Usapang Buhay sa Virgin LabFest X (10th VLF)


Produksiyon ng The Writer’s Bloc, Cultural Center of the Philippines, Tanghalang Pilipino sa suporta ng Pambansang Komisyon ng mga Kultura at Sining na ginanap sa Tanghalang Huseng Batute –CCP noong Hunyo 25 – Hulyo 6, 2014. Tampok sa VLF ngayong taon mula sa 163 lahok ang 12 tekstong tumatalakay sa sekswalidad, kasarian, karahasan sa kababaihan, […]

Isang eksena mula sa Rebyu ng Virgin LabFest X. (Larawan mula https://www.facebook.com/IslangMalaya)
Eksena mula sa Isang Daan ni Liza Magtoto at direksyon ni Ed Lacson. (Larawan mula https://www.facebook.com/IslangMalaya)

Produksiyon ng The Writer’s Bloc, Cultural Center of the Philippines, Tanghalang Pilipino sa suporta ng Pambansang Komisyon ng mga Kultura at Sining na ginanap sa Tanghalang Huseng Batute –CCP noong Hunyo 25 – Hulyo 6, 2014.

Tampok sa VLF ngayong taon mula sa 163 lahok ang 12 tekstong tumatalakay sa sekswalidad, kasarian, karahasan sa kababaihan, kahirapan, lohika ng isang sistema at kapayapaang panloob man o pang-global. Mula naman sa Revisited Set na binubuo ng mga piling dula mula sa nakaraang produksyon, hatid nito ang karanasan ng tao sa harap ng proyektong pangkaunlaran, ng migrasyon at ng pagtindig ng ordinaryo bilang bagong bayani.

Hamon ng buhay may-asawa ang kinaharap ng Babae sa panulat ni Allan Lopez na Sa Isang Hindi Natatanging Umaga at ang Ulap ay Dahan-Dahang Pumaibabaw sa Nabubulok na Lungsod. Dito, nakilala ng manunood si Meg (Liesel Batucan) bilang epitomya ng kasal na sakal dahil hawak ng kanyang asawa (Yong Tapang) ang batas sa loob at labas ng bahay. Manipestasyon nito ang panghihigpit sa oras ng pagpasok at pag-uwi ni Meg mula sa trabaho maging ang pagmanipula ng simpleng usapan kung saan ang Babae ay tinuturing na may mas mababang IQ.

Atras-abante ang pagtingin ni Meg dito ngunit hindi nakakagulat kung natulak siya mula sa pagsisinungaling hinggil sa simpleng kwento ng karaniwang araw sa opisina hanggang sa pamumuo ng enigmatikong relasyon sa kanyang kasama na si AJ (Jonathan Tadioan). Bagamat Boss niya ito, hindi ito bossy gaya ng asawa. Bagamat siya ay di palakaibigan at iba ang timbre ng utak, in short, boring para kay Meg, si AJ naman ang pumupuno sa tipo ng kaligayahang maibibigay lamang ng isang partner sa buhay na may katangian ng kaibigan.

Wala ring malay si Meg sa opsyon ng diborsyo at sa halip ay patuloy na nakipag-normalan sa kanyang asawa marahil dahil katunayan, hindi rin naman binibigyan ng ating estado ang Babae ng sapat na kapangyarihan para lubusang makipaghiwalay sa kanilang asawa kung ito man ay tunay na walang galang at mapang-abuso. Kumbaga, sa kasalukuyang batas ng Annulment, dehado naman ang Babae labas sa mahal masyado ang proseso nito at maging sa Magna Carta para sa Kababaihan kung saan ang probisyon hinggil sa pang-aapid ay hindi pantay ang pagturing sa kaso ng isang Babae at ng isang Lalaki. Si AJ na may panatang magpakamatay sa kanyang ika-40 kaarawan ay nagsilbing panakip-butas ng kahinaan sa sekswalidad, isang papel na tinatanghal ng Babae sa maraming dula at texto.

