Lugar 2: Counter-Mapping San Roque and Mega-Manila (Testimonya ng Pag-aaring Tirahan)


Ang sumusunod ay halaw sa palihan at pagtatanghal ng mga kabataan mula sa mga organisasyong Anakbayan-San Roque at Kapisanan ng mga Mandudula sa Marikina (KMM) na ginanap sa Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City noong Pebrero 10, 2014. Ang Lugar 1 ay itinanghal sa Teatro Hermogenes Ylagan – Unibersidad ng Pilipinas sa tambalan […]

Nagsilbing backdrop ang mural na likha ng Ugatlahi Artists' Collective. <strong>Jojo Cayabyab/Joanna Lerio</strong>
Nagsilbing backdrop ang mural na likha ng Ugatlahi Artists’ Collective. Jojo Cayabyab/Joanna Lerio

Ang sumusunod ay halaw sa palihan at pagtatanghal ng mga kabataan mula sa mga organisasyong Anakbayan-San Roque at Kapisanan ng mga Mandudula sa Marikina (KMM) na ginanap sa Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City noong Pebrero 10, 2014. Ang Lugar 1 ay itinanghal sa Teatro Hermogenes Ylagan – Unibersidad ng Pilipinas sa tambalan ng klase sa Sining ng Dulaan at Siyensa ng Heograpiya nina Prof. Vanessa Banta at Prof. Andre Ortega, kapwa pangunahing nagmungkahi ng proyekto.

Ang kasalukuyang piyesa ay batay sa panayam sa isang Nanay bago naganap ang palitang-putok ng tear gas, pillbox at tae sa pagitan ng pulis at ng tinuturing nilang iskwater sa ikatlong linggo ng bagong taon ni Bistek noong Enero 27, 2014.

“Nung unang-unang dating ko dito, 1985. Alam n’yo po ba, yung yero na binili ko nung una, tatlong piraso lang. Kasi po, yung asawa ko walang trabaho. Ah…, tatlong piraso lang… tapos ang dingding namin, dalawang daang sako na kusot… kasi, yun ang ginagamit naming panggatong. Iniikot lang namin yun. Ganito lang din sya kalaki. Kasya lang kaming apat na mag-anak”.

Sa mata ng mga napadaan mula sa bintana ng dyip sa Agham o kaya ay sa MRT, sila’y kapansinpansin lamang bilang iskwakwang kumpol ng maralitang sadyang panira sa tanawin ng magagarang mall, condo at opisina ng gobyerno. Ang sabi, walang sining sa tagpi-tagping kulay ng kanilang bahay. At sinasabi rin, walang kuwentang buhay ang kanilang reputasyon ng pamumulot ng basura habang nakamasid lamang ang Ombudsman kasama ng mga piling pinapalamon nito sa loob at labas ng kanilang nag-aangas na gusali.

“Ngayon, sa araw-araw na pagtitinda ng suman, nakakabili ako ng… yung mga scrap na plywood, yung mga pinagtabastabasan ng building. Kasi, tinatayo po noon yung building ng Pisay kaya maraming plywood na retaso, ganun kalapad. Binibili ko yun. Isang tagpi-tagpi na dingding. Hanggang sa namatay po yung asawa ko, 1988”.

Ang kuwento ni Nanay ay kuwento ng marami pang iba sa Seedling, sa Dubai, sa Science, sa Veterans, sa EDSA, sa Triang-gel o sa Anakpawis: mga teritoryong nakabihasnan na ng kanilang anak at apo at apo sa tuhod. Dito, ang tele-nobela ay nagiging totoo. Ang trahedyang Griyego ay mas malala pa. Bagamat, hindi nila sasabihin sa’yo kung ano ang pakiramdam nang walang makaing matino sa ilang pagsikat ng araw at paglubog. Masaya sila na nakakapagsuot ng malinis na uniform ang mga bata kahit limampiso o bente lang ang baon o sa maraming pagkakataon ay wala. Kaya, tinatawan

lamang ang anumang salita o imahen ng gutom, sira, sakit, bulok, tubig, kuryente, iligal, recruiter, utang, trabaho, abroad, nganga, pulis, kulata, preso, sunog… patay.

“Nagtanim kami ng kangkong sa erya na yun dun. Nahaharvesan namin ng one hundred kada araw. Yun po ang pinagkukunan namin ng pangkain mag-ina. Ngayon, may tinutulungan pa akong batang may leukemia. Nakatira na siya sa amin. Pinasok ko sa East Avenue. Ibinalik din siya sa akin. Di siya nagtagal kasi leukemia nga”.

