Sumpa ng Kawayan*


ni Joi Barrios-Leblanc   Matibay ang kawayan. Iyan ang sumpa. Hayaang ipaghampas-hampasan ng unos, lumangoy at magpaanod sa baha. Pigilin ang hininga at baka malanghap ang bangkay na naaagnas. Tiisin ang gutom ng sikmura na kahit sa papuri, ay hungkag na hungkag.   Kalimutan natin ang kasakiman na sa kabundukan ay nagpapatag, at nagbabago sa […]

ni Joi Barrios-Leblanc

 

Matibay ang kawayan.

Iyan ang sumpa.

Hayaang ipaghampas-hampasan

ng unos,

lumangoy at magpaanod

sa baha.

Pigilin ang hininga

at baka malanghap

ang bangkay na naaagnas.

Tiisin ang gutom ng sikmura

na kahit sa papuri,

ay hungkag na hungkag.

 

Kalimutan natin ang kasakiman

na sa kabundukan

ay nagpapatag,

at nagbabago sa daloy

ng hangin at dagat.

Kalimutan ang pangulo

na mainit ang ulo

at sa sariling pulong

walang pakundangang lumalabas.

Kalimutan ang ayuda

na higit na bumabagal,

sa ating paghihintay.

 

Yumuyuko at umiindayog

sa hangin ang kawayan.

Ngunit kami ay tao, tao lamang,

Balat at dugo, luha at buto.

Ipagpaumanhin ang galit

at pusong nagpupuyos.

Naghahanap kami ng katarungan

sa gitna ng dalamhati’t pagluluksa,

sa aming di matapos-tapos

na dalamhati’t pagluluksa.

 

Si Joi Barrios – Leblanc ay kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Women’s Desk. 

*Author’s Note: Nakabatay ang tulang ito sa tekstong “Resilience is a Dirty Word” na  sinulat ni Soleil David.