Noynoy sa World Economic Forum: Isang magiliw na host

May 27, 2014

Protesta kontra World Economic Forum on East Asia sa Makati City noong Mayo 22. <strong>Boy Bagwis</strong>

Protesta kontra World Economic Forum on East Asia noong Mayo 22. Boy Bagwis

komentaryoSa halagang P71 Milyong gastos ng gobyerno (mula sa buwis natin), muling naging magiliw na host ang administrasyong Aquino sa daan-daang negosyante at pulitiko ng Silangang Asya: Ginanap sa Shangri-la Hotel sa Makati City ang World Economic Forum on East Asia noong Mayo 21 hanggang 23.

Bahagi, siyempre, ng pagiging magiliw na host ng isang pribadong event na ito ang pagtaboy sa lahat ng maiingay at makukulit—kahit na nasa katwiran ang maiingay at makukulit na ito. Kaya naman, kapansin-pansin ang bagsik ng mga pulis na nagdispers sa mga demonstrador sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Makati noong Mayo 22. Natapos na ang protesta, nanghuli pa ito ng apat na demonstrador—na kahapon, Mayo 26, lang lumaya. Para sa mga grupong umayuda sa inarestong demonstrador, kapansin-pansin din ang sadyang pagpapatagal ng mga opisyal ng Philippine National Police na palayain ang apat, kahit na malinaw na walang batayan ang pagkakaaresto sa kanila, at kahit na maituturing nang serious illegal detention ang ginawa ng pulis sa apat.

Pero ganoon talaga siguro, lalo pa’t may basbas ng mismong Pangulo ang paggamit ng puwersa. Siyang magiliw na host ay nag-aalala lamang sa seguridad ng mga bisita, kabilang ang ilang punong ehekutibo at lider ng iba’t ibang bansa, mga CEO ng malalaking kompanya, mga teknokrata at lider ng iba’t ibang grupo na nagtataguyod ng kapitalistang sistema sa bahaging ito ng daigdig.

Sa pagiging magiliw na host ng WEF, desidido si Aquino na magpakitang-gilas sa mga monopolyo-kapitalista ng daigdig. Nagawa pa niyang makapaglunsad ng isang sesyon hinggil sa Pilipinas bilang “next economic miracle” kahit na, sa kahuli-hulihan, ang sinabi naman ng mga panelist ay malayo pa sa pagiging mirakulo ang ekonomiya ng Pilipinas—dahil wala pa ang policy changes (sa madaling salita, Charter Change) na lalong magbubukas sa bansa sa dayuhang pagsasamantala.

Matagal nang binabatikos ang WEF bilang huntahan ng mga monopolyo-kapitalista, oligarkiya sa pinansiya, at mga kinatawan nila sa mga gobyerno ng iba’t ibang bansa.

Ipinapakilala ng WEF ang sarili bilang isang pandaigdigang institusyon na nagtataguyod ng pagpapaunlad ng “estado ng mundo sa pamamagitan ng kooperasyong private-public” sa ngalan daw ng “global citizenship”. Pero sa katunayan, by invitation lamang ang pagdalo rito. At siyempre, lahat ng pinag-uusapan sa mga huntahan ay sa balangkas ng pagpapaunlad ng takbo ng sistema ng kapitalismo—ang parehong sistemang pang-ekonomiya na nagdala sa mundo sa ibayong paghihirap ng mayorya ng mga mamamayan ng mundo. Sa madaling salita, pinag-uusapan nila kung papaano pauunlarin pa ang pagsasamantala sa mayorya ng mahihirap, habang nagbibigay ng lip service sa “pagwakas sa inequality (di-pagkakapantay-pantay).

Bukambibig noong Enero 2014 sa WEF sa Davos, Switzerland (na siyang mayor na pagtitipon ng WEF) ang “moral capitalism” o “inclusive capitalism”; bukambibig sa “umuunlad (pa lamang) na mga bansa” tulad ng Pilipinas ang “inclusive growth” sa ilalim ng neoliberal na mga patakaran. Pero kung susuriin ang mga pahayag sa WEF, walang signipikanteng pagbabago na iminumungkahi ang mga negosyante at pulitiko sa kalakaran ng pandaigdigang ekonomiya; ang hitsura na ng pagiging inclusive” ng kapitalismo sa malalaking kompanya ay ang pagkakaroon ng mga programa para raw sa corporate social responsibility. Ibinigay pa na halimbawa ng artikulong ito sa website ng WEF ang pagkakaroon ng social missions kuno ng mga produktong tulad ng Dove para sa self-esteem ng kababaihan, gayundin ang mga patalastas ng Lifebouy sa paghugas ng kamay para mapigilan ang paglaganap ng sakit.

Eksena sa WEF on East Asia. <strong>Larawan: WEF</strong>

Eksena sa WEF on East Asia. Larawan: WEF

Hindi na tayo nagugulat, pero nakakagalit pa rin, na tila pundamentalista na ang pagyakap ni Aquino sa ideolohiya ng neoliberal economics: na uunlad ang bansa, hindi sa pamamagitan ng sariling industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa, kundi sa pamamagitan ng pagpasok pa ng direct foreign investments na ispekulatibo at maaaring umalis sa bansa anumang oras. Siyempre, patuloy ring umaasa siya sa Overseas Filipino Workers para palutangin ang ekonomiya. Target din niyang paramihin pa ang mga turista sa bansa. Sa kabila ito ng katotohanan na matagal nang bangkarote ang ideolohiya ng neoliberal economics. Pinatunayan ng pagtindi ng kahirapan, lalong pagmonopolisa ng iilan sa yaman ng daigdig, at pagtindi ng pasistang atake sa mga mamamayan ng daigdig na hindi sustenable ang kasalukuyang sistema. 

Pero patuloy ang pagiging magiliw na host ni Aquino sa mga huntahan ng mga monopolyo-kapitalista at mga ideologue nito sa akademya. Di bale nang kahit sa mainstream media ay may pagkuwestiyon na sa WEF dahil patuloy itong pinopondohan ng mga kompanya at financial oligarchs na may kriminal na rekord (ng bribery, corruption, fraud, atbp.). Di bale nang may mas mainam na paggagamitan sana ang P71-M na ginastos sa WEF, tulad ng pagpapakain sa nagugutom ang mga mamamayan ng Eastern Visayas, pitong buwan matapos ang bagyong Yolanda. Di bale nang masupil ang karapatan sa malayang pamamahayag at pagtitipon ng mga kritiko ng gobyerno. Pundamentalista si Aquino, at mananatiling magiliw na host siya sa mga naghahari at mapagsamantalang uri sa bansa at mundo.