Sa set at ilaw ni Katsch Katoy, dama ang sikip ng espasyong ginagalawan ng tatlong karakter sa loob ng perpektong sukat ng frames. Sa direksyon naman ni Denisa Reyes, dama ang pulso ng emosyon at panahon ng drama upang maipabatid ang karakter ng kabit o ang popular ngayon sa tv at pelikula na Other Woman bilang anak ng kaugalian ng indibidwal na inanak naman ng kalakarang tuwad sa kabuuan. Sa isang banda, sinubok din ni Lopez ang pagsira sa stereotype ng Babae at Lalaki: isang konseptong nilubos ni Joy Icayan sa dulang Last Ten Minutes.

Uminog ang piyesa sa dalawang estrangherong nagkasundong magmotel. Nangyaring ang kanilang diyalogo ay naging komprontasyon hinggil sa chatting, booking, sex at pag-ibig: mga bagay na sinalaula ng mga pamantayang moralidad at ng kakitiran ng kulturang macho. Mahusay na ginampanan nina Mayen Estanero at Nor Domingo ang palitang-salita hinggil sa noon at ngayon maging ang laro ng pala-palagay hinggil sa personal na danas sa relasyon. Sabi ng karakter ni Nor na hindi maka-get over sa kanyang ex: Para kang si Ivy…postmodern, hindi babae. Sabi naman ng karakter ni Mayen na di maintindihan ang kanyang ex dahil hindi ito naniniwalang mahal niya kahit may kasama siyang iba: Para kang hindi lalaki… saktan mo ako.

Sa direksyon ni Tami Monsod, naging konkreto ang negosasyon ng Babae at Lalaki hinggil sa gusto at disgusto nila sang-ayon sa nakasanayan. Ang promiscuity ba ay ekspresyon ng protesta laban sa maka-isang panig na pagmamahal? Hanggang kalian malilito ang sex sa seryosong pag-ibig?

Sa porma ng pamimilosopo ay lumilitaw ang pag-aklas ng mga karakter sa pagiging biktima at tagapagtaguyod ng saradong pananaw at mentalidad na bagamat mali ay tinuturing na tama ng karamihan bilang tradisyong lantay.

Kung susumahin, ang mga linya ng Babae sa dula ay mga linyang karaniwang naririnig mula sa machong Lalaki. Bilang bukambibig ng Babae ay naging puntirya ito ng katatawan o kaya ay pagka-irita sa kalooban at kung ang manunood ay sensitibo, mauunawaan niya ang nais tumbukin ng pagyakap ng karakter sa kanilang diyalogo. Sa pala-palagay lumalabas rin ang katapangan ng Babae ngunit nakakalungkot na sa bandang huli, ang Babae ay naging asong sunod-sunuran sa amo at walang puwang kahit sa huling sampung minuto sa kama (set ni Lambert de Jesus).

Sa katulad na eksenang pala-palagay, konseptong karir at domestikasyon ang nais baliin ng Wendy Wants to be a Housewife ni Dingdong Novenario. Sa rurok ng kanyang corporate career ay nagpasya si Wendy (Delphine Buencamino) na mapabilang sa istatistika ng “9 out of 10 women quit their job to be a wife”. Sa Exit Interview, masaksihang hindi maunawaan ni Mark (Topper Fabregas) kung bakit nais ni Wendy ang tumigil magtrabaho upang karirin ang paghanap ng asawa at tuloy ay maging bonggang asawa. Aniya, ito ay pag-unlad na paurong o kaya ay mala-pagsuong sa kweba ng leon.

Opsyon para kay Wendy ang mag-asawa bagamat may malay siyang ang Babae gaya ng Lalaki ay maaaring maging single habambuhay. Isang makatotohanang tunggalian para sa karakter niya ang paghanap ng partner sa isang lipunang hindi handang tanggapin ang pagkaroon ng Babae ng oportunidad halimbawa sa edukasyon, trabaho at higit na mataas na sweldo kaysa Lalaki. Para kay Wendy, hiling ng ganitong sitwasyon ang magpaubaya na naman ang Babae.

Ngunit may kilig-factor ang palabas dahil ang karakter ni Mark ay ang tipo ng Lalaking handang makinig sa lohika anuman ang kasarian nito. Sa kanyang tauhan, may pagbalanse ng kanyang papel bilang Boss at kaibigan. Sa kanilang palitang-kuro, walang bahid ng pang-aabuso ng kapangyarihang industriyal at personal. Sa direksyon ni Joshua So, sa huli ay inimbitahan ang manunood na paglimian ang paglipas ng umaga at gabi at kung ano ang makapagpasaya ng loob higit sa karangyaan mula sa bintana ng tore ng Makati kung saan ang mirasol ay maaaring nagpapanggap lamang na maganda ang araw.

