Bukas na Liham Main Story

LIHAM | Mga empleyado ng DSWD, hinggil sa Bagyong Yolanda


Lagi na lang binabatikos nang matindi ang ating ahensya sa ating pagresponde sa mga kalamidad tulad ng nangyari nitong nakalipas na taon na kinatampukan ng apat na kalamidad–pinakagrabe ang Typhoon Yolanda na kumitil at naminsala sa buhay ng libu-libo nating mamamayan sa kabisayaan. Sobrang kapaguran, kalituhan, sama ng loob, galit at demoralisasyon naman ang sa […]

"Mga
Mga mamamayang nabiktima ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013, naghihintay ng relief goods mula sa gobyerno. Pher Pasion/PW File Photo

LIHAM iconLagi na lang binabatikos nang matindi ang ating ahensya sa ating pagresponde sa mga kalamidad tulad ng nangyari nitong nakalipas na taon na kinatampukan ng apat na kalamidad–pinakagrabe ang Typhoon Yolanda na kumitil at naminsala sa buhay ng libu-libo nating mamamayan sa kabisayaan. Sobrang kapaguran, kalituhan, sama ng loob, galit at demoralisasyon naman ang sa hanay ng mga kawani na karamihan ay kabilang din sa biktima ng disaster ang nangyayari sa kasalukuyan.  Marami at iba’t  ibang klase pang “unos” ang kakakaharapin natin. Bukod sa mga natural na kalamidad, nariyan din ang kalamidad ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pasasapribado ng mga pampublikong serbisyo, kawalan ng trabaho, demolisyon ng mga tahanan, at bulok na pamamahala ng gobyerno.

Napakahalaga, kung ganoon, na magkaroon tayo ng malinaw na pananaw at paninindigan sa harap ng mga ito.

Ang burukrasya o pamahalaan ay binubuo ng mga kawani at opisyal na parehas dapat na tungkulin ay maglingkod sa mga mamamayan.  Subalit may saligang pagkakaiba ng tunguhin o orientasyon sa pagitan ng kawani at opisyal na burukrata na naihahayag sa iba’t ibang aspekto at pagkakataon sa umiiral na burukrasya. Ito ang nasa kaibuturan ng di-pagkakatugma ng pagnanais ng mga kawani na isagawa ang kanyang tungkulin sa isang panig, at ng pagkukumahog ng mapagsamantala at burukratang opisyal sa mga layuning  gamitin ang yaman ng bayan para sa pansariling kapakanan na malayo sa kapakinabangan ng mga mamamayan. Ito’y lagpas sa usapin ng antas ng kakayahan lamang.  Ilan sa mga iniinugang konsiderasyon ng pulitiko ang sistema ng patron/patronage politics at korupsiyon, pagpabor sa pampulitikang partido o paksiyon na kinabibilangan, pagtalima sa impluwensiya ng dominanteng patakaran ng status quo na labis na bukas at palaasa sa dayuhang puhunan.

Burukrata kapitalista ang pinaka-angkop na katawagan sa mga opisyal na ito at ng kanilang mga kasabwat. Sila ang mga nasa gobyerno upang magpayaman at madagdagan ang kapangyarihan.

Sa kasaysayan ng  burukrasya nitong kamakailan lamang, may mga punto ng signipikanteng pag-igting ng pagkakaibang ito. Tampok na  halimbawa nito ang pag-aalsa ng mga mamamayan noong EDSA Uno at Dos. Mga yugto ito sa kasaysayan na ang pagkakaiba’y nahinog ang pagkakahati na sumalamin sa polarisasyon sa ating  lipunan.  Oo, may mga pagkakabitak rin sa hanay ng kawani at doon sa mga opisyal. Ngunit sa pangkalahatan, dahil sa katayuan, mas dugtong sa pusod ng kabulukan at korupsiyon ang mga burukrata kaysa sa kawani at makikitang naging mas progresibo ang mga kawani. Mahalagang punto ito na dapat maging bahagi ng kamulatan ng empleyado na ang ating pananagutan ay sa publiko at di sa pulitiko.

Mahigit tatlong buwan pagkatapos ng bagyong Yolanda, hindi pa rin signipikanteng nakabangon ang mga nasalanta. Wasak pa rin ang mga istruktura. Wala pa ring kuryente at tubig. Hirap pa rin ang mga tao na makakain.  Walang kabuhayan, at marami pa rin ang umaasa sa pana-panahong relief goods lamang.  Ang bunkhouses na itinayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH), pati hayop ay parang mahihirapang tumira.

