Viral epal politics: good vs. evil

August 20, 2012

rebyu ng “T3: Motorist mauls MMDA officer” (ABC5, 2012)

Hindi na bago itong bugbugan gone viral.  Una na itong natunghayan nang pinagagalitan ni Mayor Sara Dutuerte ang sheriff sa isang publikong talakayan sa Davao City.  Sumunod ang sariling karanasan ni Ramon Tulfo sa kamay nina Claudine, Raymart and friends sa NAIA3.  Hindi rin bago na ang mga mag-aaral at alumni ng pribilehiyadong eskwelahan ang sentral na karakter sa viral videos, tulad ng ranting ni Christopher Lao matapos isugod at masira ang kanyang kotse sa bahang lampas-baywang.

May orkestrasyon ng balita hinggil sa ranting na madalas ay nauuwi sa bugbugan, at ang epekto nitong mag-rant din ang nakakasaksi sa balita, at figuratibong bugbugin naman ang inaakalang abusado.  Sa kaso ng “T3” episode, ito ang pagkatsamba ng isang news team na makasaksi ng eksena sa trafiko at ang labis na reaksyon ni Robert Blair Carabuena sa MMDA traffic enforcer na si Saturnino Fabros.

Maririnig sa video mula sa loob ng sasakyan ng TV5 ang utos na kunan ng footage, at ang medium size focus ng insidente.  Sa T3 studio naman, maririg ang kolokyal at popular na wika (action star, malaking sampal sa MMDA, stop-look-and-listen) sa pagbabalita, ang multi-cuts at special effects para mag-zoom in sa detalye ng pang-aabuso, insersyon ng musical score, sinkronisasyon ng detalye sa imahen, panayam sa inaping enforcer, sa taxi driver, at tagapasalita ng MMDA na may opinyon na matapos mapanood ang video sa computer, at talakayan matapos:

Lumabas din ang balita sa Interaksyon 5, naka-link ang footage. Paano magkakaroon ng kontraryong opinyon kung ang staging ng pag-uulat ay masyado nang nakaangkla tungo sa kondemnasyon? Sa isang banda na epal ang laman ng video, sa kabilang banda naman ay may epal politics ding nagaganap sa pagpapalaganap ng at reaksyon sa video sa viral media.

Walang lalabas na mataas na pagsusuri, kahit pa may outlet para rito. Sa talakayan sa “T3,” komon ang indictment, ipako sa krus, armasan ang enforcers, at iba pa, at siempre sa pinagdaanan ng hosts sa NAIA3 incident ng kanilang katuwang, ang nabanggit din ay isang awtoridad in the performance of their duties lang naman.

Matingkad at kompak ang morality tale na hinahabi at binubuo ng T3, at sa least-common-denominator na alam nila kung sino ang nanonood sa kanila, nakahapit ang kapamaraanan ng pagbabalita para “ibaba” ang antas ng tunggalian, simpatya at opinyon, pawang walang nasasapol ng anupamang pagsusuri.

Viral “epal politics” ito dahil ang interbensyon ay mula sa plataporma ng viral media, tungo sa pagpapako sa krus ng taong epal sa pamamagitan ng reaksyong viral rants. Ayon sa Urban Dictionary, ang “epal” ay hango sa salitang “papel,” na ang pakahulugan ay taong pumapapel, nang-aagaw ng atensyon, nang-iinsulto, o tumutungo sa lugar na hindi naman kailangan ang kanyang presensya.

Ang “T3” episode ay nanganak ng maraming bersyon, at siempre, ang mas maikli ay nawalan na ng staging dahil mismong ito ay isa nang orkestrasyon tungo sa indictment.  Ang resulta nito ay hate response, halimbawa, mula sa 4,829 na komento sa Youtube (hanggang 20 Agosto 2012) na kalakhan ay kalabisan ang galit kay Carabuena:  “baboy na baliw,” “litsunin nang patiwarik,” “kahayupan,” “mamatay ka,” “piggy bank ka,” halimbawa.

Simple lang ang idea kung bakit may media—una, maghatid ng balita at informasyon, at ikalawa, magmungkahi ng pinakamataas (depende kung ito ay mainstream, alternatibo o oposisyonal na media) na pagsusuri, at himukin ang manonood at tagapakinig dito.  Ang problema sa “T3,” na masasabing problema sa malaking bahagi ng komersyal na media, ay orkestrado ang paglalahad ng balita tungo sa kontrobersya, na ang epekto ay hanggang sa lebel ng pagpukaw ng damdamin at emosyon, hindi ng utak at intelektwal na diskusyon.

Pero hindi simpleng gawain at gawin ito.  Sa talk news format ng “T3,” lalong sinususugan ang nabuo nang opinyon mula sa naunang pagkalahad ng balita.  Kaya epal politics ito dahil epal na naganap sa video at staged ng media ay may kapasidad makapanghimok ng epal na reaksyon—galit, pagkamuhi, pandudusta, negatron.  Ano ang nakamit nito kundi gawing reaktibo ang manonood?

May isa pang viral media na natunghayan ko sa Facebook.  Ito ay pagtungo ng mga tao sa tarps ng politiko na nagbabandera ng kanilang pag-aakda sa mga proyekto ng mamamayan, pagkuha ng imahen, pag-post at pag-repost sa Facebook.  Shame campaign ito, at may lahok din ng epal politics.  Sa katunayan, epal nga ang terminong gamit sa kampanyang ito.

Dito ay may minumungkahing pagbabago ang ordinaryong mamamayan:  mahiya naman ang politiko, tanggalin ang kanilang mukha bilang patron ng proyekto.  Ang maraming viral videos ay walang proaktibong kabig.

Nang magtatalak si Lao dahil sa kawalan ng informasyon sa baha, na siyang naging dahilan ng kanyang maling judgment call, ay nagresulta sa monitoring ng mga kalsada hinggil sa epekto ng ulan.  Hindi ito dahil ito ang layon ng naghatid ng balita kundi epekto ng lohikal na suhestyon ni Lao mismo, “makes sense” baga.  Ang informasyon ay nakikita ko sa social media.  Ang insidente ni Carabuena ay maaring magresulta sa ibang pagbabago:  pagsasanay para sa traffic enforcers kung paano i-handle ang abusadong violators.

Ang ginawa ng “T3” ay lumikha ng good cop at bad cop na dichotomy.  Iniisip kong marami na itong features hinggil sa korap at abusadong pulis.  Pero sa pagkakataong ito, ito naman ang modelo ng pagiging good cop.  Ang problema rito, tinanggap niya ang pang-aabuso kaya siya naging good cop.

Sa maraming manonood na tinatanggap ang epistemikong pang-aabuso ng sistema, paano naman?  Ang mungkahi lang sa kanila ng komersyal na media, kapag natsambahang may news team at ang iyong insidente ay kasing abusado nang kay Fabros, kayo rin ay magiging modelo ng pagtitimpi’t kabaitan.