Sa dulang Sa Pagitan ng Dalawang Kahong Liham ni Layeta Bucoy, liham ang elementong nag-uugnay sa magkarelasyong Tart at Cards (Roeder Camañag at Marco Viaña). Ilang beses nang pinatunayan ng liham ang pagkabinbin ng tuluyang pagkawalay ng dalawa at nais sabihin ng dula na sa pamamagitan ng paglabas sa kahon ay naibubunyag din ang ang tunay na damdamin. Maihalintulad ang devise na ito sa paglabas sa kloseta upang maipahayag ang tunay na pagkatao.

Sa direksyon ni Chris Millado, mabigat at bayolente sa halik ang presentasyon ng kanilang pag-iibigan. Bagamat ang ganitong komplikasyon ay reyalidad rin sa relasyong heterosekswal kung saan ang isa ay lulong sa droga, binuyangyang ng dula ang kailangang kamulatan at suportang moral ng kasalukuyang bakla upang hindi mauwi sa self-destruction o suicide.

Kilig ng relasyong Babae sa Babae ang handog ni Raya Laplana sa dulang Sa Lilim. Muling nagkita ang magkaibigang Lai at Hani (Isabelle Martinez and Alison Segarra) mula sa pagkawalay para mag-aral. Sa pagitan ng mga bagong balita ay nanumbalik ang kanilang mga pinagsaluhan bilang magkababata gaya ng role-playing ng magkarelasyon. Bagamat ikakasal na si Hani kay Gibo at si Lai ay mayroon nang girlfriend na si Dorothy, sa dating tagpuan sa nayon ay napukaw ang mga damdaming kipkip lamang ng alaala.

Mayaman sa konteksto ang teksto ng pagkilala ng identidad. Bagamat sang-ayon sa perspektibang musmos ay sinubok laruin ang ilang pagkakataon ng tensyon sa pag-unawa sa kanilang sitwasyon, kapos naman ang pagpapahayag ng mga detalye nito sa pag-arte. Ang ilaw nina Joseph Matheu at Carlo Olvido ay susi sa modang romantiko ng rustikang backdrop ni Tuxqs Rutaquio. Sa direksyon ni Jenny Jamora, nag-umpisa sa tampuhan ngunit nagwakas na sagrado ang tagpo gaya ng unang halik at gaya ng naunang lesbyanang tagpo ng kanilang Tita Bel at Jana sa parehong lilim ng puno. Maaaring balikan ang discovery nina Ester at Ibyang sa isa’t isa (Ang Pamamanhikan ni Bernadette Neri, VLF 2013).

Samantala, maalala ang kaso ni Katrina Halili sa ex nitong si Hayden Koh kaugnay ng pinalaganap na sex video sa Anonymous ni Liza Magtoto. Ang sketch ng emotional blackmailing ay lapat sa ordinaryong Babaeng (Uleb Nieto) itinulak sa komplikadong tunggalian gawa ng Lalaking (Cris Pasturan) nais pagkakitaan ang bulnerableng nakaraan ng tauhan. Ang pagsalita hinggil dito sa kabila ng alinlangang mananatili ang paggalang ng kanyang iniibig (Randy Villarama) ay isang mapangahas na hakbang sa pagpiglas mula sa liberalismong ligaw at pagtanggol tuloy sa sarili upang igiit ang karapatan ng isang Babae.

Mapangahas ang aksyong ito sa isang reyalidad na pinaghaharian halimbawa ng brutal na kapulisang di naniniwalang biktima ang isang Babaeng biktima ng karahasang sekswal man, berbal, mental o elektroniko. Dagdag na komplikasyon kung ang pananaw mismo ng kanyang prospek na asawa ay kabilang sa bulok na konserbatibong panahong walang pakundangan kung manghatol sa Babae bilang “malandi at tanga”.

