Kaanak nina Karen Empeno, Sherlyn Cadapan patuloy na ‘niloloko’ ng militar

April 8, 2014

Galit ang pamilya ng nawawalang mga estudyanteng sina Karen  Empeño at Sherlyn Cadapan sa patuloy umanong "panloloko" ng militar. Nasa larawan: ang mag-asawang Cadapan, kasama si  Concepcion Empeño, sa labas ng pagdinig ng Malolos RTC sa kasong pagdukot kina Karen at Sherlyn. <strong>Soliman A. Santos</strong>

Galit ang pamilya ng nawawalang mga estudyanteng sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan sa patuloy umanong “panloloko” ng militar. Nasa larawan: ang mag-asawang Cadapan, kasama si Concepcion Empeño, sa labas ng pagdinig ng Malolos RTC sa kasong pagdukot kina Karen at Sherlyn. Soliman A. Santos

MALOLOS, BULACAN — Niloloko na naman kami ng militar.

Ito ang reaksiyon ng mga kaanak nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na hinihinalang dinukot ng mga militar noon pang 2006, nang muling mabigo ang depensa para magharap ng kanilang testigo.

Hindi dumating sa pagdinig ng Malolos Regional Trial Court Branch 14 ang mga testigong para kina Col. Felipe Anotado at Staff Sgt. Edgar Osorio para magbigay ng testimonya. Ang dalawang sundalo ang itinuturong dumukot kina Cadapan at Karen Empeno sa Hagonoy, Bulacan noong Hunyo 2006.

Kasama rin sa inakusahan sina M/Gen. Jovito Palparan at Sgt. Rizal Hilario pero hindi sila isinama sa paglilitis dahil hindi pa nadarakip ng mga awtoridad an mga ito.

Ayon kay Julian Oliva Jr., abogado ng kaanak ng mga biktima mula sa National Union of People’s Union, idinahilan umano ng mga abogado ng depensa na walang pamasahe ang mga sundalong tetestigo kaya hindi nakarating ang mga ito.

Naniniwala naman sina Erlinda Cadapan at Concepcion Empe?o na “delaying tactics” lamang ito ng depensa.

“Malinaw na niloloko lang kami ng mga militar. Sino ang maniniwala sa kanila na hindi sila makakarating dahil wala silang pamasahe?” ani Cadapan.

Bago ito, ginamit umanong dahilan ng mga abogado ng mga nasasakdal na ayaw palabasin ng kanilang mga opisyal mula sa kampo ng militar ang mga testigo dahil sa kanilang trabaho. Dahil dito, nagpalabas ng subpoena noong Nobyembre 11, 2013 ang korte sa sala ni Judge Teodora Gonzales para sa mga sundalong testigo ng depensa subalit mula noon ay hindi pa rin dumadalo ang mga ito.

Ang pagdinig na ginanap ngayong araw ay bahagi ng walong araw na pagdinig na ibinigay ng korte – simula nang ipalabas ang subpoena – para ipresenta ng depensa ang kanilang walong testigo subalit isa man sa mga ito ay hindi dumating.

Dahil dito, apat na pagdinig na lamang ang natitira sa depensa para magpresenta ng testigo. Ang huling pagdinig ng korte para rito ay sa Hunyo 23, 2014. Ang mga susunod na pagdinig ay nakatakda sa Abril 28, Mayo 12, Hunyo 9 at Hunyo 23 ng taong kasalukuyan.

“Pagkatapos nito ay inaasahan naming maglalabas ng desisyon ang korte,” ayon kay Atty Oliva.

Naniniwala si Atty. Oliva na papabor sa prosekusyon ang desisyon ng kaso dahil walang mailabas na testigo ang mga nasasakdal. Positibo rin aniya ang naunang desisyon ng korte nang tanggihan nito ang petition for bail ng dalawang sundalong akusado.

Sa Hunyo aabot na sa ikawalong taon ang pagkawala nina Empe?o at Cadapan, subalit hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang kanilang mga kaanak.

“Hanggang buhay kami, naniniwala kaming buhay pa rin an gaming mga anak,” ani Erlinda Cadapan.

Nananawagan pa sila sa gobyerno para tugisin, hulihin at panagutin ang tinawag nilang berdugong si Jovito Palparan.