Pambansang Isyu

Mangingisda, makakalikasan nanawagan ng moratoryo sa reklamasyon


Nanawagan ang mga mangingisda, makakalikasan at mga eksperto mula sa 50 organisasyon sa buong bansa na itigil ang lahat ng proyektong reklamasyon sa ilalim ng National Reclamation Plan (NRP). Napagkaisahan ng mga grupo ang panawagan sa pamamagitan ng People’s Summit on the Impacts of Reclamation na ginanap sa Quezon City kamakailan.  Napagkasunduan din ng mga […]

Nanawagan ang mga mangingisda, makakalikasan at mga eksperto mula sa 50 organisasyon sa buong bansa na itigil ang lahat ng proyektong reklamasyon sa ilalim ng National Reclamation Plan (NRP).

Napagkaisahan ng mga grupo ang panawagan sa pamamagitan ng People’s Summit on the Impacts of Reclamation na ginanap sa Quezon City kamakailan.  Napagkasunduan din ng mga dumalo sa naturang summit na magbuo ng isang pambansang kampanya na kinabibilangan ng mga indibidwal, institusyon at mga pormasyon na naglalayong palahukin ang mga taong apektado gayundin ang lokal at pambansang pamahalaan sa isyu ng reklamasyon at pagsasaayos ng mga baybayin.

Sa kanilang unity statement, nanawagan ang mga grupo ng 10 taong moratoryo sa NRP at iba pang proyektong reklamasyon sa labas nito. Layon umano nito na mabigyan ng sapat na panahon at masusing pag-aaral ang sosyo-ekonomikong epekto ng mga naturang mga proyekto.

Idinagdag pa nila na napapanahon ang moratoryo dahil sa maraming mga pag-aaral tulad ng ginawa sa Panglao, Bohol, sa Cordova, Cebu at sa Manila Bay ang nagpapakita kung paanong nakakaapekto sa kalikasan ang mga kasalukuyang proyekto.

Hinamon din ng grupo ang Philippine Reclamation Authority at Department of Environment and Natural Resources na agad na kanselahin ang mga proyektong reklamasyon na mahigpit na tinututulan ng mamamayan

“Kailangang suportahan natin at itaguyod ang alternatibo at istratehikong pamamahala sa mga baybayin at iba pang pamamaraan na magtitiyak ng malaking pakinabang sa mga mamamayan at kalikasan”, ayon pa sa grupo.

Ang naturang summit ay inorganisa ng Center for Environmental Concerns – Philippines, PAMALAKAYA Pilipinas, Institute of Environmental Science and Meteorology sa UP Diliman, Kalikasan People’s Network for the Environment, Alliance for Stewardship and Authentic Progress, Kalikasan Party-list, Advocates of Science & Technology for the People (AGHAM), Philippine Earth Justice Center at Central Visayas Fisherfolk Development Center, Inc.