Cheerdance competition: sports exemplar ng U.S. empire at neoliberalismo sa edukasyon

September 23, 2012

rebyu ng UAAP Cheerdancing Competition 2012 (Mall of Asia Arena, 22 Setyembre 2012)

 

Bagong uso ang cheerdancing competition. Kasama ng championship tickets sa basketball, ito ang hot ticket sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Sa katunayan, nang bigyan ako ng isang pares ng ticket, ang banggit sa akin ng nagbigay ay “Ingatan mo iyan.  Ginto iyan.”

Sa kauna-unahang pagkakataon nang masimulan ang cheerdancing competition noong 1994 ay sa Mall of Asia (MOA) Arena ito ginawa ng 2012.  Hindi nakakapagtaka dahil ang host university ay National University na major stockholder si Henry Sy (60 porsyento ng stocks) na siya ring nagmamay-ari ng MOA Arena.

U.S. ang nagdala ng sports sa bansa, ng integrasyon sa sistemang edukasyon at kapitalismo.  Naalaala ko ang taunang field demonstration namin sa elementary.  Daandaan kami na naka-sports attire at kung ano-anong formation ang ginawa, na may baton o rings pa.  Noong high school naman, pinagso-solicit ang lahat ng magkakaklase para sa uniporme ng basketball team.

Ang kakatwa sa cheerdancing competition ay ang matayog nitong prestihiyo sa kabataang nasa tertiary education.  Kahit pa ang cheerdancing ay iniisip na dating aksesorya lang naman sa aktwal na tampok na sports sa UAAP (“paano magiging sports ang taga-cheer lang naman sa basketball games?”), at dahil kailangan ng kalalakihan para magbuhat (at marami sa kalahok ay mga bading) ng mga cheerdancer, ito ay malinaw na isang lehitimong spectator sport na.

Willing pumila ng madaling araw ang maraming kabataan para sa tiket, magsiksikan sa pinakamalayong seksyon ng arena, mamaos ang boses para sa pep squad ng kanilang pamantasan.  Ewan ko kung tumatanda na ako pero nabagot ako sa hapon at gabing dineboto ko para sa cheerdancing competition.  Inabot ng apat na oras ang biyahe patungo’t pabalik ng MOA, inabot ng apat na oras para tunghayan at alamin ang resulta ng anim na minutong presentasyon ng U.P. Pep Squad.

At tunay namang pagsasagad para pahabain sa broadcast sponsors, ang recap sa aking tantya ay tigtatatlong minuto bawat teams.  Kalahati ng aktwal na presentasyon!  Branded ang cheerdancing competition ng UAAP dahil sa corporate sponsors at tag lines:  Jollibee Chi-cheer Kayo Challenge” (1994-96), Nestle Crunch Ice Cream Cheer Competition (1998-99), Nestle Non-stop Cheerdance Competition (2000-05), at ang Samsung Cheerdance Competition (2007-hanggang sa kasalukuyan).

Namudmod ng Galaxy phones ang Samsung sa mga nanalo kaya naman puro banggit sa kanila sa telecast, pati na rin ang near-celebrity status ng mga personalidad nito.  Madaling maunawaan ang corporate interest sa cheerdancing competition at ang pagpulot sa isang inaakalang chuwariwap na group activity bilang isa sa golden eggs sa UAAP, maging sa kanya-kanyang kampus ng mga cheerdancer.

Ang invisible hand ng korporasyon sa UAAP ay hindi naman hiwalay sa unang national telecast sa cheerdancing competition noong 1997 ng sports cable channel na ESPN sa U.S.  Hindi malayo ang penomenal na pag-unlad dito, at sa bansang nag-imbento nitong sports, na mayroon na raw 1.5 milyong kalahok na siya pa ring benchmark sa tinatayang 100,000 na kalahok sa labas ng U.S.

Ang kakatwa, ang first-tier na pamantasan sa Metro Manila at bansa (ang mga kasapi ng UAAP) ang nagpapasimuno ng penomenal na pagkatanyag ng cheerdancing competition.  Na tila co-terminus sa edad na sistematikong budget cuts sa SUCs (state colleges at universities, kahit pa U.P. lang ang SUC sa amalgamasyon ng tertiary educational institutions sa UAAP), at ang edad ng pinakamataas na matrikula sa pribadong pamantasan.

Sa presentasyon ng mga team sa cheerdancing, nahihirapan pa rin sa adaptasyon ng sports sa anumang lokal o pambansang kontexto, kahit pa ng 2012 ay may pinakamalawak na pagtatangka:  “freedom and equality” ng U.P., mala-Maori warrior ng De La Salle University, environmental ng Far Eastern University, flower festival ng University of Santo Tomas, at komedya o brass band na costume ng University of the East.

Kung iisipin ito ang mimicry (panggagaya) na may tinatangkang lokal na idioma pero nakaangkla pa rin sa unibersalismong mga tema.  At sa pinaka-ethereal sa lahat ng pormang sining, ang sayaw at sa tambal nito sa sports, pati na rin syensya, ay umuuwi ang presentasyon sa lalong abstraksyon ng panggagaya sa egalitarianistang lenggwahe.  Samakatuwid, ang itinatanghal ay ang variasyon—sa buzz themes ng kapitalismo, tulad ng good governance, heritage building, corporate social responsibility, social advocacy at iba pa—pati ang manaka-nakang subersyon sa mga ito.

Sa isyu ng tertiaryong edukasyon, ito rin ang ethos ng individual at sektoral na panggagaya sa globalisasyon ng pribatisadong publikong serbisyo, at ang kahandaan nitong henerasyon ng kabataan—pati na ang kanilang mga magulang—na kanya-kanyang pondohan at tustusan ang pag-aaral, pati na itong manaka-nakang adbentura sa economically viable sports program, at iba pang inaakalang socially empowering na karanasan.

Nagtagumpay, kahit pa sa aking palagay ay limitado pa rin kahit angat sa kahanay nito, ang U.P. Pep Squad dahil sa tangka na idiin ang icon ng Oblation, pero hindi ang pagiging skolar ng bayan, at ng gender equality, pero hindi ang class equality at akses sa mismong edukasyon sa kanyang pagtatanghal.  At iniisip ko, “Ito na ba?  Na ang tiket na papel ay may inaakalang halaga at pagpapahalaga na katumbas ng ginto?”