Pagsisimula sa Talaarawan

October 15, 2012

(Nota: Ito dapat ang naging una sa serye ng mga salin ni Ericson Acosta sa Prison Diary ni Ho Chi Minh. Pero dahil sa paglilipat-kamay ng sulat mula sa bilangguan ay ngayon lang nakarating ang artikulong ito sa PW.)

Sa samu’t saring padala ng mga kaibigan sa Maynila na hinatid sa akin nina Bomen Guillermo at Sarah Raymundo nung dumalaw sila dito nitong July, may isang bagay na hanggang ngayon ay hindi ko ma-eksakto kung kanino nangggaling: isang munting paperback edition ng Prison Diary (PD) ni Ho Chi Minh. Ito yung inilanas ng Vietnamese Foreign Languages Publishing House noong 2008 sa tatlong wika – sa Chinese original, sa Vietnamese translation ni Nguyen Si Lam, at sa English ni Dang The Binh. Cám o’n, thank you very much kung sino man po kayo (Nota: ang salin ay mula sa Yahoo! Answers).

Ang isandaang quatrain at  tulang Tang na ito ni Ho, na isinulat sa gitna ng labing-apat na buwang pagpapalipat-lipat ng kulungan (August 1942-September 1943) ay isang maningning na testamento ng rebolusyonaryong katatagan at makasining na sensibilidad ng isa sa pinakamagiting na lider-Komunista ng nagdaang siglo. Mula nang unang mailimbag ang PD sa Vietnamese noong 1960, naisalin na ito sa English (na may kung ilan nang bersyon) French, German, Russian, Hindi at iba pang wika. Ito na nga, walang duda, ang pinakakilalang akdang pampanitikan o ano pa mang sulatin na nagmula sa Vietnam. Hanggang ngayon ay patuloy itong tinatangkilik at pinag-aaralan sa maraming bansa hindi lamang ng mga aktibista at rebolusyonaryo kundi ng mga makata at iskolar.

Sa Pilipinas, kung hindi ako nagkakamali, ay wala pang naitatalang salin sa Pilipino ng buong PD ang mga akademiko at pamantasan, o maging ang underground na mga publikasyon. Gayunman, ang mga bersyon nito sa English at mga salin sa Pilipino (at iba pang lokal na wika) ng ilang patingi-tinging tula mula rito at mabisa pa ring nakapag-ambag upang ang ilang henerasyon na nga ng mga pwersang pambansa-demokratiko ay magkaroon ng isang antas ng pamilyaridad sa diwa at sa pamana (legacy) nito. Samantala, may hinala akong isa rin ang PD sa mga babasahing madalas ipasalubong sa mga bilanggong pulitikal (muli, maraming salamat po sa inyo, ____________.)

Sabi ni Ho, “singing poems may help in the wait for freedom.” Sabi ko naman, translating Ho’s poems may just as well help in my own wait. Heto ang subok:

PAGSISIMULA NG TALAARAWAN

Sadyang hindi ko naging hilig ang tumula-tula;
Subalit ano pa nga bang magagawa sa pagkakatanikala?
Gugugulin ko ang mahahabang araw sa pagkatha.
Agapay ang pagkamakata sa pag-aantabay sa paglaya.

(BEGINNING THE DIARY

I’ve never been fond of chanting poetry;
But what else can I do in thraldom?
These long days I’ll spend in composing poesy.
Singing poems may help in the wait for freedom.

[p. 6])

Hayan, nakakaisa na ako. Dalawa na nga ito kung tutuusin dahil sa salin ko sa “Autumn Night” noong Pebrero matapos akong padalhan ng mga estudyante ng isang pamantasan sa Calbayog City ng print-out ng sampung tula mula sa isang mas maagang English edition ng PD (Chinabooks and Periodicals, sa salin ni Aileen Palmer) na nahanap nila online. Kaya malapit na akong matapos – 97 na lang.