagtago ang heneral. Hanggang noong Agosto 12, 2014 nang maaresto siya ng pinagsamang puwersa ng National Bureau of Investigation at yunit ng Naval Intelligence. –Ed.)

Kung paniniwalaan ang umuugong na sabi-sabi, hindi pa tapos ang karera ni Maj. Gen. Jovito Palparan. Ayon sa itinatakda ng patakarang mandatory retirement, paparetiro na siya ngayong Setyembre 11, 2006 – opo, kabertdey niya si Ferdinand Marcos. Ngunit hihirangin siya ng kanyang nangungunang isponsor, na walang iba kundi si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, bilang hepe ng NICA (National Intelligence Coordinating Agency).

Ang NICA ang pangunahing nangongolekta at nag-aanalisa sa mga paniniktik ng gobyerno. Ito ay direktang nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo. Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan ang NICA sa CIA (Central Intelligence Agency) at iba pang bansang Asyano sa paglaban sa “terorismo”.

Sinong me sabi niyan?” buweltang tanong ni Palparan sa Pinoy Weekly nang kapanayamin namin siya sa telepono.

May dulot na kakaibang lamig ang boses ng marahil ay pinakakilalang heneral ng AFP (Armed Forces of the Philippines). Dahil kaya sa kanyang “prestihiyo” bilang “berdugo ng mga militante”? Sa isang saglit ay inakala naming aakusahan niya kami ng rumor-mongering. Noong panahon ng batas militar kasi, ang rumor-mongering o pagkakalat ng tsismis ay may parusang pagkakabilanggo. Ngunit sa kasunod na salita ni Palparan, maliwanag na alam na rin niya ang balita.

Hindi pa tiyak iyan (ang tungkol sa NICA). Pero kung meron, titingnan natin. Ganoon lang…kung ano ang magagawa pa natin, gagampanan natin iyan.”

Si Palparan ang itinuturo ng mga grupong militante at human rights bilang tagapagpatupad ng pampulitikang pamamaslang na extrajudicial killings. Mula nang maupo sa puwesto si Pangulong Arroyo noong 2001, umabot ang mga nasabing kaso sa 747.

Sa panayam ng PW kay Palparan sa telepono—na naputol niya ilang saglit pa lang kaming nagkakausap, sinabi niyang itutuloy pa rin niya ang kanyang kampanya laban sa Komunismo. Diumano, masaya siyang magreretiro kahit hindi niya nakumpleto ang kanyang “plano”.

Handa na akong iwan ang serbisyo sa military. Ganoon naman talaga, dumarating ang ganyang panahon. Kailangan ding pagbigyan ang ibang opisyal,” wika niya. “May pamilya naman ako, babalik ako sa pamilya ko.”

Suportado umano ng kanyang pamilya ang mga ginagawa niya sa serbisyo. Pero binigyang-diin ni Palparan na kahit siya’y sibilyan na, tuloy pa rin ang kampanya niya laban sa Komunismo.

Inspirasyon at ‘Berdugo’

Magpapatuloy tayo sa pag-inspire sa mga tao. Magbibigay tayo ng edukasyon sa mga sundalo at sa mga mamamayan,” wika ng heneral na personal na nagbibigay ng workshop sa antikomunismo. Sa mga iyon, itinuturo niya ang “kasamaan ng komunismo.”

Matatandaang sinabi ni Palparan kamakailan, na bagaman wala siyang direktang kaugnayan sa pamamaslang sa mga militante, maaaring nagsisilbi siyang inspirasyon sa mga “pumapaslang.”

Nagsimula ang kanyang kampanya noong dekadang ’80 anng siya ay italagang commanding officer ng 24th Infantry Battalion sa ilalim ng 702nd Brigade ng Philippine Army sa Gitnang Luzon. Siya ang tagapagpatupad ng patakarang total war ng rehimeng Aquino sa Tarlac, Pangasinan at Zambales. Noon pa man, hinihinala nang bahagi ng kanyang kampanya ang pagdukot at pamamaslang sa mga pinaghihinalaang sumusuporta sa NPA. Bilang elemento ng psywar, naglabas siya ng listahan ng diumano’y mga tagsuporta at kasapi ng NPA at sapilitan silang pinasusuko. Binansagan niyang prenteng organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas ang legal na mga organisasyong tumututol sa militarisasyon.

