ATTACKKK!

“Makata”


Napapaigtad pa rin ako kapag idinidikit sa akin ang bansag na “makata”. Ang makata raw kasi ay dapat na bihasa sa pagtula. Kumbaga, hindi ka lang maalam sa ninja moves. May awra ka ng pagiging maalamat at dakila. *           *           * Hindi lahat ng tumutula ay makata. Narinig ko iyan sa isang palihan (workshop) na […]

Napapaigtad pa rin ako kapag idinidikit sa akin ang bansag na “makata”. Ang makata raw kasi ay dapat na bihasa sa pagtula. Kumbaga, hindi ka lang maalam sa ninja moves. May awra ka ng pagiging maalamat at dakila.

*           *           *

Hindi lahat ng tumutula ay makata. Narinig ko iyan sa isang palihan (workshop) na inupuan ko noong menor de edad pa lang ako. Kung isa kang kulang-kulang (sa larangan ng pagtula), ang dapat na itawag sa iyo ay “manunula”. Patula-tulang tulala.

*           *           *

“Ako’y tutula,
makatang-makata.
Ako’y uupo,
tapos na po.”

*          *           *

Pero sino ba ang nagtatakda ng mga makata? Sa edisyong 1921 ng Florante at Laura ni Balagtas, makikita ang paliwanag na ito ni Carlos Ronquillo:

Gaya na lamang ng “Makata”: ano ito? Sa dati’y “mapagkatakata”, mapagsalita ng kung anoanong di katotohanan, mapaglubid ng buhangin, ang kahulugan: na isang katagang mahalay na ikapit sa Poeta. “Mangangatha” at “manunula” ang tawag noong araw sa poeta. Nguni’t ginawang “makata”–buhat sa “makatha” na kawangis ng “mapagkatakata”–, at ang kabalbalan ay naging isa nang tunay na salitang tumpak.

Mahalay pala ang salitang “makata”. Hindi lang mabulaklak ang salita, kundi hindi nagsasabi ng katotohanan. Kung iyan ang kahulugan ng pagiging “makata”, mas dapat tawaging makata sina PeNoy, Napoles, at Enrile. Kung kabanalan ang kabalbalan ng isang makata, mas gugustuhin ko pang tawaging manunula na lang.

*           *           *

Pero dakila na ang maging makata, tulad ni Balagtas, na binasa’t ni-quote pa nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at Jose Rizal. Kaya siguro may isang netizen na nagbigay ng isang matalas na kahulugan sa kung ano ba talaga ang isang makata.

*           *           *

“Ang ibig sabihin ng makata ay pagiging makabayan.”
– Jehlle, WikiAnswers

*           *           *

Makabayan si Balagtas. Hindi ba’t lagi nating naririnig ang koplang “Sa loob at labas ng bayan kong sawi / Kaliluha’y siyang nangyayaring hari” na hinugot sa kanyang Florante at Laura? Gubat na mapanglaw pa rin ang ‘Pinas at nagkalat ang mga buwaya, baboy, at ganid na sumisimot ng kaban ng bayan.

*           *           *

Madalas na inilalarawan si Balagtas na may putong na laurel. Sa panahon ng matandang Gresya, pinuputungan ng laurel ang mga makata at bayani.

Si Ovid din ay madalas na may putong na laurel. Si Ovid na noon ay nagsabing, “Ako ay isang makata ng mahihirap, dahil ako ay isang mahirap nang ako ay umibig; dahil hindi ko magawang magbigay ng mga regalo, ang ibinigay ko ay mga salita.”

*           *           *

Anong uri ng pag-ibig ba ito? Makikita ito sa ilang linya ng Kartilya ng Katipunan.

“Ang tunay na kabanalan ay ang pagkaka­wang-gawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang katuwiran.”

“Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin ang umaapi.”

At siyempre pa, sa tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa (Bayan)” ni Bonifacio.

*           *           *

Pero anong klase ba ng tula ang dapat na isulat? Sangkatutak na idyoma at trope ang maaaring isahog sa tula. Dapat ba may tugma’t sukat? Pasado na ba kahit sablay basta nabanggit naman ang campaign slogan?

*           *           *

Sa programa noong May 1 mob, dinumog ang rap performance ng TABAKK (Tanghalang Bayan ng Kulturang Kalye) at Siklab ng Kadamay. Naitawid nila ang mensahe: astig ang anti-imperyalistang pakikibaka ng kabataan. Naalala ko tuloy ‘yung Dasalan at Tocsohan ni Marcelo H. del Pilar. Pero siyempre pa hindi nagpatalo ‘yung mga nag-cover ng Pag-ibig sa Tinubuang Lupa.

*           *           *

“Ang tula ay hindi pulos pangarap at salamisim. Di-pawang halimuyak, silahis, aliw-iw, taginting, at alingayngay. May kagandahan din sa kapangitan, kung paanong ang brilyante’y nabuo sa sinapupunan ng maitim na karbon.”
– pambungad ng Isang Dipang Langit: Katipunan ng mga tula ni Amado V. Hernandez

*           *           *

Ano kayang kapangitan iyong nabanggit ni Ka Amado? Iyon kaya ang pagiging sablay sa paggamit ng mga (ninja) technique sa pagtula o tungkol sa mga subject/central idea/objective correlative ng tula? Nagiging diyamante rin kaya ang insight na tungkol sa mga taong puro kalyo, pawis, grasa, putik, at libag?

*           *           *

Ang isang makata ay hindi lang dapat bihasa sa ninja moves. Laging bumabalik sa bayan ang kanyang panulaan. Kung hindi, mas mabuti pang pitasin ang mga laurel sa ulo niya at itapon sa kumukulong adobo.

*           *           *

Pinanindigan ni Jose Corazon de Jesus ang laurel sa kanyang ulo. Naging tinig siya ng mga inaapi. Relevant pa rin ang tula niyang “Pork Barrel” kung saan makikita ang mga saknong na ito:

Mayr’ong diputadong ano’t napahalal
malayo ang tenga sa punong katawan.
Proyekto ng daan
ay isang milyon daw
kahit na mamatay
ibang kawanihan.

Sa batas ng baya’y wala nang naisip
kundi ang panggasta at kahig ng kahig.
Ang ibang tanggapa’y
siyang liliitan,
ang kamara naman
itong dadagdagan.

*           *           *

“The explorer Magellan came to the Philippines and was eaten. Now, new breeds of swine return to the Islands, from America.”
Eating Lorca, Kristin Naca (Poetry: July/August 2011)

*           *           *

Saktong-sakto naman ang isang saknong sa tulang “Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan” ni Amado V. Hernandez bilang paglalarawan sa Enhanced Defense Cooperation Agreement na pinirmahan ng Imperyalistang U.S. at ng kawatang rehimeng Aquino. Heto’t lumuluha pa rin si Inang Bayan:

Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:
Ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
Ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!

Pero hindi kumukupas ang banta ni Ka Amado sa huling saknong ng kanyang tula:

 May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!