Mga tula para sa mag-inang Rosal

May 23, 2014

Kuha ni <strong>Macky Macaspac</strong>

Kuha ni Macky Macaspac

Bakit hindi ako umiiyak?
ni Axel Pinpin

Ginoo, bakit hindi ka umiiyak?
Kailangan mong itapon ang luha,
baka sakaling anurin n’yan ang panglaw
ng pagkainip, ang poot at galit,
ang pagkagiliw at pananabik.
Luha ang iyong kaligtasan.

Natuyo na ang aking luha.
Lagablab na ng apoy ang dumadaloy sa aking mata.
Matapos sumiklab ang pighati’t dusa sa gunita
ng mga mahinang hikbi ng mga Inang nawalan ng lupa,
inagawan ng Anak, o Anak na dinukot ang Ina;
o kaya’y Anak na dinukot sa sinapupunan ng Ina
upang ipangtambak ang kanilang bangkay
sa patubig ng ipinagtatanggol na lupa.

Sapat na ang kanilang iniiyak, iniluha.
Nilunod na nito ang aking nga tula.
Damhin mo sa nalusak na kataga’t pahina.
Ngayo’y mahapding iluha ang dugo
lalo’t puyos ang nagpapadaloy kaysa pagkabigo.

 

 

Suspected communist leader
ni Mark Angeles

kahit si Diona Andrea Rosal,
singhal ng mga kapural
sa ISAFP at NBI –

sanggol na pitong buwang
dala-dala ng kanyang nanay
nang kaladkarin ng militar.

Bumalintuwad na sa tiyan
ang banta sa balanse ng kapangyarihan
ng mga kapitalista at heneral.

Sanggol na nakakuyom na nang iluwal
pagka’t nakatanggap na ng kaparusahan
gayong lubid sa buhangin ang sakdal.

Ay, Diona Andrea Rosal!
dalawang araw lang ang itinagal
ng kanyang mutyang buhay!

Humahagulgol kami sa kanyang pagpanaw
nang mahugasan ang aming alinlangan
at lalong luminaw ang aming paninindigan.

 

 

Mula Kay Andrea, Tulang Alay Kay Diona
ni Mark Joseph Rafal

kung ito ang gabi,
kapiling ang buwan
samantalang walang supling
na mga bituin
ang langit,
hindi ito ang aking ninanais;

kung ito ang umaga,
nagniningas ang araw
gayong sakal ng mga ulap
ang silahis at liwanag,
hindi ito ang aking ginugusto.

kung ito ang mga araw at gabi
ng aking naghihintay na bukas
at ikaw na aking buhay at lakas
ay binaklas
sa aking sinapupunan
ng bakal na salarin,
at kailanma’y ang una kong yakap
at halik sa iyo’y siya na ring huling kahulugan
ng iyong pagkabuhay:

marahil,
isa akong titig
na walang balintataw;

o isang kuyom na ligalig
ng bumubukad na pag-aaklas

o isang daigdig
na walang pag-ibig.

 

 

Ang Pagpanaw Mo ay Hindi Katapusan
(Alay kay Diona Andrea Rosal)
ni Victor Bisperas

Pinapatay ng reaksyonaryong estado
Ang pagdaloy ng dugong rebolusyonaryo
Mula sinapupunan hanggang huling hantungan
Mula pagluwal hanggang sa paghimlay
Kinikitil ang pagsilang maging ang pagsigaw
Ng tunay na pagbabago, ng rebolusyon.

Diona Andrea Rosal, Batangueno rebolusyonaryo
Buhat sa probinsyang sinapupunang nagluwal
Kay Gen. Malvar hanggang kay Gregorio Rosal
At sa marami pang walang pangalan, lumalaban.

Nabuo ka sa sinapupunan ng digma
Isinilang sa mundong marahas sa mahirap
At kumakandili sa mga kawatan at kriminal
Nabuhay sa iyo at sa marami pang mga supling
Ang pag-asa ng mga nangahas makibaka
Para sa mundong makatarungan at malaya.

Kinitil ng marahas na estado ang iyong buhay
Upang supilin ang dugong rebolusyonaryo
Na sa iyo nagpapatuloy, at nananalaytay
Ngunit mabibigo sila, bibiguin natin sila
Para sa iyo at sa isisilang pa ng rebolusyon!

Tayo ay magluksa para kay Diona Andrea Rosal
Tayo ay magluksa rin para sa kalayaan
Tayo ay magluksa rin para sa katarungan,
Bukas muli nating tatanganan ang armas
At puspusang isusulong ang digmang bayan
Upang kamtin ang katarungan at kalayaan.

 

Artwork ni <strong>Buen Abrigo</strong> mula sa Free Andrea Rosal Movement FB page

Artwork ni Buen Abrigo mula sa Free Andrea Rosal Movement FB page