Walang malay ang karakter sa mga batas GABRIELA gaya ng HB 6815 (E-VAW / Electronic Violence Against Women) o RA 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act). Ngunit, sa kanyang pasyang ayaw nang itago ang panloloko sa kanya ng estrangherong nakaulayaw noon ay binasag niya sa isang lebel ang pananahimik na konsitidor sa paglaganap ng pang-aabuso at ng traumang kaakibat nito. Sa direksyon ni Audie Gemora, may pasaring ng dalisay na pagtanggap at suporta sa Babae sa matinding sitwasyon nang ibinunyag ng kanyang iniibig ang proposal ring. Sa isang banda, walang kasiguruhang sinasaad nito na sa gabing iyon ay natapos din ang alinlangan ng Babae dahil sa susunod na mga araw, sila ay haharap sa magulang, kamag-anak, kapitbahay, midya at simbahan.

Masaklap na alaala ang nais din maigpawan ni Kiko (Sarah Salazar) katuwang ng kanyang kasintahan (Opaline Santos) sa Bago Ilibing nina UZ Eliserio at Maynard Manansala. Sa gabi ng lamay ng kanyang Tito (Joel Saracho), nais niyang magtestimonya dito bilang rapist at basagin tuloy ang impresyon ng taumbayan sa isang matulunging politiko.

Naharap ang karakter sa etika ng paggalang sa lamay sa ngalan ng kanyang Inang Kagawad (Meila Romero) habang nag-aalboroto siyang maipahayag ang karahasang dinanas bilang mahalagang bahagi sa proseso ng pagtutuldok dito. Gamit ang elementong multo at sinturon, naging saksi ang manunood ng malapitang espasyo sa sinapit ni Kiko. Sa huli, malalaman sa timping iyak ng kanyang Ina na pareho sila ng sinapit sa kanyang kapatid. Ang eksena ay walang malay na pinapanuod ng kanyang Nanay (Lola ni Kiko na ginampanan ni Hermie Conception) mula sa e-burol screen.

Sa timplang surreal at realistiko ni JK Anicoche, tumawa at umiyak ang mga manunood habang pinapaalalahanang ang mga kwentong Insiang ay di pa tapos sa panahong nawawalay ang mga anak sa kanilang magulang para magtrabaho abroad. Samantala, nabuksan ang katanungang: Ang pagiging tomboy ba ay isa lamang reaksyon ng karahasan?

Direktang komprontasyon sa usaping incest ang ipinakita ng emosyonal na piyesang Mapagbirong Haplos ni Kevin Tabora. Natulak sa sitwasyon ang manunulat at propesor na si Jeanette (Meann Espinosa) nang lumaya mula sa preso ang kanyang Ama (Crispin Pineda) at ngayon ay nagpapatulong magsulat ng kanyang aplikasyon para magtrabaho sa Canada. Habang nakipagtawaran sa patawad, mahirap pakinggan ang kinamumuhian. Absurdong maituturing kung ang kriminal ay humingi ng tulong sa kanyang biktima. Ito ang internal na binabaka ni Jeanette.

Malaking hamon ito sa aktor laluna’t magkadugo ang mga karakter. Sa direksyon ni Melvin Lee ay epektibong naipakita ni Pineda ang karakter ng patay-malisya, may mababang literasiya at kalmadong mamang sinsero sa pagbabagong-loob habang si Espinosa ay kailangang angkinin ang tensyonado ngunit kontroladong tauhang galit.

Samantala, mapait na reyalidad ng mga “bilog” o undocumented Filipino migrants sa Japan ng taong 1992 ang ipinahayag ni Herlyn Alegre sa Imbisibol sa direksyon ni Lawrence Fajardo.

Si Mommy Linda (Ces Quesada) na nakapag-asawa ng Hapon ay nagsilbing tagatanggap ng mga sulat mula Pinas sapagkat tanging siya ang may ligal na address sa komunidad ng Pinoy sa Tokyo. Bonding ng mga Pinoy ang pagbasa ng sulat. Sa araw ng pagdalaw ng kanyang mga kaibigan/alaga na all around worker na si Benjie (Bernardo Bernardo) at hostong si Manuel (Junjun Quintana) ay dumating ang duguan na si Rodel, manggagawa ng pabrika (Only Torres). Si Rodel ay laman ng balita sa tv bilang nakapatay ng tao gawa ng panliliit nito sa Pilipino.

