Bakit hindi pwede ang retro na musical sa pelikulang Filipino?

November 4, 2012

rebyu ng I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! (Chris Martinez, 2012)

 

Mahirap ang musical na genre dahil ito ay may self-reflexive na naratibo: ang mga musical scene ay tutungo sa paggawa ng grand musical production number sa pagtatapos ng pelikula.  Ito ang kanyang cause for being, at ganito dadaloy ang kanyang mga kaganapan, tungo sa climactic closure.

Ang problema sa I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! ay mas halaw sa television show na Glee na nagpalaganap ng musical format na bigla na lamang magsi-sing-and-dance routine nang walang probokasyon dahil assumed na mangyayari ito sa akulturasyon ng manonood sa mismong palabas.  Novelty ang Glee at fade-out na ito dahil nga naumay na ang manonood, kahit pa tinangkang magkaroon ng akesoryang reality TV na magtutuklas ng bagong losers para sa palabas.

Kaya ang I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! ay may look-and-feel na small screen. Walang grand panorama na inaasahan sa musical, maging sa Chicago (Rob Marshall, 2002), Evita (Alan Parker, 1996), o ang napipintong pagbabalik ng Les Miserables (Tom Hooper) ngayong taon. Ang scope ng mga Hollywood musical ay malawak at breathtaking.  At hindi rin masama na nagkaroon na ng matagumpay at kritikal na Broadway run ang mga natransformang dula sa pelikula.

Ayon sa release, ang peg ng producer, si Tony Gloria, ay Mamma Mia! (Phyllida Llyod, 2008) na humalaw sa musika ng ABBA.  Ang I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! ay tila mayroon ganoon ding potensyal, pero walang campy-ness na sambit sa Mamma Mia! at ABBA—na ang magsintang irog na pinaghihiwalay ng kanilang mga magulang ay papaloob sa alam-mo-namang-fake na musical interludes para isiwalat ang akwardness at fit ng kanilang pinagdadaanan.

Ang nangyari sa I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! ay serye ng kontextual na retro pero walang retro (camp) na pakiwari. Una, ang musika ng Apo Hiking Society ay isang pangunahing daluyan ng wholesome variety na OPM (Original Pilipino Music). Ang musika nito ay hummable young love, sweet love exploits at growing up, kontrapuntal sa rock scene na trippy, degeneratibo at wazak lang.  Paano gagawing campy ang ballads, na kumbaga sa karaoke, wala kang maiisip na variation sa pagpasok ng kulay sa lyrics at sapilitang pagsabay sa kumpas at tono ng inaawit?

Ikalawa, ang popularidad ng Hollywood musical film at theater ay pumasok sa bansa para sa regular na manonood nito, ang Class AB na may abominasyon sa pelikulang Filipino, lalo na ang komersyal na pelikula. Ang pagpasok pa ng musical theater ay sa panahong pasarado na ang mga ito sa Broadway at West End. Ibig sabihin, ang maykayang niche audience sa bansa ang inaasahan ng global na kultural na produkto na bigyan ng after-life ang mga bangkay na kultural na relik ng Kanluran.

Eugene Domingo sa musical na pelikulang "I Do Bidoo Bidoo"

Eugene Domingo sa musical na pelikulang “I Do Bidoo Bidoo”

Ikatlo, ang cast (ang magkatunggaling magulang na ginampanan ng marahil, pangalawang henerasyon ng OPM artists, Zsazsa Padilla, Gary Valenciano at Ogie Alcasid) na tila nagpapahiwatig ng self-reflexive na patungkol sa OPM history ay hindi naman nabigyan ng komplexidad maliban sa pagiging pangunahing hadlang sa juvenilia love.  Sa katunayan, maging ang cameo ng tatlong kasapi ng Apo sa katapusan ng pelikula ay wala rin namang rehistro dahil kulang ang rekognisyon ng mga ito sa kabataang manonood.

Ang potensyal ng komersyal na pelikulang Filipino ay nakapagdaragdag ito ng lokal na idioma sa global na medium ng pelikula.  Nagawa ito sa paglipana ng OCW (overseas contract worker) film noong 2000s, o ng romantikong komedi sa kasalukuyan, maging ng mga orihinaryong lokal na horror film (hindi ang sapilitang pa-Asian horror mode).  Kung tutuusin, ang anumang pagtatangka na mag-peg sa matagumpay na Hollywood o Asian cinema na genre o pelikula ay “always already” retro—dated na ito, walang katiyakan na maililipat ang komersyal na reprodyusebilidad  sa lokal na bersyon.  Relatibong mas matagumpay ito sa free television na hindi kailangang magbayad ng mayoryang manonood nito, ang Class CDE na walang lubos na kakayahang manood ng sine.

Kapag isiniksik pa ang lahat ng pwedeng magbigay ng referensiya sa tinutumbok ng pelikula, naiibsan hanggang sa malusaw ang self-referentiality nito, na integral lalo na sa musical genre.  Tulad ng pagkasiksik ng lahat ng pwedeng maisiksik na hits ng Apo, hindi nostalgia ang dating kundi pagkamanhid sa panahon, espasyo at pagkataong nais masambit ng pelikula.

“Charming” ang karaniwang polite na remark kapag tinanong kung ano ang palagay sa pelikula, na marami naman ang pakahulugan: small, tight, pero hindi umangat.  Ang integral sa charm ay ang kakayahang makapagpaunlad ng imahinaryong pagsasamahang hindi pa nasilayan sa maraming pelikulang natunghayan.  Hindi nga ba’t sinabi na rin ng lyrics ng Apo (“Awit ng Barkada”) na siya pa ring tagline ng pinakapopular na Pinoy na global na produkto, ang San Miguel Beer:

Kung hahanapin ay kaligayahan
Maging malalim o may kababawan,
Sa iyo ay may nakalaan
Kami’y asahan at huwag kalimutan
Maging ito ay madalas o minsan
Pagkat iba na nga ang may pinagsamahan