ATTACKKK!

Nag-Bagiw


“habang papalayo sa Baguio, / binunot ko rin sa aking tadyang ang pira-pirasong sugat, / naghilom na poot.” – Labimpitong taon ang dulo ng paglimot (O, kung ano ang natutuhan ko sa 2013 UP Writers Workshop sa Baguio City), Richard Gappi *           *           * Mula sa salitang bagiw ng Ibaloi ang pangalan ng Baguio; “lumot” […]

“habang papalayo sa Baguio, / binunot ko rin sa aking tadyang
ang pira-pirasong sugat, / naghilom na poot.”
Labimpitong taon ang dulo ng paglimot (O, kung ano ang natutuhan ko sa 2013 UP Writers Workshop sa Baguio City), Richard Gappi

*           *           *

Mula sa salitang bagiw ng Ibaloi ang pangalan ng Baguio; “lumot” sa Tagalog.

Baguio ang nag-iisang hill station na itinayo ng Imperyalismong Kano sa buong Asya (circa 1900).

*           *           *

Parang biro ng tadhana ang pagsalang ng book-to-be ko sa 53rd UP National Writers Workshop nitong nakaraang linggo. Panelist/moderator ko si Virgilio Almario AKA Rio Alma. Ako pa talaga ang huling isinalang. Parang main event sa boksing (Pacquiao vs Bradley?) na nakasalang sa TV ng bus na sinakyan namin papalayo sa Baguio.

*           *           *

Pero gusto ko munang magpaliwanag tungkol sa OM (other matters) na dapat ay panghuli sa isang talakayan. Tungkol ito sa sinabi ng isa sa aking mga co-fellow na nagtapat sa akin na tinawag niya akong “asshole”—“that asshole” turing niya sa akin habang kausap ang isang guilder.

*           *           *

Guilder ang tawag sa (naging) miyembro ng College Editors Guild of the Philippines kung saan ako na-elect na vice president for Luzon isang dekada na ang nakaraan.

*           *           *

Tungkol ito sa aking pagiging patola online. Tungkol sa aking pagiging “aktibista” at pagpasok sa International Writing Program sa Iowa—allegedly (sabi niya rin) funded by the U.S. Central Intelligence Agency. Tungkol sa mga aktibista na “isinusumpa ang imperyalismo” pero nagtatrabaho ngayon sa mga call center. Actually, kasama ako sa mga tinuligsa niya dahil alam niyang nagtrabaho ako ng ilang taon sa call center.

*           *           *

Legit ang kanyang, sabihin na natin, curiosity at conviction. Sa isang banda. At face value, kumbaga. Sabagay, hindi pa niya nababasa man lang ang ‘Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino’ AKA MKLRP. Wala pang limang oras kung tatalakayin iyon sa isang DG (discussion group). Wala pa yatang singkwenta pesos ang libro, kung gustong magkakopya.

*           *           *

“(There’s never been equality for me,
Nor freedom in this “homeland of the free.”)”
Let America Be America Again, Langston Hughes

*           *           *

Kung nakaengkuwentro niya ang MKLRP, nalaman niya na hindi kaaway ang mga Kano dahil oppressed din sila sa kanilang bansa. Iba ang mga karaniwang Kano (kasama na ang mga migrante) sa status quo lalo na iyong mga nakaposisyon sa gobyerno at mga korporasyon. “We are the 99%” nga ang una, sabi ng Occupy movement.

Isa pa, ligtas ba sa oppression ang isang call center agent? Ipagkumpara ang suweldong nakukuha ng agent sa Pinas at iba pang malakolonya ng U.S.; hindi ba’t kasama rin kami sa bulto ng mga modern-day/corporate slave?

*           *           *

Nabasa raw ng co-fellow ko ang isinulat kong ‘Dateline: Iowa 2013’ (http://www.panitikan.com.ph/content/dateline-iowa-2013-mark-angeles) at, ayon sa kanya, marami raw ang namuhi sa akin dahil sa pagpunta ko sa Iowa. Sa kabila ng paliwanag ko sa personal na sanaysay na iyon. Kalerki lang.

*           *           *

Bago ito, gusto ko munang ipaliwanag ang aking ginawang kabalbalan sa slam poetry sa Mt.Cloud. Nasa mga hurado na ang kapasiyahan kung bakit hindi ako nakaabante sa 2nd round—kung dahil sa lumampas ako sa time limit o dahil hindi “slam poetry” ang aking ginawa.

Hindi raw kinagat ang performance ko kasi postmodern, sabi ni Prof. Roland Tolentino. Nag-spine sonnet kasi ako. Pinagkukuha ko ang 14 books sa mga shelf sa paligid at binasa ang kanilang spines na parang isang soneto.

Opkors alam kong hindi iyon slam poetry. Nakapag-perform at nakapag-judge na ako sa isang slam poetry contest sa Sev’s Café sa Roxas Boulevard. At siyempre pa, pinapanuod ko sa youtube si Sarah Kay.

Aminado rin ako na ulyanin ako kaya hindi makapag-perform ng slam poetry; maski sumabak sa battle rap. May kinalaman dito ang lead sa hangin ng Metro Manila.

Kaya gusto ko ring irehistro sa oras na iyon: ano nga ba ang legit na slam poetry?

Kung may mga nabigo man ako—katulad ni Amang Jun Cruz Reyes na nag-push sa akin na sumali sa pakontes na iyon—humihingi ako ng tawad.

*           *           *

Kung maayos lang ang memory ko, ipe-perform ko ang ‘Please Don’t Take My Air Jordans’ ni Reg E. Gaines. But, again, ano nga ba ang slam poetry?

*           *           *

“The whole operation, Newspapers say
Supported by the CIA”
CIA Dope Calypso, Allen Ginsberg

*           *           *

Sa listahan ng mga naipadala ng Pinas sa Iowa (http://iwp.uiowa.edu/residency/participants-by-region/Philippines), matatagpuan ang mga aktibistang sina Ninotchka Rosca (1977), Antonio Maria Nieva (1982), Reuel Molina Águila (1983), Edgardo Maranan (1985), at Nonilon Queaño (1988).

Pinakamainit siguro ang pagpunta ni Gelacio Y. Guillermo Jr. (1970) AKA Chong Gelas. Una, dahil sa kanyang pagiging primera klaseng makata at hardcore sa kilusan. Inusig nga siya ng isang Eugene Gloria. Ikalawa, dahil sa sinulat niyang ‘Espasol versus Nilupak’. (Nabanggit ko ang dalawang ito sa ‘Dateline: Iowa 2013’).

*           *           *

Interesado akong malaman kung ano ang sagot ni Chong Gelas kung uusigin siya sa pagpunta niya sa Iowa. Ang sagot ko, sa susunod na labas ng ATTACKKK! kung kakayanin ko pa.