Pelikula ng espasyo

September 2, 2012

rebyu ng Kalayaan (Adolfo Alix Jr., 2012)

 

Si Adolfo Alix, Jr. ang pinakaprolifikong direktor sa kanyang henerasyon sa indie cinema.  Bawat pelikula ni Alix ay may natatanging visual na treatment at dating.  Kaya hindi tulad ng iba pang direktor—tulad nila Lav Diaz, Brillante Mendoza, Khavn Dela Cruz, Raya Martin o Sherad Anthony Sanchez—mahirap tukuyin ang pagiging auteur ni Alix dahil napakarami ng filmic repertoire nito.

At heto na naman, sa kanyang pelikulang Kalayaan, ang panaromic shots ng baseng isla, ang tagpuan sa naratibo ng isang pangunahing sundalong nakadestino sa peligroso pero wagas na natural na paligid ng kontrobersyal na mga isla sa dulo ng Palawan.  Sa gabi, nandito rin ang eksena ng kadiliman ng paligid at paglalayag ng sundalo sa bakawan at isla.

Buryong ang sundalo: nakakatanaw at nakikipag-sex sa sirena sa gabi, nanonood ng porn, nag-eehersisyo, nakikipagtitigan sa alagang pagong, o nakikinig ng radyo kundi man ay ang mga eksena’y nakatutok lang sa pang-araw-araw na gawain.  Kahit na malapit ng matapos ang tour-of-duty ng sundalo, kimkim ang kaburyungan at kalungkutan dahil may itinatago itong traumatikong alaala.

Sa Kalayaan, tinangka ni Alix na ihayag ang kontradiktoryong espasyo:  ang mental na estado ng maaligagang sundalo at ang tahimik na kagandahan at kawalan-pagbabago ng natural na paligid; ang pagkakalayo ng isla at ang nagaganap na kudeta sa Manila; ang kapwa sundalong nakadestino sa iba pang bahagi ng mga isla at siya na nananatiling nag-iisa sa kalungkutan; ang realismo ng hindi natitinag na paligid sa laylayan ng bansa at ang realismo ng politikal na kaguluhan sa sentro; ang fantasya at realidad sa utak ng sundalo; ang traumatikong alaala sa nakaraan at ang kawalan-buhay ng katiyakan sa kasalukuyan, bilang mga halimbawa.

Kaya kahit maliit at makitid ang mundo at pagmapa rito ng sundalo, malawak ang tinatangkang sakupin ng naratibo at stilo ng pelikula.   At ang salik ng pag-iilaw sa kadiliman ay higit na nagpatingkad (o nagtago) sa saklaw at limitasyon ng mga espasyo.  Dito rin nanggagaling ang modernistang pagtahak sa pelikula—malawak ang espasyo pero makitid ang panahon ng mundo ng pelikula.

Ito ang nalalabing araw ng paglagi ng sundalo sa isla, na ang kanyang maliit na mundo na kanya pa rin ay tila mas naiibigan niya kaysa sa kawalan-katiyakan ng espasyo sa hinaharap.  Meditasyon ang pelikula sa klasikal na figura—ang “solitaryo” (kahit pa may kasamang iba pang sundalo sa ikalawang bahagi ng pelikula) at ang katunggali nitong paligid at sarili.

Sa meditasyong ito, pinalalawak ang sakop ng mga lunan habang pinapakitid ang panahon.  Marami ang long take shots sa pelikula bilang pagmapa ng espasyo ng sundalo kahit pa walang lubos na nangyayari sa kanyang panahon—ang natitirang paglagi—sa isla.  Sa katunayan, ang natitira na inaasahang ang kabuuang paglagi ng sundalo ay namamarkahan ng reiterasyon, repetisyon, duplikasyon, reproduksyon ng naunang gawain.

Na kahit ulit-ulitin at maulit-ulit ang pagkakataon at pagtatapo ay lubos na ang pagkabilanggo ng sundalo.  Sa huli, ang kanyang utak—ang sityo ng traumatikong alaala at impetus sa kasalukuyang kaburyuhan at katamlayan sa hinaharap–ang pinakamaliit na isla, ang pinakamalaking bilangguan.

At ito ang nagpapaiba kay Alix bilang direktor, na ang kanyang pelikula ay nakaugat sa naratibo at sumasanga sa visual take, pati na rin ng iba pang elemento—editing, halimbawa sa Tambolista (2007).   Dito nanggagaling ang artistikong bisyon at integridad ng direktor, na iba-iba ang naratibo ng kanyang mga pelikula, at iba-iba rin ang pinipiling visual take sa mga ito.

Kaya paratihang kapanapanabik ang pag-aantay sa susunod na pelikula ni Alix, dahil paratihan itong may kakaibang paraan ng pagkukwento at paraan ng mobilisasyon ng mga elemento para makabuo ng buo at angat na konseptwalisasyon sa kanyang mga pelikula.