Infographic: Dagdag-bawas sa PCOS machines?

April 24, 2013

Infographic mula sa Automated Election System Watch o AES Watch.

Infographic mula sa Automated Election System Watch o AES Watch.

Sa kabila ng pagmamalaki ng Commission on Elections (Comelec) na matagumpay ang eleksiyong 2010 at ang mga “mock election” na isinagawa nito at ng kompanyang Smartmatic-TIM, nakita ng maraming election watchdog groups at ng mga eksperto sa information technology (IT) na maraming problemang kinakaharap ang Comelec at Smartmatic. Nakita ng AES Watch at iba pang grupo ang malinaw na discrepancies sa pagbibilang ng Precint Count Optical Scanner (PCOS) Machines sa mga boto noong mock elections. Sa kabila nito, tumanggi ang Comelec na muling magsagawa ng mock elections na nakaiskedyul sana noong Pebrero 2013.

Hindi pa rin ipinapatupad ng Comelec ang maraming rekomendasyon ng election watchdog groups at IT experts. Pangunahin na rito ang masinsinang pagrebyu ng source code ng software na ginagamit sa PCOS Machines para itala ang mga boto. Inirereklamo rin nila ang kawalan ng transparency sa sistema ng pagbibilang at pagtatala ng boto noong nakaraang halalan.

Sa terminal report nito noong Hulyo 2010, inamin na mismo ng National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) na walang transparency ang nakaraang halalan. Ayon dito: “The preoccupation with new technology and speedycounting to impress the public came at the expense of greater transparency and accountability of the system.” Sinabi rin ng Namfrel na maliban sa mga problema sa automated elections, nananatili pa rin ang tradisyunal na mga pandaraya sa halalan, tulad ng pagbili ng boto, pagnakaw ng balota, pandarahas, at iba pa.

Nanangamba ang AES Watch, at iba pa, na kung magpapatuloy ang Comelec at Smartmatic sa pagmamatigas na gawing mas transparent ang susunod na halalan, maaaring maging kuwestiyonable ang resulta ng botohan sa Mayo 13.

* * *

Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang primer ng AES Watch hinggil sa automated elections.

Para sa mga dahilan kung bakit mahalaga ang “source code review” sa software na ginagamit ng Smartmatic, basahin ang sanaysay na ito mula sa Center for People Empowerment in Governance (CenPEG).

Para sa mga debelopment hinggil sa mga problema sa automated elections, pumunta sa kanilang website o sundan ang AES Watch sa Twitter (@AESwatch_ph) at sa Facebook.