Angkas (Para kay Arman Albarillo)

July 21, 2012

 Kailan huling sumagi sa utak mo kahit minsan sa hindi na mabilang na pag-angkas sa traysikel?

Sariwa pa kay Katherine ang tagpong iyon ilang taon man ang nakaraan—isang gabing napasubo siyang sumakay sa likuran ng traysikel—sa gitna ng drayber at ng manliligaw ng kanyang bespren.

Si Arman, ang binatang masipag manligaw, isang lalaking kagigiliwan ng naghahanap ng mamanugangin, isang pangalang maninimbang sa katinuan habangpinagmamasdan ang pagkabasag ng mga patak ng ulan.

Isang pangalang inuusal sa mga umpukan at parangal—Ka Arman

na naging tagapagtanggol ni Katherine sa anumang tangkang masama

at naging tagapagtanggol ng sambayanan hanggang sa kanyang huling hininga—

nang hindi mabura sa alaala ng pakikibaka ang kanyang pangalan

at maabot maging ang diwa ng mga taong hindi nakakilala sa kanya

nang kanilang malaman ang saysay ng kanyang buhay:

sinundan siya ng karahasan hanggang kamatayan.

Tinanggap siya ni Katherine bilang kaisang-puso. Kaisa sa pagtitiis at pagtataguyod ng bubungan.

Minahal din ni Katherine maging mga sugat ni Ka Arman na ang ama at ina aydinapurak ng mga sundalo—ang hilakbot sa alaala ng nadatnang mga katawang inundayan ng saksak at binistay ng mga bala.

Kay Katherine naiwan ang mga labi ni Ka Arman na nakakuyom pa rin ang mga kamao.