Kredibilidad ng eleksiyong 2013, kuwestiyonable?

May 14, 2013

Sira-sirang PCOS machines. Mahahabang pila. Nawawalang pangalan sa opisyal na listahan ng botante. Nawawalang signal. Mali-maling quick counts.

Ito ang naging eksena ng eleksiyon kahapon, Mayo 13. Hindi pa kasama rito ang mga insidente ng pandarahas, panggigipit, at iba pang iregularidad, mula sa botohan hanggang sa pagsasara ng botohan, pagpapadala ng resulta ng boto sa presinto hanggang sa canvassing ng  Commission on Elections (Comelec) sa lokal at pambansang antas.

Sa ilang nasaklawang mga lugar sa Metro Manila at karatig na bayan, nasaksihan ng istap at mga volunteer ng Pinoy Weekly ang mga problemang ito. Sa Twitter feed mula sa hashtag na #PWvote2013, naiulat din natin ang pagmonitor ng independiyenteng election watchdogs tulad Automated Election System Watch (@AESWatch_PH), Kontra Daya (@kontradaya) at National Movement for Free Elections (@Namfrel), gayundin ang ulat ng iba pang miyembro ng alternative media tulad ng Bulatlat.com, Tudla, Kodao, Davao Today, at iba pa.

Mga palpak na PCOS machines, "napakaliit na bilang" lang daw, sabi ng Comelec? (Macky Macaspac)

Mga palpak na PCOS machines, “napakaliit na bilang” lang daw, sabi ng Comelec? (Macky Macaspac)

Pumasok rin mula rin sa mga probinsiya ang mga ulat ng independiyenteng mga grupo na nagbabantay sa halalan. Sa pamamagitan ng mga ulat na ito naipakita ang hitsura ng halalan na batbat ng iregularidad at problema.

Mahigit isang oras matapos magsara ng botohan, inanunsiyo ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), opisyal na citizen arm ng Comelec sa halalan, ang partial and unofficial results mula sa 1,418 presinto. Sa resultang ito, nakita na mahigit 14 milyon ang nakuhang boto ng kandidato sa pagkasenador may pinakamataas na boto, si Grace Poe.

Agad ang reaksiyon ng election watchdogs, na tinukoy ang statistical improbability ng pagkakaroon ng mahigit 14 milyong boto.

(T)he PPCRV-KBP transparency server flashed on national television a numerically improbable total of around 10 million votes for the top senatorial spot while reporting only a total of 1,418 precincts. The error is significant, as a maximum of 1,000 voters per precinct should only yield a total of around 1,418,000 maximum votes,” pahayag ng Kontra Daya.

Binawi ng PPCRV ang naturang bilang, at sinabing may formatting error lang daw umano, at naayos na nila ang naturang problema. Iniulat ng Kontra Daya na inayos din agad ng Smartmatic ang source code sa bahagi nila bilang tugon sa paglabas ng napakalaking boto na di makatotohanan.

Nang i-adjust ang boto; humigit-kumulang 4.8 milyong boto na ang nakuha ni Poe matapos ang adjustment. Pero hindi rin sapat na ipinaliwanag ng PPCRV kung paano nakuha ang figure na ito.

Matatandaang nangyari na rin ito noong eleksiyong 2010, nang umabot sa isang punto na umabot sa 153 milyon ang total registered voters sa canvassing server — na mahigit pa sa populasyon ng Pilipinas noon. Mabilis umanong inayos ng Smartmatic ang source code.

Kahina-hinala para sa Kontra Daya ang biglang pag-aayos ng Smartmatic sa source code na ginagamit sa pagbilang at pagproseso ng mga boto. Anila, nakakapangambang akses ang Smartmatic sa source code, at puwede nitong bagu-baguhin ang source code. Sa kabila ito ng kawalan ng totoong source code review ng canvassing and consolidation server (CCS).

(T)he public can never know what Smartmatic’s system for tallying and canvassing votes really is. It appears that they can also change the source code on the spot, which makes the whole election system a questionable and problematic exercise,” sabi pa ng Kontra Daya.

PPCRV command center sa Pope Pius XII Catholic Center (Macky Macaspac)

PPCRV command center sa Pope Pius XII Catholic Center (Macky Macaspac)

Samantala, nakakadagdag ng paghihinala ang presensisya ng isang opisyal ng Smartmatic sa data center ng PPCRV sa Pope Pius Center sa Manila bago naganap ang maling tally noong hapon ng Mayo 13, sabi ng AES Watch.

Sinabi ni Ernie del Rosario, IT expert ng AES Watch at dating IT director ng Comelec, na nakababahala ang presensiya noong hapon na iyon sa PPCRV ni Albert Castro Rico, na global service direct ng Smartmatic sa Asya Pasipiko. Siya rin umano ang project manager ng foreign technology supplier sa automated elections sa Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) noong 2008, at isa sa mga pumirma sa kontrata para sa poll automation sa pagitan ng Comelec at Smartmatic.

Sinang-ayunan ni Nelson Celis, co-convenor ng AES Watch at dating pangulo ng Philippine Computer Society, si Del Rosario. Aniya,“Smartmatic has no business dealing with a citizens’ arm that should exercise independence especially from a foreigner. Mr. Castro should explain what he was doing there.

There is no other reason I know why Smartmatic’s top operations man was at the PPCRV server – is PPCRV using Smartmatic’s CCS (consolidated canvassing system)?” sabi pa ni Celis.

Sinabi ni Del Rosario na anumang interbensiyon ng isang dayuhang kompanya sa operasyon ng civic arm ng Comelec sa eleksiyon ay kahina-hinala at dapat seryosong imbestigahan. Dating pinuno si Del Rosario ng Comelec Technical Working Group sa Poll Automation noong 2008 na nagbitiw dahil sa di-pagkakasunduo sa mga opisyal ng Comelec hinggil sa istandard ng kalidad ng automated elections na dapat ipatupad.

Sa press conference ng PPCRV ngayong araw, sinabi ni Henrietta de Villa ng PPCRV na hindi dapat umano maging isyu ang presensiya ni Rico ng Smartmatic sa kanilang data center. Dapat daw na nandoon talaga ang Smartmatic para obserbahan ang proseso. Sinabi naman ni Ana De Villa Singson, media director ng PPCRV, na matatagpuan din daw sa mismong data center nila ang transparency server ng Smartmatic.

Sa mga ulat sa midya at sa mga pahayag ng PPCRV, tila sinasabi nilang hindi dapat maging isyu ang naging problema sa maling tally. Sinabi naman ng Comelec na “tiny fraction” lamang ng 78,000 PCOS machines sa parehong bilang ng polling precincts ang nasira. Sinabi ni Comelec Chair Sixto Brillantes na din naman daw aabot sa 200 ang nasira.

Pero mahihinuha sa eksenang nasaksihan ng Pinoy Weekly, ng election watchdog groups at kahit ng midya na higit pa sa “tiny fraction” ang problema ng katatapos-lamang na eleksiyon.

May ulat ni Macky Macaspac

Slideshow: Mga larawan nina Boy Bagwis, Pher Pasion, Darius Galang, KR Guda, Macky Macaspac, King Catoy, Ilang-Ilang Quijano, Soliman A. Santos at Jovianne Figueroa