Surfacing

Mon Mamaril | Bakas


Isinilang at lumaki sa Kalye Ilang-Ilang sa Pandacan, Maynila si Lydia Laborera de Castro — sa isang payak na bahay na magiging tahanan sa kanyang pamilya at kanlungan ng mga aktibista ng kanilang panahon. Dito nagsasagawa noon ng mga pagpupulong ang kanyang asawang si Saulo de Castro noong unang bahagi ng dekada ‘80, para sa […]

Mon Mamaril | Lydia de Castro

Isinilang at lumaki sa Kalye Ilang-Ilang sa Pandacan, Maynila si Lydia Laborera de Castro — sa isang payak na bahay na magiging tahanan sa kanyang pamilya at kanlungan ng mga aktibista ng kanilang panahon. Dito nagsasagawa noon ng mga pagpupulong ang kanyang asawang si Saulo de Castro noong unang bahagi ng dekada ‘80, para sa Kilusang May Uno.

Kalagitnaan ng dekadang iyon, naging aktibo na rin sa kilusan si Lydia. Habang tumatagal, naramdaman nilang nagiging kumplikado ang kanilang pamumuhay. Panahon ng maraming disoryentasyon. Kaya noong 1988, lumipat ang kanilang pamilya sa Bicol, sa tahanang napag-ipunan ng isa sa kanilang mga anak na nagtrabaho sa ibang bansa.

Dahil kinakailangan pa ring kumita, si Saulo’y naglalako ng sigarilyo sa umaga, at balut naman sa gabi. Si Lydia naman, naiiwan lamang sa bahay. Noong umaga ng ika-6 ng Oktubre 1988, inihatid  ni Saulo ang isa sa mga anak sa paaralan. Matapos mag-uwi ng ulam, tumungo siya sa isang kapatid sa kalapit na baryong Iyam. Hindi na siya nakauwi mula noon. May mga nagsabing dinukot siya ng apat na armadong lalaki lulan ng isang owner-type jeep.

Nagmistulang bangungot ang mga sumunod na linggopara kay Lydia; tila nakakarinig siya ng mga yabag at putok ng baril sa kalagitnaan ng gabi. Naramdaman niyang hindi na sila ligtas. Dala ng pagod dulot ng paghahanap at pag-iisip, pinili niyang bumalik sa Pandacan.

Lumipas ang mga taon at ang epekto ng pagkawala ni Saulo’y ramdam pa rin hindi lamang ni Lydia kundi ng buong pamilya De Castro. Hanggang ngayon, tila bumibisita pa rin ang espiritu ng ama sa isa sa mga anak at madalas niya itong sinasapian. Si Lydia naman, dumudukot na lamang ng lakas sa kanyang pananampalataya sa Diyos at mga kaibigan. Binuo niya ang Dekada ’80, isang maliit samahan ng mga dating aktibista at mga kaanak ng desaparecidos.

Ngayong higit animnapu’t apat na taon na si Lydia, sinasabi niyang tanggap na niya ang nangyari sa kaniyang asawa. Aniya’y wala siyang hinihinging anumang tulong. Bagkus, ang kailangan ng mga tulad niyang naiwan ay mga tanging makikinig at malawak na pag-intindi sa kanilang mga pinagdaanan.

Sa ngayo’y halos wala na ring bakas si Saulo sa kanilang tahanan. Ang bawat pagtungo nila noon sa iba’t ibang presinto upang maghanap ay bumabawas sa iilang lawarang mayroon siya. Ang mga ito’y isa-isang nawala, hanggang sa  mistulang pangalan at alaala na lamang niya ang naiwan.