US, Obama agresibong nagtutulak ng Cha-cha sa Pilipinas

April 22, 2014

Para rin sa Cha-cha? Sina Pang. Aquino at US Pres. Barack Obama, sa bisita ng nauna sa White House noong 2010. <strong>White House photo</strong>

Sasayaw na ng Cha-cha? Sina Pang. Aquino at US Pres. Barack Obama, sa bisita ng nauna sa White House noong 2010. White House photo

Pinakahuli lamang ang nakatakdang pagbisita sa Pilipinas ni US Pres. Barack Obama sa agresibong pagpresyur ng gobyerno ng US sa gobyerno ng Pilipinas na repasuhin ang Saligang Batas ng Pilipinas, o isagawa ang Charter Change (Cha-cha).

Maliban sa paglalagda ng kontrobersiyal na Agreement on Enhanced Defense Cooperation na magbibigay-daan sa higit na presensiyang militar ng US sa Pilipinas, itutulak din ni Obama ang mga kondisyon ng Amerika para maging bahagi ang Pilipinas sa Trans-Pacific Partnership Agreement (TPPA), isang free-trade agreement na dominado ng US.

Noong 2010 pa, matapos makaupo sa puwesto ni Aquino, inihayag na niya ang kagustuhan ng kanyang administrasyon na ipasok ang Pilipinas sa TPPA.

Pangunahin sa mga kondisyon ng US para makapasok ang Pilipinas sa TPPA ang Cha-cha, patrikular ang pagtanggal sa mga probisyon sa Saligang Batas para sa higit na pagpasok sa bansa ng mga negosyo ng mga korporasyong Amerikano.

Agresibo sa Cha-cha

Tinukoy rin ng Ibon Foundation, instisusyon sa pananaliksik sa mga isyung pang-ekonomiya at pampulitika, ang pagpresyur na ito sa porma ng ulat ng Office of US Trade Representative (USTR), na naglista sa legal na mga hadlang ng 1987 Saligang Batas ng Pilipinas para sa pagnenegosyo rito. Kabilang dito ang restrictions sa dayuhang pagmamay-ari ng lupa at negosyo sa bansa.

“Sa 2014 edition ng National Trade Estimate Report on Foreign Trade Barriers ng USTR, tinukoy ng naturang ahensiya ng US ang 30 porsiyentong constitutional limit sa dayuhang pagmamay-ari sa advertising, (at) 40% limitasyon sa foreign investment sa operasyon at pangangasiwa ng pampublikong yutilidad (tubig at sewerage treatment, distribusyon at transmisyon ng kuryente, telekomunikasyon at transportasyon),” ayon sa Ibon.

Sinabi rin umano ng USTR na kabilang sa mga hadlang sa pagnenegosyo sa Pilipinas ang ban sa mga dayuhan para mag-practice ng law, medisina, nursing, accountancy, engineering, architecture at customs brokerage; at siyempre, hadlang sa 100 porsiyentong pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga lupain ng bansa.

Napuna pa ng Ibon ang tila napapadalas na pagbisita ng USTR sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Aquino, kabilang ang regular na diyalogo nito at ng gobyerno sa ilalim ng US-Philippines Trade and Investment Framework Agreement (TIFA).

Samantala, sinabayan ng mga negosyanteng Pilipino at Amerikano (at iba pang negosyanteng dayuhan) ang pagpresyur sa administrasyong Aquino na isagawa ang Cha-cha.

“Mahigpit naming hinihikayat ang administrasyong (Aquino) na ikonsidera ang pag-amyenda sa mga probisyong pang-ekonomiya sa 1987 Saligang Batas, na naglalagay ng restriksiyon sa mas malaking partisipasyon ng pribadong sektor,” ayon sa sulat ng 13 business organizations kay Pangulong Aquino, sa wikang Ingles, noong Hulyo ng nakaraang taon.

Kabilang sa mga organisasyong lumagda sa liham ang American Chamber of Commerce (AmCham), Canadian Chamber of Commerce, European Chamber of Commerce, Japanese Chamber of Commerce, Korean Chamber of Commerce, at Philippine Association of Multinational Companies Regional Headquarters Inc.

Kasama rin ang mga asosasyon ng malalaking Pilipinong negosyante, o malalaking burgesya kumprador, na kasosyo ng multinasyunal na mga korporasyon. Kabilang dito ang Makati Business Club, Employers Confederation of the Philippines, Philippine Chamber of Commerce and Industry, Alyansa Agrikultura, Philippine Exporters Confederation, at Management Association of the Philippines.

Nitong nakaraang Marso, sinabi naman ni Philip Goldberg, embahador ng US sa Pilipinas, sa isang tipunan ng lokal na mga negosyante na kung gusto ng Pilipinas na maging bahagi ng TPP, kailangang lubusin ng bansa ang pagliliberalisa sa merkado nito.

“Kailangan ng mahigpit na komitment ng gobyerno ng Pilipinas at business community para matupad ang mga istandard ng naturang kasunduan (TPPA),” sinabi ni Goldberg, sa wikang Ingles.

Natukoy din ng Ibon ang iba pang lobbying ng US para maitulak ang Cha-cha. Kabilang dito ang The Arangkada Philippines Project (TAPP), na pinopondohan ng US Agency for International Development o USAid sa ilalim ng US-Philippines Partnership for Growth (PFG) initiative. Kasama ang AmCham sa mga nagpapatupad ng TAPP sa pagpresyur sa Kongreso na ipatupad ang policy proposals ng Joint Foreign Chambers of Commerce (JFC)—kabilang na rito ang pagtanggal sa limitasyon sa Saligang Batas sa dayuhang pagmamay-ari.

Presyur sa Kongreso

Sa ngayon, inuunti-unti na ng mga alyado ni Aquino sa Kamara ang pagtulak sa Cha-cha. Noong Marso, sa pangunguna ng alyado ni Aquino na si House Speaker Feliciano Belmonte Jr., ipinasa sa House Committee on Constitutional Amendments ang resolusyon para repasuhin ang Saligang Batas.

Sinabi ng Ibon na ipinapakita ng matinding pagpresyur na ito ng dayuhan at lokal na mga negosyante na hindi interes ng bayan ang nasa likod ng Cha-cha kundi interes ng US at lokal na mga kasosyo nito.

Tinututulan ito ng makabayang mga organisasyon dahil ipinagpapatuloy umano ng Cha-cha ang pagkatali ng ekonomiya ng bansa sa dayuhang mga interes. Napipigilan rin umano nito ang pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo na susi sa kaunlaran para sa nakararaming mamamayang Pilipino.

“Sinasabi ng mga promotor ng TPPA na magdadala ito ng trabaho at kaunlaran para sa mga miyembro nito pero hindi pa ito nangyayari sa anumang neoliberal na mga alyansa at polisiya na pinasok at ipinapatupad ng Pilipinas,” sabi ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus.

Hindi umano nababawasan ang kahirapan sa bansa kundi lumalala—sa kabila ng malaganap nang pagnenegosyo ng dayuhang mga korporasyon sa bansa.

“Tanging mayayaman at mauunlad na mga bansa, at malalaking dayuhang korporasyon, ang nagbebenepisyo (sa TPPA), at nagiging mas makapangyarihan na sila sa mga gobyerno,” pagtatapos ni De Jesus.