Sinubok ng sitwasyon ang pagpili ng mga tauhan sa pagitan ng pag-iral ng kultura ng tulungan o pag-iwan sa kababayan sapagkat sila’y kapwa walang kapangyarihang protektahan ang sarili sa ibayong dagat. Bagamat walang pagtatagpo ng organisasyong mapagkalinga at ng mga indibidwal sa dula, ang pagsilang ng Migrante International upang organisahin ang mga migranteng manggagawang Pilipino ay isang mulat na paraan upang punan ang kakayanan ng mga OCW/OFW at upang lubos na matugunan ang mga isyung kanilang kinakaharap.

Ang Isang Daan sa panulat ni Liza Magtoto at direksyon ni Ed Lacson ay bangayan sa pagitan ng dalawang pwersa: ang hanay ni Ting (Jelson Bay) na lumalaban para mapanatili ang pamanang hi-way ng kanyang Katipunerong ninuno; at ang hanay ng Mayorang (Mila Romero) nais ipa-convert ang hi-way sang-ayon sa batas na ipinagtibay ng kanyang Gobernador na magulang. Habang nakaka-aliw ang tanggo sa paninindigan ng parehong hanay, nalilihis ang manunood mula sa tunay na isyu ng demolisyon sa ngalan ng proyektong pangkaunlaran.

Di gaya ng kulob na emosyon sa Mapagbirong Haplos at mabuway na diskurso ng mga tauhan sa Isang Daan, sa dulang Ang Naghihingalo ay tumitilapon ang mga balidong reaksyon ng mga karakter. Sa talinghaga ni Raymund Reyes, ang dula ay nakakatuwang kritiko sa halaga ng buhay at sa mga buhay pa’y patay na.

Nagkita sa ospital ang magkapatid na Guido (drayber), Doreen (titser) at Linda (5-6) nang isinugod si Intoy (dating manggagawa ng pabrika at ngayon ay manininda ng ice cream). Uminog ang pamomoblema ng magkapatid sa pag-asam na maisalba ang buhay nito habang sa proseso ay sumambulat ang problemang patong-patong na pasan ng dukhang Pilipino: mula sa pambayad sa doktor, pagpapaaral, paghahanap ng trabaho, pagkalulong sa bisyo, kawalan ng matinong bahay, pag-aanak,  pangungutang, pag-aasawa ng gurang na Kano at marami pang iba.

Sa ayaw-paawat na paggampan nina Bong Cabrera, Wenah Nagales at Dolly de Leon, handog ng palabas ang patawang likas sa karaniwang karakter ng lansangan. Sa direksyon ni Dennis Marasigan, hiniling ng tunggalian ng palabas ang katwiran sa pagitan ng lapot ng dugo at kompetisyon, sa pagitan ng dignidad at yaman, sa pagitan ng pagkasubsob sa trabaho at pag-alaga ng kalusugan at sa pagitan ng tunay na pag-ibig at gamitan. Gaya ng mga ordinaryong karakter nina Brecht at Gorky, tumingkad sa dula ang talinong taglay ng mga karakter batay sa kanilang araw-araw na pakikipagbuno sa buhay.

Kabalintunaan ng Naghihingalo ang bida ni J-mee Katanyag. Layunin ni Lola Betang (Sherry Lara) ang pumanaw na. Gamit ang konseptong sundo ng kabilang buhay na sa tekstura ni Katanyag ay isang irog ng kabataan (Chino Veguillas), pambihira ang ganitong aksyon kung saan hindi pinapahintulot ng magulong politika at ekonomiya ng bansa na tumanda ang mamamayang Pilipino bilang masaya at kontento at sa gayon ay mamatay nang tahimik.

Sa direksyon ni Ed Lacson, ang nakapalibot na set ng radyo ay lampas sa impresyon ng sementeryo, bagkus ito ay hardin ng langit na maituturing kung saan namumutawi ang maayang musika ng panahon ni Lola. Sa dulang Betang, naipakita ang isang mukha ng kahandaan at pagyakap sa mortalidad ng indibidwal.