Sa pakikipagsapalaran sa tinatawag na lungsod, nagtagpo ang kangkong at tao. Kapwa silang nabuhay batay sa dalisay na pagbibigayan at pagkalinga sa bawat isa. Masasabing ibayong yumaman din ang talbos dito sa pagyabong ng komunidad. Bagamat hindi kasabay nito ang pag-angat ng pamumuhay ng mga taong dito na nakahanap ng tahanan mula sa salimuot ng pagkawalay sa lupa ng nayon, sa loob ng mahigit tatlong dekada ay nakahanap sila ng lugar upang pagtamnan ng pangarap.

“Nagtrabaho ako… yung sa sako… hanggang sa nakapagpundar din ng tindahan at umunlad siya mula 1998 hanggang 2005. Pero pinatay yung anak ko. Pinatay sya ng adik. Ngayon, wala akong pambayad sa abogado. Sinanla ko ang bahay ko ng P30,000. Hanggang ngayon nakasanla ito dahil yung sinanglaan ko, nag-lending lang din at di na nagpakita. Kaya ganito sya. Walang tao eh. Nasira sya. Yung bahay ko, sira-sira. Dun ako sa kabila nakatira ngayon”.

“Uwi na lang ako ng Mindanao? Ano bang uuwian mo doon? Wala na nga akong uwian dun kasi yung lupa namin, ilog na siya ngayon at wala na rin kaming bahay. Kaya ako, nanatili na dito sa North Triangle. Sumapi ako sa KADAMAY noong December. Hanggang ngayon, ang organisasyon na ang buhay ko. Paikot-ikot. Di ko alam kung magtatagumpay kami dito sa paninirahan namin. Ay, ano ba ang buhay!”

Kinukutya ang kanilang pagsilang at paglaki. Parang kabute. Mga mahigit 200 o libo. Walang eksaktong bilang ang Quezon City Urban Development Office, maging ang National Housing Authority (NHA) at ang Presidential Commission for the Urban Poor. Pinapatunayan nitong hindi nga kabilang ang mamamayan ng San Roque sa pinagsisilbihan ng mga ahensiya batay sa mandato ng pangalan nila. Ilang beses nang nagsarbey at nagsukat ang mga kawani ng City Hall dito since 19-kopongkopong. Noong una, inakala ng mga Nanay na sa wakas, ay kabilang na sila sa lungsod gawa ng sarbey at pagsusukat. Bagamat, sa sarili nilang kasaysayan, alam nila na sa pagsilang ng SM at Trinoma, kayraming pinatapon sa kung saan o kaya’y pumanaw nang ganun-ganun na lamang.

“Para ba kaming mga kriminal. Pulis lagi ang inaano sa amin. Yung nadeploy na pulis, mahigit walong daan yun, eh. Trenta ang SWAT. Yung demolition team, eh tatlong daan. Kaya nga sila nakapaggiba dun, eh. Yun lang naman ang nagiba nila, yung sa EDSA. Mahigit 150 na bahay ang nagiba. Yun po yun: Dec 19, 2010. Noon po ako natutong lumapit sa KADAMAY. Yung KADAMAY po ang nagbigay sa akin ng kung paano ako manindigan”.

Bakit palaging pinagdidiinan na kapag taga-iskuwater ay magnanakaw, sugarol at adik-adik agad? Una, hindi nga sila iskuwater kundi simpleng sektor na nagpaunlad ng isang lugar sa puntong kaya na itong tirhan ng tao. Pangalawa, naghahanapbuhay po sila at araw-araw ay kumakayod para maging desente kahit papano sa pagtingin ng iba: urban gardening, paglalako ng kakanin, pagtatahi ng basahan at ng jasmin o sampaguita, pamamasada ng kuliglig o dyip, pag-co-construction, pag-pa-factory at maging ang pag-eextra kay Willie at sa ilang pelikulang di naman nila napanuod sa takilya.

“Mahigit trentang pulis ang pumasok dito sa looban. Tapos doon sa EDSA, nag-program yung mga kabataan at kananayan. May barikada kami nun na mahaba. Tapos di pa nasiyahan yung mga kabataan. Nung aktwal na girian at panggigiba ng demolition team, ang ginawa po ng mga kabataan ay iginitna nila yung mga kahoy mula sa panggigiba. Tapos nagsunog pa sila ng gulong… hanggang sa pinapalo na sila ng mga pulis. Hindi talaga umurong yung mga kabataan namin. Tapos, nag-human barricade ang mga ka-Nanayan sa tabi ng daan. Tapos hanggang sa hinarang na po yung kalsada. Umpisa alas-diyes ng umaga hanggang alas-tres, hindi namin talaga pinakawalan yung daan”.