Ang balangkas ng opisyal na tugon ng administrayon ay ang pinag-uugatan ng pagpalya nito na tumugon o maging makabuluhan. Hindi ito simpleng mahinang pamumuno, bagamat isa rin itong katangian na maglalarawan sa kasalukuyang liderato. Ano ang mga tinutukoy nating kontra-mamamayang balangkas na bukal ng kriminal na pagpapabaya na pananagutan ni Aquino? Ito ang sumusunod: a) mas prayoridad ang  political gains sa kanyang pamamahala; b)  pribatisasyon at hindi state responsibility ang motibasyon ng mga solusyon;  k)  bigong patakarang devolution dahil kaparehas lamang ng pambansa ang lokal na ehekutibo na nakatali sa landlord politics at mentalidad.

Piyudal pa ang mga pag-iisip nila kaya napakababa ng pagtingin sa mga mamamayan. Kita ang ganitong pananaw ng mga burukratang opisyal mula sa antas ng disaster preparation, relief hanggang rehabilitasyon. Wala na ngang tunay na konsultasyon ay di-maitangging pagkamuhi ang ipinamumukha sa masa:  Matigas daw ang ulo ng mga iskuwater sa shorelines, mga looter at magnanakaw daw sila, mga palaasa sa dole-out, madaling namamanipula ng iba’t pampulitikang puwersa, at iba pa.

Mga empleyado ng DSWD na miyembro ng SWEAP. <strong>Kontribusyon</strong>
Mga empleyado ng DSWD na miyembro ng SWEAP. Kontribusyon

Sa hanay naman nating mga kawani, ang rank-and-file at pati na rin ang middle managers ang nakadarama, nagiging tampulan ng sisi at nadidismaya sa mga nangyayaring kapalpakang ganito.  Ang mga kawani’y walang kapangyarihan sa pagtakda ng patakaran; sinusupil ang pagpuna at pag-ayon sa publiko; itinatali sa sistema ng patronage; maaaring tanggalin sa trabaho, harangin ang promosyon  o kaya ay ibuwis ang buhay kung maglalantad ng korupsiyon at anomalya. Ultimong ang sistema ng kontraktuwalisasyon, job order o contract of services na iskema ng empleyo na lumalabag sa mga karapatan at dignidad ng kawani ay sumusuhay din sa sistema ng burukrata kapitalismo. Walang accountability at laging may banta ng tanggalan sa hanay ng mga kontraktuwal, casual at mga manggagawang job order o MOA.

Ganun pa man, bilang mga tunay na lingkod ng bayan ay hindi tayo dapat pumayag na manatiling ganito ang sitwasyon. Ang empleyo natin bilang mga kawani ay hindi dapat maging marupok na tabing ng panlilinlang sa mga mamamayan.  Dapat na isulong at itaguyod natin ang isang gobyernong may pananagutan sa mga mamamayan. Manindigan tayo, magsalita, isiwalat at harapin ang mga nakikita nating kabulukan at kapalpakan upang maiigiit ang dapat ay para sa ating publiko.

Matagumpay na maisasagawa natin ito kung tayo’y magkakaisa at sama-samang kikilos bilang isang tunay na aktibistang unyon ng mga kawani ng pamahalaan.  Militante, progresibo at makabayang unyonismo ang mga prinsipyong papatnubay sa SWEAP bilang unyon ng mga kawani sa DSWD.

Lagi na tayong haharap sa mga natural na kalamidad na pinalala ng pagkawasak ng kalikasan dahil sa geographical at pulitikal na katayuan natin sa daigdig. Pinakamalaking bulnerabilidad natin ang kahirapan ng mga mamamayan na ang ugat ay ang bulok na sistema ng ating lipunang pinaghaharian ng mga panginoong maylupa, malalaking dayuhan at lokal na mamumuhunan at negosyante, at burukrata kapitalistang tulad ni Noynoy Aquino at ng kanyang mga alipores at galamay. Mga mamamayang mulat, aktibong nakikisangkot, at nakikibaka ang pananggalang at panglunas natin laban dito.

Tayo, bilang mga kawani ng DSWD, bilang mga kasapi ng SWEAP, at bilang ordinaryong mga mamamayan ay dapat na maging kabahagi ng mga mamamayang nakikibaka at dumadaluyong para sa tunay na kapangyarihang bayan.

Social Welfare Employees’ Association of the Philippines (SWEAP) – DSWD
Miyembro, Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage)