ATTACKKK!

Diona


Isa ang diona sa mga katutubong anyo ng tula na una kong nasagap sa isang palihan sa pagtula noong nasa hayskul pa lang ako. Mayroon na nito bago pa tayo sakupin ng mga Kastila. Nabanggit pa nga ito bilang isa sa mga auit (“awit”) sa Vocabulario de la lengua tagala nina Juan Jose de Noceda […]

Isa ang diona sa mga katutubong anyo ng tula na una kong nasagap sa isang palihan sa pagtula noong nasa hayskul pa lang ako. Mayroon na nito bago pa tayo sakupin ng mga Kastila. Nabanggit pa nga ito bilang isa sa mga auit (“awit”) sa Vocabulario de la lengua tagala nina Juan Jose de Noceda at Pedro de Sanlucar (1974).

*           *           *

Awit ang tawag sa mga katutubong tula dahil noong unang panahon ay inaawit ang pagbigkas sa mga ito. Hindi naman ito nakapagtataka dahil may mga ganitong anyo rin ng tula sa ibang bansa na inaawit pa rin hanggang ngayon.

Walang tala tungkol sa diona sa database/registry na Unang 800 Sagisag Kultura ng Filipinas na inilabas ng Filipinas Institute of Translation at National Commission for Culture and the Arts. Hindi ito kasama sa 800 priority icons ng bansa para sa dalawang ahensiya. Gayunman, ilang pakontes na sa paggawa ng diona na may kung ano-anong tema ang nailunsad sa loob ng dalawang dekada.

*           *           *

Hindi na rin ito nakapagtataka dahil diumano dalit at talindaw ang pinakapopular na mga anyo ng tulang Tagalog noong panahong sakupin tayo ng mga Kastila.

Ang alam ko, awit sa kasal ang diona. May impression nga ako noon na may limang pantig (syllables) at tatlong taludtod (lines) ang diona. Karaniwan kasing pipituhin ang pantigan ng mga katutubong tula. May nagsabing awit sa panliligaw ang diona. May ibang nagsabing inaawit ito sa loob ng bahay.

Sa kasalukuyan, tinatanggap ang diona bilang isang tulang may pitong pantig at tatlong taludtod. Iisa ang tugmaan nito (pero may mga makabagong diona na hindi na rin ito sinusunod). At, tulad ng nabanggit ko, sari-sari na ang tema.

*           *           *

Dahil isa itong tulang may tatlong linya, binansagan itong Pinoy haiku. Pero nitong nakaraang linggo, nagkaroon ito ng bagong bihis at pakay.

*           *           *

“At 5pm today, Karapatan received reports that two-day old Diona Andrea Rosal, newborn baby girl of detained Andrea Rosal, passed away at the Neonatal Intensive Care Unit of the Philippine General Hospital. Since her birth, she was on artificial respirator and experienced seizures.”

—breaking news ng Karapatan (Mayo 18, 2014)

*           *           *

Ang diona ay hindi na lang isang anyo ng tula kundi sagisag ng pandarahas ng militar at ng pasistang rehimeng Aquino. Kung matatandaan, tulad ng pagkakadakip sa mag-asawang Tiamzon at iba pa, regalo ang pagkakadakip ng pitong buwang buntis na si Andrea Rosal sa pagdating ni Obama sa Pinas.

*           *           *

“Tingkad ng puting bulaklak
sa dibdib ng dalisdis.
Alab ang halimuyak.”
Rosal, Ed Romano Labao

*           *           *

Ayon sa mga militar, ginagamit na propaganda ng mga aktibista at komunista ang pagkamatay ni Diona. Hindi ba’t ang rehimeng Aquino ang gumamit sa mag-ina para makakuha pa ng milyun-milyong donasyon mula sa imperyalistang U.S. para sa military at intelligence development fund? Naitulak pa ngayon ang Enhanced Defense Cooperation Agreement.

