Mahirap ang Landas ng Buhay

October 1, 2012

I

Matapos maglakbay sa matarik na kabundukan

Aakalain ko bang higit ang panganib na masasalubong sa kapatagan?
Sa bundok nang masalubong ko ang isang tigre ay hindi ako napahamak,
Sa patag may nakaengkwentro akong mga tao, at sa kulungan ako inilagak.

II.

Ako ay isang delegado ng sambayanan ng Vietnam
Papunta sa Tsina upang isang mahalagang pinuno ay makapanayam.
Anu’t kailangang bumagyo sa gitna ng isang panatag na tanawin
At bilangguan ang isalubong sa akin?

III.

Isang taong tapat at sa puso’y walang pagsisising sumisikil
Ako’y pinaratangang sa Tsina raw ay isang taksil
Kailanma’y hindi naging madali ang pagtahak sa landas ng buhay
Subalit lahat ngayo’y pagkahirap-hirap na tunay!

May pagkapambihira ang sirkumstansya ng pagkakadakip sa dakilang rebolusyonaryong si Ho Chi Minh, 70 taon na ang nakararaan.

Hindi ang mga French colonialist ang may gawa nito. Unang dekada pa lang ng nagdaang siglo ay naging bahagi na si Ho ng Vietnamese resistance movement laban sa mga French pero 1942, kung kailan siya nahuli sa kasagsagan ng second imperialist  war (World War II) ay Japan na ang may sakop sa Vietnam at sa buong Indochina. Pero hindi ang mga Hapon ang nagpakulong sa kanya.

Sa sikreto at kumplikadong ruta sa bundok papuntang China, naikutan at nalusutan ni Ho ang kordon at patrulya ng mga pwersang Hapon sa Sino-Vietnamese border. Ang problema, pagtuntong sa kapatagan ng Guangxi province sa Southern China, ay doon naman siya naharang ng mga pulis ng gobyernong Koumintang.
Hindi nila kilala ang pangalang Ho Chi Minh at sa kasamaang palad ay naging kahina-hinala sa kanila ang mga kilos niya at itsura. Lalong hindi nakatulong kay Ho nang sabihin niya na may hinahabol siyang appointment sa ilang Chinese official sa Zhongqing. Kung hindi lagalag na baliw ang halos gusgusing matandang ito (52 noon si Ho), malamang sa hindi, sa palagay nila, ay isang intelligence operative para sa Hapon ang kanilang kaharap,  at dapat arestuhin at ikulong.

Walang naipresentang patunay si Ho na naka-iskedyul talaga siya noon na magtungo sa sentrong lunan ng pamahalaan ni Chiang Kai Shek sa Zhongqing bilang delegado ng League for the Independence of Vietnam, kaya’t sa kulungan sa bayan ng Jingxi siya agad na idineliber. Kumbaga, isang napaka-interesante at makasaysayang kaso ng mistaken identity – isang Vietnamese freedom fighter na lumalaban sa Japanese imperialists ang hinuli at ikinulong ng Chinese nationalists dahil napagkamalang isang Chinese traitor at spy para sa Hapon. Medyo masalimuot at definitely ironic at pwedeng maihanay sa mga tragic-heroic plot ng Greek o Elizabethan drama. Pero maaaring pinasimple na nga ito sa ganitong lagay at mas malalim pa ang ironic twist na sangkot kung may matino ngang patutunguhan ang mga hina-hinala ko. Kaya’t mainam kung agad na makakapagbigay-linaw ang mga eksperto sa Vietnamese history (o kung sino man na di tulad ko ay may access naman sa Google hinggil sa paksa.

Sa Zhongqing nga ba papunta si Ho? Hindi kaya sa Yenan o kung saan pa mang baseng erya ng Communist Party of China(CPC)? Yung binabanggit nyang kakatagpuing mahalagang Chinese official, necessarily bang Koumintang ito o mas posibleng isang kade ng CPC, kung hindi man si Mao Zedong mismo? Kumbaga, maaari kayang ito ay kaso hindi ng mistaken, kundi undisclosed identity?

Si Ho noong panahong ito ay isa sa pinakamatatag na mga haligi ng partidong proletaryado  sa buong Indochina bilang isa rin sa mga pioneer nito mula pa noong 1920s. Kilala rin siya sa kanyang pagiging hindi kilala, o sa kahusayan sa pagtangan sa rebolusyonaryong disiplina sa lihim na pagkilos. Sa mahaba niyang karanasan sa underground movement, naikot niya ang buong Indochina at may pagkakataon pa ngang nakatawid hanggang Moscow para sa mga gawaing internasyunalista. Pero consistent niyang napag-ingatan ang kanyang identidad. Kung sa isang punto man ay natukoy siya bilang ang patriyotikong si Ngyuen Ai Quoc, di rin naglaon ay nagawa niyang palabasing patay na ang taong iyon upang epektibong makakilos sa harap ng pagmamanman ng mga kaaway, French man o Japanese.
Hindi kaya’t sa ganitong konteksto at trademark elusive character din ni Ho maaari nating maunawaaan ang banghay ng labing-apat na buwang pagkapiit niya sa China? Alam ni Ho ang brutal na pagka-anti-komunista ni Chiang Kai Shek kaya’t bagamat noong mga taong iyon ay umiiral ang isang alyansang taktikal kontra sa Hapon sa pagitan ng Koumintang at ng CPC, may mahigpit talagang kakagyatan na hindi maikompromiso ang tunay na pagkatao sa likod ng pangalang Ho Chi Minh alang-alang sa seguridad ng kanyang partido. Tiniis niya ang mapait na buhay ng isang kalaboso habang hinihintay na may sumaklolo o gumawa ng paraan mula sa mga ugnay niya sa CPC. Sa isang banda, mas mainam na nga marahil para sa kanya ang maparatangang isang espiya para sa Hapon, kaysa sa matukoy na isang high-ranking communist leader.
Sa kabilang banda, kung ang ibig-sabihin ng pag-aakusa sa kanya na isa siyang Chinese traitor ay ang hinala na siya ay mula sa CPC, mas kinailangan niyang bantayan ang kanyang sarili at baka dalhin nga siya sa Zhongqing at dun ay lalu pang mabulilyaso at mabisto siya pala ay hindi CPC kundi mismong pinuno ng Vietnamese communist movement at isa sa pinaka-susing proponent ng Third International mula sa Asya.

Huwag sanang pandilatan ng mga eksperto ang bigong tangka na ito sa historical investigation – “preso lang po!” Anu’t anuman, napaka-profound na pinag-aaralan ngayon ng sinserong mga iskolar ang buo at aktwal na naging papel sa kasaysayan ng isang taong nagsumikap na hindi patampukin ang sarili hindi lamang bilang pagtangan sa disiplinang panseguridad ng kilusang kanyang kinabibilangan, kundi dahil sa kababaang-loob ng pananaw na ang masa ang siyang tunay na bayani at tagapaglikha ng kasaysayan.