Bukas na Liham sa Mamamayan

March 31, 2014

Imahe mula sa People Surge FB

Imahe mula sa People Surge FB

Kami po ay mula sa People Surge, isang alyansa para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Mula po kami sa iba’t-ibang probinsya ng Eastern Visayas at nagpasyang lumuwas ng Maynila para mangalampag ng suporta sa gobyerno. Nitong Enero 25, mahigit 12,000 biktima ang nagrali sa lansangan ng Tacloban. Ngunit hindi pa rin kami pinakinggan.Kaya pumunta na kami sa Maynila dala ang aming mga hinaing at kahilingan. Nitong Pebrero 17, sa ika-100 araw ng Yolanda, pumunta kami sa Malacanang para isumite ang petisyon na pinirmahan ng 17,585 biktima, para sa mga sumusunod:

• Ibigay ang P40,000 cash relief para sa bawat pamilyang nasalanta. Nakalaan ito sa dalawang buwang gastusin para sa batayang pangangailangan ng isang pamilya upang mabuhay tulad ng pagkain, pamasahe at araw-araw na pangangailangan;

• Ibasura ang patakarang “No Build Zone” na nagpapalayas sa amin sa aming mga kabahayan at kabuhayan; at

• Ipagpatuloy ang relief laluna sa mga liblib na lugar hanggang sa panahong relatibong istable ang aming kalagayan.

Tatlong lider lang po namin ang pinapasok matapos ang matagal na paghihintay sa labas ng gate ng Malacanang. Subalit hindi rin kami hinarap ni Pres. Noynoy Aquino. Nabalitaan na lang namin ng sumunod na araw na tinanggihan na niya ang aming mga kahilingan. Tinawag pa niya kaming tamad at palaasa sa abuloy. Sa buong buhay namin, banat ang aming buto sa pagtatrabaho. Marami sa amin ay mga magsasaka na lumilikha ng yaman at pagkain ng bansa. Nabubuhay kaming may dignidad sa sarili at sa aming trabaho.

Sinubukan pa rin naming puntahan si Sec. Dinky Soliman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Pero nais lang niya na pumirma kami sa isang kasulatan na kuntento na kami sa relief gn DSWD. Ititigil na rin daw ang relief sa mga pamilyang kaya nang tumayo sa sarili.

Paano po nila matitiyak na makatatayo kami sa sariling mga paa kung wala namang matinong programa ng trabaho at kabuhayan para sa amin? Panandalian ang remedyong tulad ng “cash for work program” at “conditional cash transfers.” Karamihan pa sa mga nasalanta ay hindi naman miyembro ng ganitong programa at sangkatutak ang rekisitos para maging miyembro.

Nais naming maka-alpas na sa relief. Hindi kami mga pulubi, kami ay nasalanta. Pero hanggang ngayon walang oportunidad na ibinibigay para magkaroon ng istable, permanente at disenteng trabaho at kabuhayan.

Maaasahan ba namin ang programang rehabilitasyon ng gobyernong Aquino na pinangungunahan ni Sec. Panfilo Lacson? Kayo po ang humusga. Ginawa po ito nang walang konsultasyon sa mamamayan. Mas malala pinaghati-hatian na ang aming lugar ng malalaking negosyanteng malapit kay Pres. Aquino tulad nila Manny Pangilinan, Henry Sy, Lucio Tan, Aboitiz at iba pa. Sa imprastruktura inilalaan ang rehabilitasyon gayong 80% ng mamamayan sa Eastern Visayas ay nakaasa sa agrikultura.

Samantala, ang mga ayaw umalis sa kanilang lugar na idineklarang “No Build Zone” ay hindi kakabitan ng tubig at kuryente. Kaligtasan lang daw namin ang habol ng gobyerno kaya may “No Build Zone”. Pero bakit pwedeng magtayo ng negosyo ang malalaking kapitalista at dayuhan sa mga lugar na mismong kinamatayan ng aming mga mahal sa buhay? Bakit patuloy ang malakihang pagmimina at logging sa mga liblib na lugar na dinaanan ng Yolanda?

