Pakikiisa sa pag-aalsa

September 9, 2013

Jane Fonda sa North Vietnam, 1972 (Mula sa "Letter to Jane" ng Dziga Vertov Group)

Jane Fonda sa North Vietnam, 1972 (Mula sa “Letter to Jane” ng Dziga Vertov Group)

Magulo ang buhok, kaharap ang isang Biyetnames na nakasumbrerong pangmilitar sa North Vietnam. Iyan ang tanyag na artistang Amerikano na si Jane Fonda, noong 1972. Hindi makikita ang mukha ng kanyang kausap, pero makikita sa mata ni Fonda ang malapit na pakikinig, pakikiisa, pagmamalasakit.

Nasa gitna ng giyerang agresyon ng militar ng US ang bansang Vietnam noon. Sa North Vietnam, bahagi ng bansa na malaya sa direktang kontrol ng US at kontra sa papet na gobyerno ng South Vietnam, madalas ang pagbomba ng mga eroplanong pandigma ng Amerika. Bahagi si Fonda noon ng delegasyon ng mga Amerikano na nagnais alamin ang kalagayan ng mga Biyetnames na halos araw-araw na sinasalanta ng mga bomba ng US.

Noong taong iyon, 1972, naibalita ang plano diumano ng gobyerno ni Richard M. Nixon na bombahin ang mga dike at dam sa North Vietnam na kumokontrol sa Red River. Kung wala ang mga dike at dam na ito, babahain ang mga palayan ng lugar at magdudulot ito ng malawakang kagutuman sa mga North Vietnamese. Isa si Fonda sa mga nagsiwalat (nauna nang isiniwalat ng whistleblower na si Daniel Ellsberg ang hinggil sa naturang plano ni Nixon) sa naturang plano. Tumungo siya sa North Vietnam para ihayag ang pakikiisa sa mga North Vietnamese.

Larawan ni Fonda sa tabi ng anti-aircraft gun sa North Vietnam, 1972

Larawan ni Fonda sa tabi ng anti-aircraft gun sa North Vietnam, 1972

Inikot nina Fonda ang North Vietnam. Nakipag-usap sa mga opisyal, mga sundalo, mga lider-Komunista, mga magsasaka. Pati mga Amerikanong prisoner of war , o POW, nakausap niya. Sa isang event na naging tanyag sa midya sa US, nakikikanta ng kontra-giyerang awitin si Fonda sa mga batang Biyetnames habang (sabi niya, di sinasadyang) napaupo sa tabi ng isang anti-aircraft weapon. Nang kumalat sa Amerika ang larawan, matindi ang reaksiyon ng mga sundalong Amerikano at maka-Kanan: traydor umano ni Fonda sa pagpapakuha ng larawan sa anti-aircraft weapon na nagpapabagsak sa mga eroplano ng Amerika at pumapatay sa mga kapwa niyang Amerikano.

Mula nang makauwi siya sa Amerika hanggang ngayon, paulit-ulit ang paghingi ni Fonda ng dispensa sa naturang larawan. Amerika umano ang nagkanlong sa kanya, nagbigay ng yaman at katanyagan, at hindi niya maiisip na saktan ang mga kapwa-Amerikano, kahit mga sundalo nito. Pero hindi siya humihingi ng dispensa sa pagpunta sa North Vietnam, o lalo na sa paglaban niya sa Vietnam War.

Sa hanay ng mga progresibo at Kaliwa, binatikos din si Fonda. Ang larawan sa itaas, naging sabdyek ng isang 50-minutong dokumentaryo ng Dziga Vertov Group, isang film collective na kinakatawan noon ng tanyag na French filmmaker na si Jean-Luc Godard, kasama si Jean-Pierre Gorin. Sa dokumentaryo, sinabi ng dalawa na tila kulang ang pagiging rebolusyonaryo ni Fonda. Mistulang punto nila, hindi pa lubusang nakiisa si Fonda sa rebolusyong nagaganap noon sa Vietnam. Nagsalita pa rin siya bilang isang Amerikano, hindi bilang isang progresibo o rebolusyonaryo na hangad ang paglaya ng sambayanan mula sa pagsasamantala ng iilan.

May punto naman ang dalawang Pranses. Pero maaari ring gamitin ang argumentong ito laban sa kanila: Nakilahok ba sila sa armadong paglaban ng mga Biyetnames laban sa mananakop na mga Amerikano? Masasabing mas radikal at progresibo ang naging tindig ng mga tulad nila noon, pero may limitasyon din ang paglahok nila, ang solidarity sa rebolusyon, ang pagtulak ng radikal na pagbabago sa pamamagitan (lamang) ng pelikula.

Kinilatis ng Dziga Vertov Group ang larawan sa itaas ni Fonda, pero ang mismong pagkilatis nila ay nagpapakita ng limitasyon ng kanilang paglahok. Nananatiling esoteriko (iilan lang ang makakaintindi) ang kanilang diskurso, at kahit ang porma ng kanilang pelikula, iilan lang ang matutuwa/makakasabay.

Dito, marahil, mapupulot ang leksiyon sa pakikipagkaisa: Malinaw na may hangganan ang pakikipagsimpatya, kahit ang pakikisalamuha sa mga inaapi sa maikling panahon. Pag-uwi ng mga tulad ni Fonda (o ng mga tanyag na tao, katulad ng artista, na pana-panahong nakikiisa sa mga pakikibakang masa) sa kanyang tahanan, madali niyang makakalimutan ang nasaksihan. Tulad ni Patty Hearst na natangay ng ultra-Kaliwa at -radikal na kidnapper niya, madaling bumalik sa kumportableng buhay ang mga tulad ni Fonda. Ang tungkulin ng mga progresibo (na nakakausap at nakakadikit sa mga tulad ni Fonda) na patuloy na magpaliwanag, mangumbida, itulak siyang palalimin ang kaalaman sa reyalidad ng pagsasamantala sa lipunan. At kung magpapatuloy at magpapalalim ng pakikisangkot, tungkulin din ng mga progresibo na papurihan si Fonda.

Sa larawan sa itaas, makikita ang posibilidad ng pakikiisa at pakikipagkapwa. Pupuwede naman palang makipagkaisa ng isang bahagi ng elite, ng isang artistang Hollywood, sa pinakamahirap, inaapi at pinagsasamantalahan sa mundo. Gayunman, makikita sa larawan ang pagkakaiba nila: magulo man ang buhok ni Jane Fonda, artista pa rin siya, maputi ang kutis, malinaw na nagmula sa elite.

Mag-iiba ang kaso kung tumagal siya sa Vietnam. Iitim ang balat niya, matututong magsalita ng Biyetnames. At mabubuo ang transpormasyon mula sa glamorosang artista tungo sa pagiging rebolusyonaryo.

 

Panoorin ang “Letter to Jane” ng Dziga Vertov Group:

Bidyo sa YouTube ng isang panayam kay Jane Fonda noong 1972 hinggil sa Vietnam War at paglaban ng mga mamamayang Amerikano rito: