Mga Babaeng Palaban

March 7, 2014

“Ang dilag na anak sa isip ay yakap
Nang dahil sa kanya pamilya’y namulat
Sa dusa ng bayan, laluna ang mahihirap”

– Concepcion Empeño

*           *           *

Si Concepcion ay walang iba kundi ang nanay ni Karen Empeño.

Sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, parehong estudyante ng University of the Philippines ay dinukot ng mga ahente ng militar noong June 26, 2006 sa Hagonoy, Bulacan. Hanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang dalawa.

May lumitaw na saksing nakapagsabing nakita niya mismong tinotortyur ang dalawa sa kampo ng 24th Infantry Battalion sa Limay, Bataan. Ayon sa salaysay niya sa korte, nakita mismo ng dalawang mata niya na nakapatong sa bangko ang ulo ni Sherlyn, at nakagapos ang dalawang paa niya, habang binubuhusan ng tubig ang kanyang ilong at tinutusok ng patpat ang kanyang ari. Samantala, si Karen naman ay nakahiga sa lapag at pinapaso ng sigarilyo ng mga sundalo ang buo niyang katawan.

Nakakulong na ang dalawang akusado, sina Col. Felipe Anotado at Staff Sgt. Edgar Osorio, samantalang ‘at large’ pa rin ang isang Master Sgt. Rizal Hilario. Kasama rin sa sinampahan ng kaso ang tinaguriang ‘Berdugo ng Mindoro’ na si Major General Jovito Palparan. Nakapag-retire na at lahat si Palparan, hanggang ngayon ay nagtatago pa rin ang hotangna.

*           *           *

“nagbabanta  pa rin si Palparan,  tumitindi ang pagpatay at pagdukot”

Pagbubulay-bulay ni Teresa Magbanua, Isang Gurong OFW, Nakahimpil Pansamantala sa Bansang Hapon, E. San Juan, Jr.

*           *           *

Si Teresa Magbanua, tinaguriang “Joan of Arc” ng Visayas, ay dating namuno sa mga tropang lumaban sa kolonyalismong Kastila at imperyalismong U.S. Naging miyembro siya ng sangay ng Katipunan sa Visayas na nakabase sa Panay.

*           *           *

“Dahil ‘di totoong nasa edad ang pagkamulat
At kahit kailan, ‘di batayan ang edad sa pakikibaka”

Ang Bata, Benjaline Hernandez

*           *           *

Walang halong kaechosan ang tula ni Beng (palayaw ni Benjaline Hernandez). Sa Pilipinas, libo-libo ang ipinapanganak araw-araw na may tali agad ng utang-panlabas sa kanilang leeg. Milyon-milyong kabataan ang napipilitang magtrabaho sa mga delikadong lugar.

*           *           *

May mga batang tulad ni Grecil Galacio. Siyam na taong gulang pa lang siya noong pagbabarilin ng 67th Infantry Battalion sa New Bataan, Compostela Valley noong 2007. Lumusot ang bala sa kanyang siko at pumasok ang isa sa kanyang bungo.

Isa raw siyang NPA combatant, ayon sa mga militar, at may bitbit na M16 A1 nang maipit sa engkwentro. Hindi pa nakuntento ang militar, pinatungan pa ng M16 ang bangkay ni Grecil at saka pinagkukunan ng litrato para gawing ebidensiya.

Isipin mo, isang siyam na taong gulang, kakagradweyt lang sa Grade 2, ni hindi nga niya mabuhat ang sarili niyang bag, paano ‘yun makakabitbit ng riple?

*           *           *

Tama si Beng. Hindi totoong nasa edad ang pagkamulat kung mula paggising mo hanggang sa pagtulog, nakangudngod sa mukha mo ang kahirapan at pasismo ng gobyerno at militar.

Tulad na lang ni Ervie Arevalo, labintatlong taong gulang, na naglalaro ng lutu-lutuan nang lusubin ng militar ang lugar nila sa Catanauan, Quezon. Isa na siya ngayong internal refugee o “bakwet”.

*           *           *

Sa una, matatakot ka tulad ni Ervie na natatakot na mangyari ulit ang nangyari sa kanilang lugar. “Takot ako sa mga sundalo,” sabi niya.

Pero darating ang panahon na matututo rin siyang lumaban.

*           *           *

“We must evolve
some more
we simply must don’t you see”

Documentary of a War, Ma. Lorena Barros

*           *           *

Abril 5, 2002, manananghalian na noon si Beng kasama ang apat na lumad sa Arakan Valley, North Cotabato nang paulanan ng bala ang kubong kanyang tinutuluyan.

Walang awang pinagbabaril sina Beng ng mga miyembro ng CAFGU at ng 7th Airborne Battalion ng 12th Special Forces Company ng  Philippine Army. May mga tama si Beng sa kanang dibdib at nabasag ang kanyang bungo.

*           *           *

Ayon kay Tinay Palabay, secretary general ng KARAPATAN, sa kanyang FB status noong ika-150 kaarawan ni Andres Bonifacio, mainam din na gunitain natin “ang mahalagang kontribusyon ng mga kababaihang rebolusyonaryo ng Katipunan – sila Gregoria de Jesus, Melchora Aquino, Gregoria Montoya, Henerala Agueda Kahabagan, Teresa Magbanua at napakaraming kababaihang sumuporta at lumahok sa armadong pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya ng ating Inang Bayan.”

Narito ang isang tulang lumabas noong Pebrero 17, 1899 sa underground paper na El Heraldo Filipino. Isang manipesto ang tula laban sa panggagahasa ng mga sundalong Amerikano sa kababaihang Pilipino.

Ito ay isang kolektibong tula nina Victoria Lactaw, Feliza Kahatol, Patricia Himagsik, Dolores Katindig, Felipa Kapuloan, at Victoria Mausig. Tinatayang alyas lang ang mga pangalan.

Hibik Namin

Halina at tayo’y
Manandatang lahat
itanghal ang dangal
nitong Filipinas.
Sa alinmang nacion
at huag ipayag
na mapagharian
tayong manga anak.

Ang pagsasarili’y
ating ipaglaban
hanggang may isa
pang sa ati’y may buhay
At dito’y wala na
silang pagharian
kung hindi ang
ating manga dugo’t bangkay.
Masakop man tayo
ng kanilang Yankis
ay mamatay rin sa mga pasakit
Mahalaga.y mamatay
sa pagtangkilik
Nang dapat igalang
na ating matowid.

Dahil sa ating
Santong Katowiran
ay atin ang lubos
na pagtatagumpay.
Ang awa nang langit
ay pagkaasahang
tutulong sa ating
nang pakikilaban.