Ang Filipinas ayon sa Bourne Legacy

October 28, 2012

rebyu ng Bourne Legacy (Tony Gilroy, direktor, 2012)

 

Nakataas ang kilay at tila quizzical ang tiyan kapag sinabing may malaking dayuhang produksyon na kinunan sa Filipinas.  Hindi naging mabuti ang Hollywood sa bansa.  Sa An Officer and a Gentleman (Taylor Hackford, 1982), ang teenager na karakter ni Richard Gere ay binugbog ng mga siga sa gilid ng isang U.S. base sa bansa.  Sa Apocalypse Now (Francis Ford Coppola, 1979), ang Pagsangjan ay naging surrogate para sa Vietnam, at sa The Year of Living Dangerously (Peter Weir, 1982), surrogate naman para sa Indonesia.

Sa panayam kay Claire Danes para sa Brokedown Palace (Jonathan Kaplan, 1999), sabi nito na ang Manila ay “ghastly and weird city.”  Siempre ay pusong mamon ang mga Pinoy pag dating sa ganitong representasyon ng kanilang syudad at bansa, na parang pinipilas at niyuyurakan ang kanilang pambansang pride.  Kaya matapos ng matagaltagal na panahon, dumating ang Bourne Legacy.

Ang espionage na pelikula ay ukol sa mga genetically enhanced na mersenaryo na naturukan ng virus, at ang gamot ay dine-develop sa Filipinas.  Pupunta rito ang espiya, pati ang babaeng syentista, at iinog ang kanilang adbentura sa tatlong klimaktikong susing eksena sa Manila:  ang high-tech na pabrika, ang bubong ng mababang gitnang uring komunidad, at ang matrafikong kalsada pagkakarerahan ng nagtutunggaling motor.

Ang unang eksena ay ang pagtukoy ng nagtatagong couple sa pabrika ng gamot, na kahit high-tech ito ay liga ang kinakailangang nakaunipormado’t nakatakip ang mga mukha na manggagawa.  Dito ay mahahanap nila ang gamot, pati ang stem na pinagmulan ng virus, at mabubuo ang planong sirain ang strain na ito.  Ang eksena ay nagsimula sa gabi, na patungkol sa 24/7 operasyon ng mga kompanyang multinasyonal, at ang pangangailangan ng supply ng mga magkakahalintulad na katawan at pangangatawan ng paggawa para sa hindi natutulog na operasyonalisasyon ng pharmaceutical na kompanya.

Ang ikalawang eksena ay ang epekto ng naudlot na pagpigil sa stem strain, na matagpuan ang espiya na patuloy na nagkakasakit sa isang masikip na mababang gitnang uring komunidad.  Na ang tanging rekurso para makatakas sa mga pulis sa ibaba ay sa pamamagitan ng transformasyon ng bubong bilang masibong eskinita’t pasilyo, ang lunsaran tungo sa kaligtasan.  Nakita na natin ito sa Kubrador (Jeffrey Jeturian, 2006) at para sa parehong dahilan pa rin, para maiwasan ang entrapment ng pulis.  Sa Bourne Legacy, nag-level up, pati na rin ang anti-hero ng bida ay nakadagdag ng impetus at balakid sa pagtakas.

Ang pangatlong eksena ay ang karerahan ng mga nakaw na motor (at marunong mamili ng high powered na modelo ang bida at ang kontrabida) sa siksikang kalsada ng Manila.  Sinasaad nito ang matagal na nating alam, at tinuturing na panganib at peligro sa gitnang uring may kotse at abang uri na namamasahero, na tanging motor ang makakadaloy sa trafiko ng syudad.  Na tinatangkang udlutin ng Metro Manila Development Authority sa pagtalaga ng motorcycle lane na efektibong naglimita sa kanilang kapangyarihang manahi ng kalsada.

Ang bida ng Bourne Legacy na sina Jeremy Renner at Rachel Weisz, sa isang eksena sa Pilipinas. `

Ang bida ng Bourne Legacy na sina Jeremy Renner at Rachel Weisz, sa isang eksena sa Pilipinas.