Kung bakit kailangang mawalis ang maralita ng San Roque at ng buong North Triangle, iba-iba ang sinabi ni Noli de Castro noon at ni Bistek ngayon ngunit nagkakapareho sila ng pamamaraan at pag-unawa kung paano kumita. Sa urban planning ng gobyerno at ng Ayala Corporation sa pakete ng pagtatayo ng Quezon City Central Business District, hindi kasamang paunlarin ang maralitang lungsod dahil pangit sila: masakit talaga sa mata at ilong. Maaaring mula sa kanila ay mayroon kang mabibilang na papasa bilang magandang serbidora o saleslady o di baliko ang English para sa call center ngunit sa kasalukuyan, ang higit na mahalaga ay mapalayas sila. Walang pag-iimbot na batutain ang mga bahay kasama ng mga tulog na sanggol.

“Kung ano ang plano ng gobyerno, sige papakinggan namin. Pero sa aktwal na, hindi naman talaga katanggap-tanggap. Ang alok nila, pera-pera. Hindi po batayan ang pera para makaahon kami sa kahirapan. Sabi nila: Mahirap ka. Bakit ayaw mo pa tanggapin ang pera? Sabi ko, hindi porke mahirap ako, pera ang tinitingnan ko. Ang tinitingnan ko ay pangkaramihan. May pera ka nga, wala ka namang bahay. Kailangan lang ang paninindigan.”

Ilang beses nang tinangka ng mga pulis sa magkahiwalay na pagkakataon ang pagdemolis ng San Roque. May ilan nang napilitang tanggapin mula sa NHA ang P5,000 o kaya ay P30,000 kung ikaw mismo ang gigiba ng sariling bahay. May mga nailikas na sa Montalban at napagtanto ang kawalan ng dangal sa pagturing sa kanila. Sa aktuwal, ang P5,000 ay mababawasan pa ng fixer na naghatid sa kanila sa tinuturing na relocation site. Mababawasan pa uli ng paglalagay ng pinto sa tila kabaong na bahay. Mababawasan pa uli sa pagpapakonek ng kuryente at tubig kahit sa totoo lang, wala naman talaga. Sa gitna ng mapanlinlang at marahas na mga proseso at ipinagmamalaking negosasyon, nakamasid din lamang ang istap ng Commission on Human Rights (CHR).

“Yung barikada na yun ay talagang nakaantig sa buong Pilipinas at nakita ng ibang mahihirap kung ano ang ginawa naming pakikipaglaban. Noon, nag-aalangan pa ako pero ngayon, naninindigan na ako sa laban na manatili. Pano, sali na rin kayo sa KADAMAY?”

Ang proyektong Lugar: Counter-Mapping San Roque and Mega-Manila ay may layong maunawaan ang problemang politikal sa espasyo, naratibo at representasyon ng Mega Manila. Kaakibat nito ang realidad ng konbersyon ng lupa sa siyudad bilang mga espasyong mapagkakakitaan ng mga politiko at negosyante. Sa ganitong polisiya ng estado, ang ordinaryong mamamayan ay naisasantabi at sapilitang pinapalayas upang pagbigyang-daan ang mga mall, condominium, subdibisyon at mga matataas na gusali.

Gamit ang dulaan, mural at mixed media, layon din ng proyekto ang mapabatid ang mga espasyong binuhay ng ordinaryong mamamayan sa loob ng maraming taon. Ito ang mapa ng maralita sa usapin ng pagpapaunlad at kaunlarang taliwas sa mapa ng gaya ng kasalukuyang pamahalaan ni Pres. Benigno Aquino katuwang sina QC Mayor Herbert Bautista, NHA Chair Jejomar Binay, Presidential Commission for the Urban Poor Chair Hernani Panganiban, Commission on Human Rights Chair Loretta Rosales, Philippine National Police Chief Alan La Madrid Purisima at Ayala Group Chair Jaime Augusto Zobel de Ayala.

“Kaya, mamamayan ng San Roque, magkaisa! Ipaglaban ang ating karapatan”.

Suntok ito sa buwan at ilang beses na pagbaon ng kahoy at baril sa dibdib. Bagamat kayang gibain ng mga nasa poder ang tagpi-tagping dingding kahit ilang bagyo na ang napagdaanan nito, hindi naman nila kayang tupuking lubos ang kalooban ng mga naghihikahos. Bagkus, lalu pa silang nagdadamayan habang ang mga anak ng bayan ay lalong tumatapang.#

Ang Lugar 2 bilang kultural na handog ng suporta at pakikiisa sa mamamayan ng San Roque kaakibat ng pagsalo-salo sa pansit at lugaw ay inisyatiba ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND UP Diliman), Ugatlahi Artists Collective, Sining Bugkos, Kalipunan ng Mamamayang Maralita (KADAMAY) at Anakpawis Partylist. Kasama sa artistikong tagapagsanay at gabay sina Jojo Cayabyab, Jomel Reyes, Boyet de Mesa at ang inyong lingkod.