Anibersaryo ng pagsadsad ng barkong US sa Tubbataha minarkahan ng protesta

January 20, 2014

USS Guardian sa Tubbataha Reef.

USS Guardian sa Tubbataha Reef.

Nagprotesta sa harapan ng emabahada ng US ang mga aktibistang pangkalikasan mula sa Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) noong Enero 17 para kondenahin ang kawalan ng aksiyon ng mga gobyerno ng Pilipinas at US sa paghabol sa kompensasyon sa nawasak na bahura sa Tubbataha Reef Natural Park isang taon na ang nakalilipas.

Matatandaang sumadsad sa naturang lugar ang USS Guardian noong nakaraang taon na nagdulot ng pagkawasak ng malaking bahagi nito. Dahil dito ay pinagmulta ang US ng PHP58-milyon bilang kompensasyon, na hanggang ngayon ay hindi pa nababayaran.

Ayon kay Clemente Bautista, pambansang tagapag-ugnay ng Kalikasan-PNE, kailangang may managot sa mga gobyerno ng Pilipinas at US dahil sa kawalan ng aksiyon para mabayaran ang pinsala sa Tubbataha.

“Kinokondena namin ang kapabayaan at pananahimik ni US Ambassador Philip Goldberg sa pagbabayad ng kanilang utang sa pagkawasak sa Tubbataha Reef,” ani Bautista.

Nanawagan din ang grupo sa pagbibitiw sa puwesto ni Foreign Affairs secretary Albert del Rosario, hindi lamang sa kapabayaan nito sa paghabol sa kompensasyon, kundi gayundin sa pagdepensa sa malalalang krimeng pangkalikasan ng tropang Amerikano sa bansa.

Sa gitna ng malinaw na mga paglabag sa domestiko at internasyunal na batas na nag-oobliga sa US na magbayad, inuulit lamang ni Sec. Del Rosario ang palusot ng US na hindi sila magbabayad dahil sa nakasampang aksiyong legal sa pagsadsad sa Tubbataha, pahayag ng grupo.

Kasama  ng iba pang grupo , nagsampa ang Kalikasan-PNE ng ikatlong mosyon sa Korte Suprema para pagbayarin ang gobyernong US at maglabas ng Temporary Environmental Protection Order (TEPO) sa ehersisyong militar ng US sa Pilipinas, dahil sa kawalan ng malinaw na gabay pangkalikasan sa gawain ng US sa teritoryo ng bansa.

Binaggit sa naturang petisyon ang mga batas kabilang ang Rio and Stockholm Declarations at Polluter Pays Principle, na legal na nag-uutos sa gobyernong US na bayaran ang nagawa nilang pinsala sa Tubbataha Reef. Hindi pa rin napapanagot ang tropang US sa kanilang nagawa dahil hindi sila saklaw ng lokal na mga batas pangkalikasan sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA).

Hindi lang sa Pinas

Sa pananaliksik ng Kalikasan-PNE kaugnay ng rekod ng US sa operasyong militar nito sa rehiyong Asya-Pasipiko, lumabas na hindi lamang ang pagsadsad sa Tubbtaha Reef ang kinasangkutan nitong krimeng pangkalikasan.

“May maruming rekord ang tropang US sa Asya-Pasipiko, na nagdudulot ng panganib sa kalikasan o direktang nagdudulot ng pagkawask at polusyon sa nakaraang siglo sa mga isla sa Pasiko, Australia, Japan, South Korea at maging sa kanilang sariling baybayin,” sabi ni Bautista.

Nagbabala ang Kalikasan-PNE na maaari pang lumala ang matinding epekto sa kalikasan sa Pilipinas at iba pang bansa sa Asya-Pasipiko dahil sa istratehikong pagpihit ng US ng 60% ng tropa nito, na kalakha’y puwersang pandagat sa rehiyon na makikita sa dokumentong 2012 US Department of Defense na pinirmahan ni Pres. Barack Obama.

Nagpahayag ng pagkadismaya ang grupo kay Pangulong Aquino sa pagdepensa nito sa nilulutong negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at US hinggil sa paglaki ng presensiya ng tropang Amerikano sa Pilipinas, gayundin sa paulit-ulit nitong pagsasabi na rerebisahin ang VFA at iba pang hindi pantay na kasunduan sa isang banda, habang minamadali ang mga polisiyang nagsusulong sa militarisasyon ng karagatan ng bansa sa kabilang banda.

“Ang pag-iiwan ng lason ng tropang US sa bansa ay sapat na batayan na para tanggihan ang lumalaking interbensiyong militar ng US,” ani Bautsita.

Sa kabila ng hindi pagbabayad ng US sa insidente sa Tubbataha, patuloy pa rin ang US sa mapangwasak na adyendang militar tulad na lamang ng planong base sa Oyster Bay sa Palawan, dagdag ni Bautista.

Pagprotekta sa kalikasan, soberanya ng Pinas

Iginiit ng grupo na walang legal na batayan ang mga gobyerno ng US at Pilipinas para mabalam ang kompensasyon at katarungan para sa pagkawask ng kalikasan sa Tubbataha.

Inobliga rin ng Kalikasan-PNE si Pangulong Aquino na aksiyunan ang ilang posibleng solusyon sa epekto ng tropang US sa kalikasan, kabilang ang pagbubuo ng gabay-pangkalikasan sa tropang US, at pagpapatigil ng ehersisyong militar ng US hanggang maipatupad ang gabay at hanggang mawakasan ang mga di patas na pakikipagkasundo sa US.