Dahil sa matitinding paglabag sa karapatang pantao, nagharap ng reklamo laban kay Palparan ang lokal na mga opisyal sa Gitnang Luzon. Natanggal sa puwesto si Palparan.

Noong maagang bahagi ng dekada ’90, inilipat si Palparang sa Hilagang Luzon. Kabilang sa kanyang rekord dito ay ang pagbuwag sa mga organisasyong masa sa Mountain Province, anim na kaso ng ilegal na pang-aaresto, limang kaso ng harasment, isang kaso ng pagkawala, isang kaso ng pamamaslang, isang kaso ng pananakit at dalawang kaso ng sapilitang ebakwasyon. Muli, dahil sa matinding protesta ng mga mamamayan, napalayas si Palparan.

Bago siya maitalaga bilang commanding officer ng 204th Brigade, naging pinuno muna siya ng Task Force Banahaw (TFB) na sumaklaw sa Rizal at Laguna noong 1998-2001. Sa kanyang paghawak sa TFB, naitala ang 61 kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao. Karamihan sa mga biktima ay mga kasapi ng organisasyong masa na sinasabi rin niyang prente ng mga Komunista.

Mula nang maitalaga siya bilang pinuno ng 204th Brigade na nakabase sa Oriental Mindoro, naitala ang 32 kaso ng pamamaslang. Lahat ng biktima ay mga kasapi ng legal na mga organisasyon, kasama na rito ang kaso nina Orly Marcellana, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Southern Tagalog, at Eddie Gumanoy, tagapangulo ng Kasama-TK na kapwa pinaslang noong Abril 2003. Sa kabuuan, siya ang itinuturong may pakana ng hindi bababa sa 100 pamamaslang sa Mindoro at Romblon. Sa panahong iyon, nakapagtala ang Karapatan ng 326 kaso ng paglabag sa karapatang pantao, kabilang na ang pamamaslang.

‘Berdugo’ nga ba?

Sa bugso ng pamamaslang, nagkahugis sa isipan ng mga mamamayan ang mga tinatawag na death squad na lisensiyadong pumatay ng sinumang nasa listahan.

Hindi tinigilan ni Palparan ang taktika ng pagbabansag sa demokratikong mga organisasyon bilang rekruter ng NPA. Kakambal nito ang pagpapakalat ng listahan na walang iniwan sa Order of Battle (OB) ng AFP. Sa tradisyunal na gamit, ang OB ay listahan ng sertipikadong mga rebeldeng nag-aarmas o kaya’y mataas ang posisyon sa istruktura ng kilusang rebolusyonaryo. Subalit sa listahan ni Palparan, kasama ang mga lider at karaniwang kasapi ng lehitimong mga organisasyon na pangunahing tumututol sa militarisasyon sa lalawigan o kaya’y kritiko ng mga patakaran ng gobyerno.

Tumampok din ang mga pekeng pagpapasuko at paglalabas sa midya ng umano’y mga naging biktima ng nagaganap na purgahan sa loob ng rebolusyonaryong kilusan.

Matapos ang makahayop na pagpaslang kina Marcellana at Gumanoy sa Oriental Mindoro, si Palparan ay tinanggal bilang commanding officer ng 204th Brigade, at inilipat sa himpilan ng 2nd Infantry Division (ID) sa Tanay, Rizal.

Bilang pinuno naman ng 8th ID sa Samar at Leyte mula Pebrero hanggang Abril 2005, kabilang sa mga ibinintang sa kanya ang pamamaslang sa limang tao, pagdukot, ilegal na pag-aresto, pambobomba at food blockade. Pinapanagot ng Katungod Sinirangan Bisayas si Palparan bilang responsable sa 199 kaso ng pamamaslang, tangkang pagpatay, sapilitang pagkawala, panghaharas, tortyur, ilegal na pang-aaresto at pagbibilanggo.

