State of Bangsamoro Address, sasalubong sa SONA ni Pnoy

July 2, 2012

Lungsod ng Cotabato – Magsasagawa ng isang malaking kilos protesta ang mamamayang Moro sa darating na Hulyo 22, 2012 na gaganapin nang 8:00-11:00am sa Rizal Park upang iparating ang totoong kalagayan ng mamamayang Moro.

Ang aktibidad ay katatampukan ng iba’t ibang pangmasang organisasyon sa pangunguna ng Suara Bangsamoro, isang progresibong organisasyon ng masang Moro.

Ipapahayag na sa 2-taon ng panunungkulan ni Pnoy ay wala itong pinag-iba sa mga nakaraang administrasyon. Patuloy pa rin naghihirap ang sambayanang Moro. Kahit pa bumabaha ng mga proyekto sa mga komunidad, hindi nito natutugunan ang pang-ekonomiyang kalagayan ng mga mamamayan.

Makikita sa mga komunidad ng Moro ang kakulangan sa batayang serbisyong sosyal katulad ng health center sapagkat matindi ang kakulangan nito lalo’t higit sa remote na mga barangay.

Samantala, nagmistulang panunuhol ang pagbibigay nito ng tig isang milyon sa ilang kilalang politiko sa nakaraang Autonomous Region for Muslim Mindanao LGU (Local Government Unit) Convention sa Davao City upang makunsolida at masiguro ang panalo ng kanyang patatakbuhing politiko sa darating na 2013 eleksyon.

Ang nasabing pera ay walang malinaw na paggagamitan, dahil reward di umano ito ni Pnoy sa mga napiling leader politiko. Nagpapakita ito ng pagwawalang bahala sa kagustuhan ng mamamayang Moro para sa totoong reporma at sa isinusulong nitong pakikibaka para sa karapatan sa sariling pagpapasya (Right to Self-Determination).

Nananawagan ang grupo sa sambayanang Moro na kumilos at manindigan sa pagsusulong ng tunay na reporma at pagkamit ng kapayapaan na nakabatay sa hustisya.