Habang nananawagan kami ng patuloy na relief ay patuloy ding itinatapon sa basurahan ang mga nabulok na relief goods. Unang buwan pa lamang matapos ang Yolanda ganito na ang kalakaran ng pamahalaan, pagtatapon hindi lamang sa garbage sites kundi sa karagatan ng Ormoc City. Gayundin, ang mga nabulok na bigas na hindi naibigay sa mga nasalanta ng bagyong Pablo sa Mindanao ay ipinamahagi na rin sa mga nasalanta ng Yolanda. At habang nagtuturuan ang mga ahensya ng gobyerno kasabay naman nilang ikinakalat na walang matatanggap na relief ang sumasali sa mga kilos protesta.

Tinatanggihan po ng gobyernong Aquino ang cash relief na hiling namin. Pero nasaan ang bilyon-bilyong pisong donasyon mula sa mga bansa na pinadaan sa gobyernong Aquino? May pondo rin na pambili ng bilyong pisong Jet fighter plane at pantustos sa militar na naghahasik ng lagim sa mga nasalantang lugar. Kamakailan, aming napag-alaman na ipinagtatanong na ng mga sundalo ng AFP kung nasaan at sinu-sino ang mga lider at pumirma sa petisyon ng People Surge sa Malacanang.

Kalunus-lunos po ang pinsalang idinulot ng bagyong Yolanda, pero mas kagimbal-gimbal ang kainutilan at kapabayaan ng gobyernong Aquino. Libo-libong mamamayan ang nangamatay dulot ng kapabayaang ito. Nakaligtas man kami sa pinsalang dulot ng bagyong Yolanda, pero hindi kami ligtas sa kahirapan at kagutumang bunga ng kapabayaang ito. Nananawagan kami ng hustisya sa kriminal na kapabayaan ng gobyernong Aquino.

Nag-“sorry” si Pres. Aquino sa kabagalan ng kanyang pagresponde sa Yolanda. Pero hindi po nito mabubura ang pananagutan niya sa mamamayan, kasama na ang pagtalikod niya sa mga kahilingan ng mga nasalanta ng Yolanda.

Dumudulog na kami sa ating mamamayan. Nais po naming hingin ang inyong suporta na tulungan kaming kalampagin ang Malacanang at iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan para tugunan ang aming mga kahilingan. Hindi po namin kakayanin ito nang kami lamang. Pero kung mas marami tayo, nagkakaisa at determinado, tulad ng pagtugon ninyo at pagtulong sa mga nasalanta ng Yolanda simula pa noong Nobyembre, makakayanan po natin ang mga unos sa ating buhay.

Maaari niyo pong gawin ang alinman sa sumusunod:1. Sumulat at/o ipaabot sa mga sumusunod na ahensya ng gobyerno na tugunan ang mga kahilingan ng mga nasalanta ng Yolanda:
a. Sec. Corazon “Dinky” Soliman, Department of Social Welfare and Development (DSWD)
b. Sec. Panfilo Lacson, Office of the Presidential Assistance on Rehabilitation and Recovery (OPARR)
c. Sec. Carlos Jericho Petilla, Department of Energy (DOE)
d. Sec. Manuel Roxas, Department of Interior and Local Government (DILG)
e. Pres. Benigno Simeon “Noynoy” Aquino

2. Ipaalam ang inyong pakikiisa sa People Surge sa pamamagitan ng radio, TV, diaryo, text, at social media.

3. Sumali sa kampanyang “black ribbon para sa hustisya.” Tingnan at maging miyembro ng People Surge. Bisitahin ang www.peoplesurge.org . I-Like at i-Share ang www.facebook.com/PeopleSurge .

4. Pumirma, at magpapirma, sa aming manipesto ng suporta para sa mga biktima ng kapabayaan ng gobyernong Aquino.

5. Sumali sa “Global Day of Protest sa Abril 8.” Mag-upload ng inyong larawan na nananawagan ng hustisya at/o naniningil sa gobyernong Aquino kung nasaan na ang tulong/donasyon sa mga nasalanta ng Yolanda. Ipalaganap ang panawagang ito sa inyong mga kamag-anak, kaibigan at kakilala sa iba’t ibang panig ng mundo.

6. Lumahok at/o sumuporta sa kilos protesta sa Abril 8, 2014, ala-una ng hapon, sa Plaza Miranda patungong Mendiola. Ang Abril 8 ay ikalimang buwan ng Yolanda. Magsuot ng putting damit at black arm band.

Mamahalagahin po naming ang anumang suporta na maibabahagi ninyo.

Maraming salamat po!

Para sa pagkamit ng hustisya at karapatan,

Sr. Edita Eslopor, OSB
Chairperson, People Surge Alliance for Yolanda (Haiyan) Survivors