Mula noong Setyembre 2005, naging kumander siya ng 7th ID sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija. Bagaman may nangyayari nang pamamaslang bago pa man siya madestino roon, sinabi ng Karapatan, na sa limang taon (Pebrero 2001 hanggang Agosto 2005) bago maitalaga si Palparan sa Gitnang Luzon, may naitalang 65 kaso ng pagpatay at pagdukot. Sa loob lamang ito ng 10 buwan ng pananatili doon bilang “berdugo” (Setyembre 2005 hanggang Hulyo 2006), halos dumoble ang bilang na ito sa 104 kaso, na nadaragdagan pa sa bawat araw na lumipas.

Sa isang pambihirang okasyon, direktang inamin ni Palparan ang tortyur na ginawa ng kanyang mga tauhan sa dalawang inosenteng sibilyan. Sina Eddie Luveriano at Roque Estacio, kapwa taga-Caloocan City, ay tindero ng plastic wares na nakarating sa Barangay Aloo, Lupao, Nueva Ecija. Sa isang detatsment, hinarang sila ng mga sundalo ni Palparan. Pinag-initan sila, pinagbubugbog at pilit pinaaming NPA. Matapos ang matinding pahirap, pinapirma sila sa isang blankong papel at pinalaya. Nagsumbong ang dalawa sa programa ni Ramon Tulfo. Kinausap ni Tulfo si palparan. Napilitan si Palparan na iharap ang hepe ng detatsment, isang 2Lt. Carlo Dendiego. Umamin si Dendiego sa akusasyon ng dalawang biktima. Nagbigay si Palparan ng salapi sa dalawang biktima bilang “danyos perwisyos”.

Tanggap naman ni Palparan ang bansag sa kanya bilang “berdugo.” Aniya, bahagi na ng buhay niya iyon. “Sa akin naman, ginagawa ko lang ang trabaho ko. Sanay na ako diyan. Ganoon naman talaga ang inaasahan ko mula sa mga kaaway ng gobyerno.”

Bilang suporta sa kanya, wika ng isang Col. Herbert Yambing, “Kung may dalawang heneral na kagaya ni Palparan, mawawakasan na ang insurhensiya.”

Tutol sa heneral

Bukod sa mga organisasyong militante at human rights na kumokondena kay Palparan, may ilang sundalong nagpapahayag rin ng pagtutol sa programa ni Palparan. Ayon sa isang anonimong sundalo sa www.forumsvibe.com/sundalopilipino, parang nagbabalik sa San Jose City at mga kalapit bayang Lupao, Carranglan, Pantabangan, at iba pang lugar sa Nueva Ecija ang malagim na mga pangyayari noong pananakop ng Hapones. Mabuti pa noon, aniya, nakakalikas ang mga tao bago dumating ang mga Hapones. Pero hindi sa rehimeng ito. Nagsasagawa umano ng “sona” ang militar sa mismong pusod ng mga lungsod at bayan.

Sa kanyang kuwentong lumabas sa internet, nakatikim ng sampal mula kay Palparan ang isang bokal nang iabot niya sa heneral ang liham ng gobernador ng lalawigan na nagpapaliwanag kung bakit may dala siyang .45 pistola. “Walang gobernor-gobernor sa akin,” wika umano ni Palparan.

Sakaling matuloy ang kanyang pagreretiro sa Setyembre 11, naniniwala si Palparan na aalis siya sa serbisyo nang may “malinis na kamay.” Ayon pa sa kanya, nakahanda siya at ang kanyang mga tauhan na harapin ang Melo Commission na binuo ni Pangulong Arroyo para imbestigahan ang pamamaslang at iba pang madudugong kasong ikinakabit sa kanilang pangalan.