Kaisipang folk at ang naunsyaming simulain ng pelikulang Filipino

October 10, 2012

rebyu ng Genghis Khan (Manuel Conde, 1950; repremiered, Oktubre 2012)

 

Ayon sa dalawang kasama kong kaibigan, kapwa sa kanilang 20s, parang telenobela ang Genghis Khan—walang katapusang saga ng mabuti at masama, suyuan, pagkamatay ng magulang, pakikidigma, pagtatagumpay at ang rurok nito, ang kasalan.  Matapos mawala ang lahat ng kopya sa bansa, mabuti na lamang at lumahok ang pelikula sa Venice Film Festival noong 1952 (isang taon matapos manalo ang obra ni Akira Kurosawa, Rashomon, na itinuturing na nagpakilala sa pelikulang Asyano sa kanluran), at nanatili ang kopya roon.

May tatlo pang kopya na pawang nasa iba’t ibang antas ng pagkasira.  At ang mahika ng restorasyon ng L’Immagine Ritrovata ng Bologna, ang restorer-of-choice ni Martin Scorsese, isa sa pangunahing restoration advocate ng pelikula—dinigitize ang lahat at kinuha ang pinakamalinis na bahagi na naging batayan ng malawakang pagsasaayos at pagbabalik sa naunang ningning ng pelikula.  Sa katunayan, ipinakita sa simula ng programa ang “before” and “after” shots:  nawala ang putla at pusyaw, wala ang kalmot at mistulang puting alupihan sa positibo, at naging maningning na black-and-white ang Genghis Khan.

Integral ang pagkalinis at panunumbalik sa orihinal na estado para lubos na maunawaan ang estilo ni Manuel Conde sa kanyang pelikula.  Mahilig ito sa deep focus shots na malinaw ang mga imahen sa foreground, middle ground at background ng shot.  At marami sa kanyang kuha ay may disenyo ng staging:  sanga bago matanaw ang lupon ng dumakip na kaaway sa bida, halimbawa, paggamit ng soft focus para makita ng mas tampok na bahagi ng shot, high angle shot para sa lahat ng ordinaryong tauhan, at high angle shot sa mga talunan na tauhan.

Maalaala ang Citizen Kane (Orson Welles, 1941) sa mga kuha pero hindi lubos na seryoso dahil ang tatak ni Conde sa Genghis Khan, pati sa kanyang Juan Tamad series, ay gawin itong komedya.  Sa katunayan, walang hibla ng kasaysayan sa bersyon ni Conde sa buhay ng higanteng figura ng Mongolia at kasaysayang Asyano.  “Barok” at pusong, mga stock na tauhan mula sa mababang uri na makapanlalamang sa mataas na uri dahil sa likas nitong talinong hindi aral, ang peg ni Conde kay Khan.

Napapatumba ni Khan ang kanyang mas malalakas na kaaway.  Siya na mas aba ang pinagmulan ay aangat at magiging karapatdapat sa kanyang paghahari.  Dagdag pa rito, si Khan ay barumbado sa babae, matigas ang puso, walang pinapakinggan at pinaninindigan kundi ang sarili, pero tulad ng lahat ng bayani sa folk na kwento, artifisyal lamang ang ganitong estado dahil nanlalambot at nagbabagong-panig din.

Mahalaga ang folk na kaisipan sa popular na medium ng pelikula dahil ito ang nakakapanghatak sa manonood para tumangkilik.  Ang nangyari, marahil o malamang, dahil sa kinalabasang dominasyon ng realismo bilang estetika sa pelikula, ay nawala ang folk at komedya nitong tampok.  Bumigat ang paksa at pagtalakay ng kwento sa pelikula.  Nawala ang pag-asa at tuwa sa buhay.  Naging mas dramatiko, at unti-unting nawala ang manonood sa sinehan.

Hindi naman nawala ang panonood ng sine bilang isa sa pinakapopular na libangan ng Filipino.  Buhay ang kultura ng sine dahil nakakabili ito ng bala ng VCD (kung meron pa nito) at DVD na may anim o dosenang titulo, at pline-play sa pirata ring brand ng DVD player.  Pinagpapasahan sa kapitbahay at kaibigan ang bala, at may sirkulasyon ng mga sine’t palabas.  Hindi lang dahil naging gitnang uri ang presyo ng tiket ng sine (ikatlong bahagi ng minimum na sahod ng arawang manggagawa), kundi dahil sa praktikal na inobasyon na rin ng sinehan at prodyuser na total:  wala na ang bakya crowd (ayon nga kay Pete Lacaba) at tuluyan na ngang gawin ang panonood ng sine para sa gitna at maykayang uri sa pangunahin.

Kung nais bumalik ang masa sa sinehan, kailangang maging atraktibo ito sa kanila, tulad ng natutunghayan pa rin nila sa mga telenobela, game show, reality show at showbiz show sa telebisyon kahit pa sa perversyon nitong anyo, maging ang matagumpay na franchise sa Metro Manila Film Festival tuwing  kapaskuhan na handang magluwal ng naipon ang ordinaryong manonood para magbayad para sa taunang installment ng Enteng Kabisote at Tanging Ina Mo—ang folk at ang pananalamin ng pagkataong Filipino sa dalumat na ito.  Ito ang nawala, at maaring magpabalik sa masang manonood sa sinehan.