Husgahan Natin

Silang mga kasambahay

Ginagampanan nila ang lahat ng gawain sa bahay, mula sa pinakamadali hanggang sa pinakamahirap. Sila ang nagluluto ng ulam, naglilinis ng bahay, naglalaba ng damit at nag-aalaga ng mga bata at matanda. Bahagi sila ng maraming pamilya at maiiba ang takbo ng buhay kapag wala sila

Ginagampanan nila ang lahat ng gawain sa bahay, mula sa pinakamadali hanggang sa pinakamahirap. Sila ang nagluluto ng ulam, naglilinis ng bahay, naglalaba ng  damit at nag-aalaga ng mga bata at matanda.  Bahagi sila ng maraming pamilya at maiiba ang takbo ng buhay kapag wala sila.

Ngunit sa pagtingin ng karamihan, ang serbisyo ng kasambahay ay hindi kasinghalaga ng sebisyo ng  ordinaryong manggagawa. Makikita ito sa mga patakarang umiiral sa ating kapaligiran. Halimbawa, ang isang ordinaryong manggagawa ay dapat sahuran nang hindi bababa sa minimum wage. Sa ngayon, kulang-kulang sa P12,000  bawat buwan ang minimum wage ng isang manggagawa sa National Capital Region. Sa  mga kasambahay? Napako ang kanilang minimum wage sa P800 bawat buwan noon pang 1993.

Hindi dapat pagtrabahuin ang isang manggagawa nang lampas sa walong oras. Kapag lumampas sa  walong oras ang kanyang trabaho, babayaran siya ng overtime. May isang araw din siya ng pahinga o rest day. Ganito rin ba ang karapatan ng mga kasambahay? Hindi.

Pagdating  ng Disyembre, ang isang manggagawa ay may maaasahang 13th month pay. Bukod dito,  meron din siyang service incentive leave. At kung hindi niya gusto ang pamamalakad ng kanyang amo, puwede rin siyang magtayo o sumali sa unyon para pangalagaan at isulong ang kanyang karapatan.   Mayroon din bang ganito ang kasambahay? Wala pa rin.

Bagkus, malimit tayong makarinig ng isang kasambahay  na ginahasa o pinagsamantalahan ng kanyang amo. Normal din sa kasambahay na mamura o makatikim ng masamang salita sa kanyang pinagtatrabahuan. Hindi nga manggagawa ang turing sa mga kasambahay. Ang turing ng marami sa kanila ay alipin.

Sa buong mundo, tinatantiyang nasa 53 milyon ang bilang ng mga kasambahay. 83% sa mga ito ay   babae. Malaking bilang din ang migrant workers. Sa Pilipinas, tinatantiyang aabot sa 1.9 milyong kasambahay ang nasa bansa at 1.4 milyon naman  ang  nasa ibang bansa.

Nakakalungkot, ngunit sa kabila ng dami ng mga kasambahay na ito, patuloy silang inaapi at pinagsasamantalahan ng mga pamilyang kanilang pinaglilingkuran. Maaaring naisip ng gobyerno na dahil sa ang  gawain ng mga kasambahay ay ginagawa nila sa loob ng mga pribadong tahanan at hindi sa pagawaan, wala silang karapatang  ituring bilang karaniwang manggagawa.

Mabuti na lamang at nagbabago na ang pananaw na ito. Noong Hunyo  16,  2011, inaprubahan ng    International Labor Organization (ILO) ang Convention No. 189 na tinaguriang Convention Concerning Decent Work for  Domestic Workers.

Mahalaga ang  ILO Convention 189 sapagkat itinaas nito ang uri ng  mga kasambahay mula sa pagiging mistulang alipin ng kanilang mga amo tungo sa pagiging  pormal na  uri ng manggagawa na may kaukulang proteksyon sa ilalim ng batas.

Nakasaad sa ILO Convention 189 na ang bawat bansa ay dapat magtalaga ng minimum na edad ng mga kasambahay  na katulad din sa minimum na edad ng karaniwang manggagawa. Sa pamamagitan nito, maiwasan ang child labor o pagkuha ng mga menor-de-edad bilang mga kasambahay. Kung wala pang 18 taon ang isang kasambahay, dapat bigyan siya ng pagkakataong matapos ang kanyang batayang edukasyon.

Kailangan ding tiyakin ng gobyerno na ligtas sa pang-aabuso at diskriminasyon ang mga kasambahay. Obligasyon ng pamahalaan na siguruhing sila ay nabibigyan ng  minimum wage, weekly rest day na hindi bababa sa 24 oras, annual leaves, overtime pay, safe and healthy working environment, regular na pagbayad sa sahod  na hindi lalampas ang pagitan sa isang buwan,  at iba pang mga  karapatang binibigay sa karaniwang manggagawa.

Sinasabi rin ng ILO Convention 189 na dapat kilalanin ang karapatan ng mga kasambahay na magtayo ng unyon o  samahan at lumahok sa sama-samang pakikipagtawaran o collective bargaining.

Sa mga kasambahay namang nagtatrabaho sa ibang bansa, dapat bigyan sila ng karapatang magtago ng kanilang mga visa, passport at iba pang travel and identity documents.

Dapat ding ipatupad ng gobyerno ang pagkakaroon ng pormal na kontrata sa pagitan ng kasambahay at sa kanyang pinagtatrabahuan. Kaugnay nito, dapat magtalaga ang gobyerno ng kaukulang ahensiya na magpapatupad sa karapatan ng mga kasambahay at kung saan maaaring maghain ng reklamo ang mga kasambahay hinggil sa paglabag sa kanilang mga karapatan.

Pormal na sinang-ayunan na ni Pang. Aquino ang ILO Convention 189  noong Mayo 18, 2012 at nasa Senado na para aprubahan ang kanyang pagsang-ayon.

Ngunit maaprubahan man ito ng Senado, isipin nating mahirap ipatupad ang isang ILO Convention dahil sa kakulangan  ng mekanismo ng ILO para tiyaking maipapatupad ito sa mga bansang kasapi ng nasabing organisasyon.

Dahil dito, mahalagang magkaroon ng isang pambansang batas dito sa Pilipinas na naglalaman ng mga karapatan ng isang kasambahay sa direksiyon na tinatahak ng ILO Convention No. 189.

Matagal nang nakabinbin sa Kongreso ang panukalang batas tungkol sa mga kasambahay na kung tawagin ay Kasambahay Bill (Senate Bill No. 78 sa Senado at House Bill No. 6144  sa House of Representatives ) pero hindi pa ito lubusang naipapasa.

Kailangan sigurong mag-ingay ang progresibong mga sektor para maaprubahan ang panukalang batas na ito. Kasabay nito, kailangan din nating organisahin at pakilusin ang mga kasambahay dahil sila rin ay anakpawis na biktima ng pang-aapi at pagsasamantala.