Cha-cha at pagbenta ng soberanya

March 28, 2014

Kamara de Representantes, Plenary Hall ng Batasan Pambansa Complex, Quezon City. <strong>Wikimedia Commons</strong>

Kamara de Representantes, Plenary Hall ng Batasan Pambansa Complex, Quezon City. Wikimedia Commons

komentaryoSa paspasang pag-apruba ng Kamara sa resolusyon kaugnay ng charter change o Cha-cha noong unang linggo ng Marso, hindi ikinaila ng mga nagsusulong nito na “probisyong pang-ekonomiya” lamang ang gagalawin ng Kongreso.

Hayagang pangmamaliit sa soberanya ng bansa ang ipinangangalandakan ng mga promotor ng Cha-cha. Pinakatampok kasi sa isinusulong nito ang 100% pagmamay-ari ng dayuhang kompanya sa negosyo at lupain sa Pilipinas.

Sa hayag, tinutulan ni Pangulong Aquino ang pag-amyenda sa Konstitusyon. Nangako pa si Espiker Sonny Belmonte na hindi gagalawin ang pulitikal na probisyon sa Konstitusyon para mapaniwala ang taumbayan na walang balak si Aquino na pahabain ang kanyang termino.

Pero isa itong panlilinlang o paglihis sa tunay na isyu.

Bagamat sinasabi ni Aquino na tutol siya sa pag-amyenda ng Saligang Batas, ang pagbabago sa probisyong pang-ekonomiya nito ay sang-ayon sa neoliberal na polisiya ng administrasyon na pangunahing itinutulak ng gobyerno ng US sa malakolonyang mga bansa nito tulad ng Pilipinas.

Soberanya ng bansa ang nakataya sa usaping ito. Pero kung tratuhin ng Kamara ay tila isang maliit na tipak lamang ng usapin. Balak alisin ng mga nagsusulong ng Cha-cha ang makabayang mga probisyon sa Konstitusyon ng Pilipinas para sa dayuhang pamumuhunan.

Kung matutuloy ito, ano ang mangyayari?

Isang magandang halimbawa ang pagkakapasa ng Mining Act of 1995 na 19 na taon nang umiiral ngayong taon.

Niliberalisa ng naturang batas ang pagmimina sa bansa. Halimbawa, ang garantiya sa pamumuhunan ng mga dayuhan at kanilang karapatan na sumuway sa mga regulasyon ng pagmimina sa bansa. Binigyan nito ng opsiyon ang multinasyunal at transnasyunal na mga korporasyon para mag-ari ng 100 porsiyento ng mina kapalit ang limos na buwis sa gobyerno.

Hinahayaan ng batas na ito ang dayuhang mga kompanya na magmina sa loob ng 50 taon sa libu-llibong ektaryang lupain ng bansa. May karapatan din ang dayuhang mga kompanya na iuwi sa kanilang sariling bansa ang tubo mula sa mga minang ito. Bukod pa ang tax holidays na tinatamasa nila. (Habang ang karaniwang mamamayan ay hinahabol kapag hindi nagbayad ng buwis).

Ang kapalit nito, pagkawasak ng likas na yaman at pagyurak sa pambansang soberanya. Ang kapalit nito ay karapatan ng mga mamamayan sa pampublikong lupain at serbisyong panlipunan. Hindi na kaila ang pagkalason ng mga katubigan na dating pinakikinabangan ng mga tao, subalit nalason ng mga duming nagmumula sa mga minahan. Hindi kaila ang pagkaubos ng kagubatan para mapagminahan ng mga dayuhan.

Hindi rin kaila ang paglapastangan sa karapatan ng katutubong mga mamamayan sa kanilang lupaing ninuno o ang kaparatan ng mga magsasaka na bungkalin ang lupa para mabuhay. Kung tumutol sila, ginarantiya rin ng Mining Act of 1995 ang karapatan ng mga kompanya na maglagay ng militar at paramilitar na puwersa para protektahan ang kanilang mina.

Ito’y sa industriya pa lamang ng pagmimina; sa panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon, kasama sa mga aritkulong nais na baguhin ang may kaugnayan sa edukasyon, siyensiya, teknolohiya, sining, kultura at isports at pangkalahatang probisyon. Ano pa ang matitira sa taumbayan?

Nang niliberalisa ang industriya ng langis, kuryente, tubig, edukasyon, transportasyon, ospital at iba pang batayang serbisyo, ang resulta nito ay pagtaas ng mga presyo na ibayong nagpahirap at nagpapahirap pa hanggang ngayon sa mga mamamayan.

Tandaang ito rin ang mga bagay na nililiberalisa ni Pangulong Aquino sa neoliberal na polisiya. Ngayon, ano itong pagpopostura ng  pangulo na tutol daw siya sa pag-aamyenda ng Konstitusyon?