Burgis na juvenilia


rebyu ng Ang Nawawala (Marie Jamora, 2012)

rebyu ng Ang Nawawala (Marie Jamora, 2012)

 

Ayon kay Bienvenido Lumbera, hurado ng Cinemalaya 2012, ang isang tampok sa mga lahok ay ang pagtalakay ng isa na namang aspekto ng buhay sa lipunang Filipino: ang nakakataas na uri’t maykaya.  Hindi ko alam kung good news bad news ito.  Pero ang tiyak, unapologetic na agad ang ganitong pelikula.

Walang self-reflexive gesture o take sa pagiging mayaman at pribilehiyado ang Ang Nawawala, paukol sa isang kabataang lalake na nagkakandakumahog sa pagbaybay sa trauma ng kamusmusang pagsaksi sa pagkamatay ng kakambal, at ng kontak sa unang true love.  Dahil sa trauma, nagdesisyon itong hindi magsalita, at sa kanyang isip, kinakausap pa rin niya ang kakambal.

Nagbiyahe ito sa ibang bansa.  Kumukonsulta sa doktor, kumukuha ng videos ng kanyang paglalakbay.  Isang pasko sa kanyang pagbabalik, natagpuan niyang higit na nagkakahiwalay ang kanyang mga magulang, higit na naninigaw sa katiwala ang kanyang ate, mas malibog ang kanyang best friend, at maganda ang umibig.  Sa katunayan, kilig ang audience, karamihan ay kabataang natutumbok ng pelikula.

Samantalang kami ng kasama kong kaguro ay bagot na bagot sa MTV moments, na sa sobrang dami ng kantang gustong mailagay sa CD version ay maraming eksena na nakikinig sa concert ang may hindi isa o dalawang kanta, kundi tatlo.  At ang tanging aksyon dito ay mula sa pakikinig tungo sa head nodding at pagsayaw nang nahihiya hanggang sa wala nang hiya.

Nandito ang romantikong fantasya ng kabataan:  may hitsura, maykaya, may dress up, may alter ego, may pag-ibig, may nawalang pag-ibig, may alaala ng tunay na pag-ibig, may nawawala pero parating may natitira para ipaalaala ang kawalan.  Kalakhan ng angst sa pelikula ay paukol sa fantasya ng pagiging maykaya sa bansa:  ganito (lang) ang kanilang problema, at ganito (lang) ang kanilang coping at making do mechanism.

Hindi sa minamaliit ang ganitong uri.  Pero ang napagtagumpayan ng Ang Nawawala ay gawing labis na sinematiko—larger than life, film worthy, film grant worthy—ang buhay ng pribilehiyadong maykaya sa bansa.  Purong pabalat at artifice—purong imahen—ang pelikula:  dinadaan sa close-up, nguyngoy shot, slow motion, repetisyon, high fives, at reiteratibo ang justifikasyon para sa uring tinatalakay.  Pero hanggang imahen lang, walang substansya maliban sa transformasyon ng elitistang buhay bilang kanasa-nasa sa mas higit na mayoryang umaasam lang ng ganitong buhay.

May ipinapanganak na problematiko ang ganitong pagtahak ng buhay ng maykaya, lalo pa bilang binary oposisyon sa pangkahalatang tema ng indie cinema, ang abang uri.  Kung sa huli ay napakabigat ng pagdanas sa subalternong kahirapan at paghihirap, sa una ay relatibong magaan at iilang individual ang dumaranas nito.  Kaya higit na nakakapanghalina ang buhay ng maykaya kaysa sa mahihirap kung tutuusin.

Kahit pa sa pagtatapos ng pelikula, neorealistiko ang tinahak din na landas ng Ang Nawawala:  na uusad lang ang buhay, magpapatuloy ang paglalakbay ng lalake para hanapin muli ang kanyang sarili.  Dahil kahit na nakumpronta na niya ang kanyang multo, pati ang labi ng naunsyaming tunay na pag-ibig, hindi pa rin matutumbasan ang batayang kawalan.

Ang resulta nito sa manonood, pangunahing intelektwal at aspirasyonal na gitnang uri sa hanay ng indie cinema, ay itransforma ang makauring isyu sa antas ng metapisika:  na individual na pagkatao at kolektibong humanidad—partikular sa pagdanas ng kalungkutan, pangungulila, pag-iisa—ang nagbibigkis sa ating lahat.  Anong ganda ng buhay?!

Walang guilt sa mundo ng labis ng pribilehiyadong uri, na hindi masasabi sa poverty films ng indie cinema.  Dawit (implicated) tayong manonood sa poverty films:  sa distansyasyon ng wanna-be na gitnang uring manonood sa realidad ng pelikula, walang identifikasyon ang nabububo na lumilikha ng kritikal na obhetibidad para pag-isipan ang relasyon ng sarili sa tinatalakay na mundo.

Sa pelikula hinggil sa maykaya, ang kritikal na distansya ay nawawala, na tulad sa Hollywood films, nilalamon para ang sarili ay magkaroon ng (mis)rekognisyon na ito rin ang kanyang mundo, ito ang gusto niyang maging mundo, at ipagkanulo ang sariling mundo.  Ito ang reafirmasyon ng komersyal na media at kulturang popular ng kapitalismo.

Sa aking palagay, walang tunay na independent na pananaw ito sa isang iniluwal ng “indie cinema.”  Napapanahon na rin sigurong ibuyanyang kung tunay nga bang independent ang namamayagpag na indie cinema sa kasalukuyan.