Pagtaya sa isang indibidwal para sa kapayapaan ang moda naman ng The Missing Peace sa panulat ni Carlo Vergara at sa paraang multimedia ni Marlon Rivera. Walang malay si Candy/Candida (Hannah dela Guerra) na sa ngalan ng world peace, kailangang may mamatay at ang papel na ito ang siyang kapalaran sa pagsali sa Miss Universal Empress 2045. Ipinagkanulo siya ng kanyang stylist at manager (Rem Zamora at Noemi Manikan Gomez) sa propesiya ng 1745 kung saan ang kapayapaan ng mundo ay matatamo lamang sa kondisyong grandslam sa limang beauty pageant. Sapagkat naangkin na ng Pilipinas ang Ms. Multinational, Ms. Globalflower, Ms. Cyberspacial Queen at Ms. Ultranational, malaking pressure kay Candy/Candida ang pag-alay sa Pilipinas ng titulong empresa.

Malinaw na ang hangaring kapayapaan ay may kolateral sa tauhan ni Candy/Candida at ng kanyang tinatagong anak. Gayunpaman, liban sa kulang sa disenyong futuristic ang pagtatanghal, hindi nabigyang-pansin ang nais tumbuking parikala ng patimpalak sa konsepto ng kagandahan habang may mga bansang nanggegera ng ibang bansa sa pangalaga ng pansariling ekonomiya at ganansya.

Ang pamilyang Superhero na tagapagligtas ng mundo ay matutunghayan sa Kung Paano ako naging Leading Lady bilang amo ng isang masipag at mapagkakatiwalaang Katulong (Kiki Baento) na sekretong may mutwal na pagtingin kay Leading Man. Ang mas batang Kapatid niyang kapwa namamasukan (Skyzx Labastilla) ay may reputasyon ng makating kamay at muli nitong pinatunayan nang nakawin nito ang teknolohiyang intel ng Superheroes. Namatay si Leading Man sa laban upang bawiin ang ang dokumento ng Superheroes mula sa bidang kontrabida na Kapatid.

Sa pantasya ni Carlo Vergara at direksyon ni Chris Martinez, ang bidang Katulong ay nagpasyang isuot ang papel ng bayani upang maging Leading Lady sa pagpanaw ni Leading Man. Tinataguyod ng dula ang pagtindig ng karaniwnag tao upang harapin ang mga pagsubok mula sulok ng bahay hangang sa buong daigdig.

Lapat sa katotohanan ang komedya ng makutingting na pagresolba ng problema sa Ang Goldfish ni Prof. Dimaandal kung saan nais ipalitis ni Prof. Dimaantal ang dalawang batang estudyante sa pagkamatay ng kanyang isda. Hinamon ng mga magulang ng mga suspek ang prinsipal at ang nagdedemandang guro sa isang siyentipikong imbestigasyon.

Sa panulat ni Eljay Deldoc at direksyon ni Roobak Valle, nagmistulang kenkoy na public hearing ng senado o kongreso and imbestigasyon habang naiisasantabi ang sentido-komon na pananaw ng isang gurong sa bandang huli ay mapatunayang siyang pinakalohikal sa punto de bista ng simpleng maka-makatao: pagpanig sa kapakanan ng mga batang kinabukasan ng bansa.

Sa ika-sampung taon ng VLF bilang festival ng mga dulang may isang Akto, kinikilala ang pagrehistro nito bilang espasyo kung saan unang matunghayan ng manunood ng Kamaynilaan ang mga piling piyesa. Ang entablado rin nito ay tagpuan ng mga baguhan, freelance o kaya ay mainstream na mga manunulat, direktor at actor.

Higit dito, sa katangiang eksperimental na relatibong may kalayaan sa estetika ay naihahapag sa manunood ang mga kontemporaryong usapin kung saan sa loob ng 15 hanggang 30 minuto ay napapahapyawan nito ang masalimuot na buhay ng mga Pilipino laluna sa lungsod na may kaugnayan sa mga kababayan sa probinsya sa kontekstong iisa ang ating bituka at pandama. Labas sa hatid nitong libangan, namamaksima din sa isang paraan ang dulaan bilang espasyong tuntungan ng tanong at palaisipan. Mainam kung gayon ang magkaroon ng kahalintulad na platapormang pangkultura sa iba’t ibang rehiyon at sektor.