Komentaryo

Uhaw

“Tubig kayo d’yan! Tubig, sampung piso lang! Tubig!” Nakakauhaw noong araw na ‘yon. Nagkaroon ng kahulugan ang salitang “pagkakaisa” sa akin noong Mayo Uno–pagkakaisang masasabi kong totoo, tunay at hindi lamang palabas. Marahil, ang iba’y sumasang-ayon dito at ang iba nama’y hindi. Pero sa oras na naitapak mo na ang mga paa mo at ginugol […]

komentaryo“Tubig kayo d’yan! Tubig, sampung piso lang! Tubig!” Nakakauhaw noong araw na ‘yon.

Nagkaroon ng kahulugan ang salitang “pagkakaisa” sa akin noong Mayo Uno–pagkakaisang masasabi kong totoo, tunay at hindi lamang palabas. Marahil, ang iba’y sumasang-ayon dito at ang iba nama’y hindi. Pero sa oras na naitapak mo na ang mga paa mo at ginugol mo ang buong araw mo sa pakikinig at pag-intindi sa bawat hinaing, marahil mapapaisip ka at masasabi mo: “Kung ang ibang taong nakakaangat, nasasabing mahirap ang buhay sa Pilipinas, paano pa kaya ang mga manggagawang salat sa buhay at hindi alam kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na kinikita sa loob ng isang araw?”

Nang araw na iyon, bawat pagsigaw, pagwagayway ng bandila, pagpatak ng pawis, pagsakit ng mga binti ay nagkaroon ng silbi. Katulad ng aking sinabi, ang bawat isang manggagawa ay nagkaisa. Hindi biro ang lumakad sa ilalim ng araw na mistulang mga itlog na piniprito sa tindi ng sikat nito at buga ng init. Pero hindi ito ininda ng bawat taong nakilahok sa rali. Hindi ito ininda, dahil sa aking pagkakaintindi, may iisa silang layunin. At hindi ito layuning makasarili. Kung iisipin, layunin itong masasabing tama lang.

Naging saksi ako sa hirap at tapang ng bawat taong nandoon upang bigyang pansin at iparating ang problema ng bawat isa. Sinimulan ng mainit na pagsuporta ng iba’t ibang organisasyon ng manggagawa at simbahan ang selebrasyon ng Labor Day o Araw ng Paggawa. Pagkatapos, nagkaroon ng Solidarity Lunch sa tapat ng Quiapo Church, matapos ang misang pinangunahan ni Cardinal Tagle na alay sa mga manggagawa. Matapos ito ay isa-isa nang nagdatingan ang mga manggagawa mula sa iba’t ibang lugar para magmartsa patungong Liwasang Bonifacio. Sa lugar na ito naganap ang isang programa. Kinahapunan, tinahak nila ang kahabaan ng Maynila papuntang Mendiola.

Nakapanayam ko noong araw na iyon si Joms Salvador, ang secretary-general ng Gabriela. Ang sabi niya, sa panahon ngayon na patuloy ang kahirapan at patuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin, saan kukunin ng mga manggagawa, lalo na ang maliliit na manggagawa ang pantustos sa araw-araw kung hindi sapat ang suweldong naibibigay? Ang presyo ng bilihin ay pataas nang pataas. Kailan kaya tataas ang suweldong tinatanggap? Sa isip ko, naglalaro ang mga katagang “Oo nga.”

Oo, naging mahaba, matagal at nakakapagod ang araw na iyon. Pero kung iisipin, mahaba, matagal at nakakapagod na rin ang paghihintay ng mga manggagawa para sa hinihinging kaunting pagtaas ng sahod. Sa kabila nito’y patuloy pa rin silang lumalaban. Marahil ang iba, sasabihing ano kaya ang mapapala nila sa ginagawa nila. Pero hindi rin. Paano kung ito na lang ang magagawa nila, ang iparating ang boses ng bawat isang mamamayan na patuloy ang pagkayod sa kabila ng hindi sapat na sahod?

Nakakauhaw ang araw na iyon sa sobrang tindi ng sikat ng araw, at sa pagod na mararamdaman mo sa maghapong pagtayo at paglakad. Siguradong kumita ang mga nagtitinda ng inumin. Pero sa kabilang banda, naparating kaya ng mga manggagawa ang kanilang mensahe, may nakadama kaya ng uhaw na matagal na nilang nararamdaman?

Si Christine Kaye P. Javier, na intern ngayong summer sa Pinoy Weekly, ay estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas sa Baguio City.