‘Bilyun-bilyong pisong DAP isauli, Aquino magbitiw na’

July 1, 2014

Protesta ng kabataan at iba't ibang sektor sa harap ng Korte Suprema nitong Hulyo 1, bago maglabas ang korte ng desisyon na nagdedeklara na di-konstitusyonal ang malaking bahagi ng DAP o presidential pork barrel ni Aquino. <strong>Pher Pasion</strong>

Protesta ng kabataan at iba’t ibang sektor sa harap ng Korte Suprema nitong Hulyo 1, bago maglabas ang korte ng desisyon na nagdedeklara na di-konstitusyonal ang malaking bahagi ng DAP o presidential pork barrel ni Aquino. Pher Pasion

Nanawagan ang iba’t ibang grupong kontra-pork barrel kay Pangulong Aquino na magbitiw matapos ideklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na itinuturing na presidential pork barrel.

Hiniling din ng ibang grupo na isauli ng administrasyong Aquino sa national treasury ang mahigit P142 Bilyong ginamit nito bilang unprogrammed fund noong taong 2011 at 2012.

“Isinisiwalat ng desisyon (ng Korte Suprema) na kasinungalingan ang ‘daang matuwid’ ni Aquino na may layuning itago sa pananaw ng mga Pilipino ang malawakang korupsiyon na ginagawa ni Aquino at mga alyado niya,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), sentrong uyon ng mga manggagawa sa bansa.

Sinabi naman ni Mark Lui Aquino, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Metro Manila at tagapagsalita ng #ScrapThePork Alliance, na dapat managot si Aquino sa pagtulak at pagdepensa sa DAP sa pamamagitan ng pagsauli sa mayorya ng P142.23B na pondong di-nasisilip ng Kongreso o madla at nakasentro sa Palasyo.

“Dapat magbitiw na sa kahihiyan si Aquino at ang kanyang pork gang. Lumalakas at makatwiran ang mga panawagan para alisin siya sa opisina sa pamamagitan ng impeachment o pag-aalsa ng mga mamamayan,” sabi naman ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.

Sang-ayon ang kababaihan sa ilalim ng Gabriela. Sabi ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng grupo, “Iginigiit namin na alisin sa poder ang lahat ng sangkot sa maanomalyang DAP kabilang sina Pangulong Aquino at Sek. Abad at ipasauli sa kanila ang halaga (na gamit ng DAP) sa kaban ng bayan,” ani Salvador.

Memorandum mula sa Tanggapan ng Pangulo na nagpapahintulot ng paggamit ng pondo sa ilalim ng DAP para sa pinili nilang mga proyekto. <strong>Dokumento mula kay Renato Reyes Jr. ng Bayan</strong>

Memorandum mula sa Tanggapan ng Pangulo na nagpapahintulot ng paggamit ng pondo sa ilalim ng DAP para sa pinili nilang mga proyekto. (Iklik ang imahe para lumaki) Dokumento mula kay Renato Reyes Jr. ng Bayan

Nilabag ang Konstitusyon

Iginiit ng mga magsasaka at mga miyembro ng iba pang sektor na makalapit sa Korte Suprema, sa pagdedesisyon ng huli sa DAP ni Aquino. <strong>Pher Pasion</strong>

Iginiit ng mga magsasaka at mga miyembro ng iba pang sektor na makalapit sa Korte Suprema, sa pagdedesisyon ng huli sa DAP ni Aquino. Pher Pasion

Sa desisyong nilagdaan ni Associate Justice Lucas Bersamin, sinabi ng Korte Suprema na unconstitutional ang National Budget Circular 541 at iba pang kautusan ni Pangulong Aquino kaugnay ng DAP.

Sa naturang circular, pinahihintulutan ang Department of Budget and Management, sa ilalim ni Budget Sec. Florencio Abad, na kumuha ng pondo mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na di-nakabadyet. Halimbawa nito ang mga natipid na pondo ng naturang mga ahensiya.

Kadalasang umaabot sa bilyun-bilyong piso ang unalloted o unobligated na pondong ito.

Sinabi ng Korte Suprema na labag ang DAP sa Seksiyon 25 (5) Artikulo VI ng Saligang Batas. Nakasaad umano dito na bawal ang pag-akses sa “unobligated allotments” mula sa mga ahensiya ng gobyerno.

Bawal din umano ang “cross-border transfers” ng mga natitipid ng isang ahensiya ng Ehekutibo patungo¬† sa mga opisina sa labas ng Ehekutibo.

“Di-hamak na mas malaki ang labag-sa-Konstitusyon na ginastos ng gobyernong Aquino na P142.23-B DAP, kaysa sa P10-B na diumano’y ninakaw mula sa kaban ng bayan dahil sa pork barrel scam. Kaya dapat managot sina Pangulong Aquino, Sek. Abad at iba pang sangkot sa paglikha at pagpapatupad ng DAP tulad ng pagpapanagot sa mga personalidad at pulitiko na sangkot sa pork barrel scam,” sabi ni Aquino ng Bayan-Metro Manila.

Matapos ilabas ang naturang desisyon ng Korte Suprema, naniniwala naman ang grupo ng mga maralita na kontra sa pork barrel na wala nang maniniwala sa publiko na di sangkot si Aquino sa pork barrel scam.

“Hindi para sa kapakanan ng mga maralita ang mga pondo (ng gobyerno), legal o ilegal mang naakses ito ng pamahalaan, hangga’t¬† nakabatay ang programang pang-ekonomiya at kontra-kahirapan ng gobyerno sa mga polisiyang maka-imperyalista at neoliberal,” sabi naman ni Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at tagatipon ng Paglaban ng Maralita sa Sistemang Pork Barrel o Pagpag.

(Tunghayan ang INFOGRAPHIC ng Pinoy Weekly hinggil sa DAP.)

Protesta kontra sa DAP sa harap ng Korte Suprema. <strong>Pher Pasion</strong>

Protesta kontra sa DAP sa harap ng Korte Suprema. Pher Pasion

Pinaiimbestigahan

Nanawagan naman ang KMU na agarang imbestigahan kung papaano ginastos ni Aquino ang naturang pondo sa pagpapatupad ng DAP.

“Pinatutunayan ng naturang desisyon na ‘Pork Barrel King’ nga si Pang. Noynoy Aquino. Ginamit niya ang diktatoryal na dikreto ni dating Pang. Ferdinand Marcos para maglikha ng pinakamalaking pork barrel fund sa lahat,” sabi pa ni Labog.

Lumabas ang desisyon ng Korte Suprema sa kabila ng sunud-sunod na mga protesta ng iba’t ibang progresibong grupo na hayagang nananawagan ng pagbibitiw ng Pangulo.

Noong Hunyo 12, ipinanawagan ng #AbolishPork Movement na “Lahat ng Sangkot, Dapat Managot” kabilang si Aquino at mga miyembro ng kanyang gabinete na sina Sek. Abad at Agriculture Sec. Proceso Alcala.

Nitong huling linggo, nagsagawa ng Lakbayan ang libu-libong magsasaka mula sa Central Luzon, Ilocos, Cagayan Valley, Cordillera, Southern Tagalog at Bicol patungong Maynila para igiit ang tunay na reporma sa lupa. Ipinanawagan din nila ang pagpapatalsik sa puwesto ni Pangulong Aquino.