Walang skwater at indie-cinema na kahirapan na natunghayan sa Bourne Legacy.  Sa katunayan, walang in-your-face na orientalismo, gaya ng naunang pagkatalaga sa Filipinas bilang exotiko pero pejoratibong espasyo ng quintessential maldevelopment, bilang substitute para sa mas masahol na Third World national chaos, o bilang bukal ng inosensyang nawala na sa pagkaunlad ng First World.  Ang bagong isinasaad na representasyon ng Bourne Legacy ay ang sirkulasyon ng bansa sa integral pero laylayan ng global na kapitalismo.

Heto ang subnaratibo ng Filipinas ayon sa pelikula:  dahil may penetrasyon ng kapital sa multinasyonal na kompanya, umangat mula sa komunidad ng squatter tungo sa mababang gitnang uring pamamayanan ang mga sityo ng syudad, at ang kagyat na epekto nito, ang siksikan ng pedestrian overpasses, kalsada at populasyon ng syudad.  Kung nasinsin ng global na kapital ang mga tirahan at pamayanan, ang susunod na mapapaunlad nito—in due time—ay ang literal na infrastruktura (kalsada, pedestrian walk, highway system), higit na conducive sa kapitalismo.

Kumbaga, kinagat na ng bansa ang bala ng kapitalismo at heto ang kanyang kasalukuyan, ang estado na nakamit at maari pang makamit sa patuloy pa ng higit na penetrasyon ng kapital.  Ang isinasaad ng pelikula ay paborable ang bumubulwak na population growth sa bansa:  ito ang magtitiyak ng regular at murang supply ng manggagawa sa pabrika ng multinasyonal na kompanya.

Paborable rin ito sa tumatakas na couple.  Kundi dahil sa dami ng tao at manggagawa—at ang inverse nito, kundi dahil sa unti ng kalsada at infrastruktura—ay hindi sana sila makakatakas.  Ang habulan sa bubungan ay nagsasaad din ng hindi pa natutunghayan na posibilidad:  na ang tanging espasyo ng karagdagang pag-unlad ay vertikal na lamang, lalo na sa limitadong pisikal na espasyo ng syudad.

At siempre, ang subnaratibo ay nakaangkla sa kontrast sa dalawang pambansang espasyo:  ang Kanluran na bundok at gubat sa winter pero nananatiling high tech; at ang Seoul na ultra-modernong iba (hindi Kanluran pero hindi na rin Asyano).  Sa pagtatapos ng pelikula, tutungo ang bangka na pinagtakasan ng couple mula Palawan sa Vietnam, isa pang sityo ng global na kapital.

Ang espionage film ay compass ng transnasyonal na operasyon, hindi lamang para sa paghahanap sa katotohanan at ng katarungan, kundi sa global na negosyo.  At ito ang idinadambana na bagong representasyon ng bansa:  ang maging importante—kahit pa substitutable—na node ng kapital, na may kakatwang pagka-penetrasyon at kung gayon, ang kakatwang pagkaremapa ng syudad, bansa, tao, paggawa at populasyon para sa akomodasyon ng global na kapital sa lokal na kondisyon.  Ito ang Filipinas—ang tinukoy sa checklist ng bagong reconditioning sa rehimen ng global na kapitalismo—ayon sa Bourne Legacy.

Ito ang bagong exotisismo, ang bagong erotisismo.  At tayong nakapanood ng pelikula ay natunghayan ang ating masikip na syudad at bansa sa kinetikong antas, tulad ng pagkalulan at pagkalunan ng mga bida sa pelikula.  Tayong gitnang uring manonood-mamamayan ay nais ding takasan ang abang uring kondisyon at makapag-move on na sa susunod na yugto ng kapitalismo:  kailangan nang mag-level up, tulad sa Seoul sa pelikula.

Inilulugar ng pelikula ang ating pinagmulan, kasalukuyan at maaring patunguhan alinsabay sa pagtahak sa global na kapitalismo.