*           *           *

“Ika’y latay sa isip,
isang saksak sa dibdib.
Hagkis sa panaginip.”
Diona kay Diona, Mark Joseph Rafal

*           *           *

Ang nakapagtataka ay may mga naniniwala pa sa mga patutsada ng militar. Komunista man si Andrea Rosal o hindi, unang-una, dapat natugunan ang pangangailangan niya bilang buntis. Sabi nga ni Inday Espina-Varona, “I don’t care if she’s a guerrilla. This is a story about the sorry state of health care for mothers and newborns.”

*           *           *

“Mahirap pigilin ang pagtula.”
—Bobby Balingit

*           *           *

Noong ikalawang Martes ng Abril, inilunsad ng Kilometer 64 Poetry Collective ang “Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina”, isang poetry reading para kay Andrea Rosal. Pinagdala pa ng mga gamit-pambata ang mga dumalo.

*           *           *

“In Camp Bagong Diwa, [Andrea] was imprisoned in a 5×10 meter cell with 31 other inmates. She did not receive any medical attention from jail authorities during her detention. Her transfer to PGH this week, in accordance to a court order issued for her immediate hospitalization, was unreasonably delayed by authorities from the Bureau of Jail Management and Penology. Andrea was experiencing uterine contractions since the evening of May 15.”
Karapatan

*           *           *

Bumaha ng tula para sa mag-inang Diona at Andrea Rosal (natipon na ng Pinoy Weekly, Bulatlat, at Arkibong Bayan ang karamihan). Gumawa pa ng isang kanta si Edge Uyanguren.

“Anak ng magiting na mandirigma / Parusa sa ama ay minana”, paalala sa atin ni Luchie Maranan sa kanyang tula. Magugunitang noong tatlong taong gulang pa lamang si Andrea, kinidnap siya ng militar para pasukuin ang kanyang amang NPA spokesperson na si Gregorio “Ka Roger” Rosal. Magugunita rin ang panggagahasa, pagtortyur, at pagpaslang kay Rebelyn Pitao, anak ni Kumander Parago, noong Marso 4, 2009.

*           *           *

“Sino nga ba ang walang puso?” usig ni Amihan Euza sa kanyang tula. “Mapalad ka nga ba, o Diona, ngayong ikaw ay kapos-palad at pinagkaitang mabuhay?” wari naman i Genesis Soriano sa kanyang tulang tuluyan.

“[W]alang ibang saksi / maliban sa nakapikit mong mata,” wari ba’y bulong ni Andrea sa kanyang anak, sa tula ni Rustum Casia, na may dala ring pag-uusig: sino ang totoong nakapikit?

“Ihimlay ang mumunti’t / bugbog na katawang ipiniit / sa dawag ng mga tinik / na bakal na walang pintig,” habilin ni Ipe Soco. “[H]indi ka na muling mangangamba,” paniniyak ni Emmanuel Barrameda sa kanyang tula.

Sa tula ni Arli Joshua Atienza, si Diona na ang nagsalita. “Ang pinakamalaki kong kasawian / Ay ang hindi ka masamahan / Na lumaban nang walang kapaguran / Upang muling ngumiti ang tadhana sa ating bayan.”

Pero hindi makatatakas ang mga maysala. “Hindi ka malilimot, munting anghel / Tiyak, balang araw, mananagot ang mga salarin,” banta ni Len Olea.

Bitbit ng tula ni Victor Bisperas (nom de plume o nom de guerre?) ang isang kilalang panawagan:

“Tayo ay magluksa para kay Diona Andrea Rosal
Bukas muli nating tatanganan ang armas
At puspusang isusulong ang digmang bayan
Upang kamtin ang hustisya, katarungan, at kalayaan.”

Totoo nga ang sinabi ni Rogene Gonzales sa kanyang tula, ang walang muwang na si Diona Andrea Rosal, bago pa man isilang, ay isa nang “pangamba[ng] sibat sa dibdib ng kaaway.”