Kuwentong Kuwadrado

Tanaw sa malayo ni Che


Ito na raw ang pinakagamit na imahe sa kasaysayan ng photography: ang portrait ni Ernesto “Che” Guevara, nakasuot ng beret na may Komunistang bituin, nababalot ng determinasyon, tumatanaw sa malayo.

Orihinal na frame ng kuha ni Alberto Korda kay Comandante Ernesto "Che" Guevara, sa Havana, Cuba noong Marso 5, 1960. Ito ang naging batayan ng cropped na image ng poster ni Feltrinelli noong 1967, pinamagatang "Guerrillero Heroico", na kumalat sa buong mundo.
Orihinal na frame ng kuha ni Alberto Korda kay Comandante Ernesto "Che" Guevara, sa Havana, Cuba noong Marso 5, 1960. Ito ang naging batayan ng cropped na image ng poster ni Feltrinelli noong 1967, pinamagatang "Guerrillero Heroico", na kumalat sa buong mundo.
Orihinal na frame ng kuha ni Alberto Korda kay Comandante Ernesto "Che" Guevara, sa Havana, Cuba noong Marso 5, 1960. Ito ang naging batayan ng cropped na image ng poster ni Feltrinelli noong 1967, pinamagatang "Guerrillero Heroico", na kumalat sa buong mundo.

Ito na raw ang pinakagamit na imahe sa kasaysayan ng photography: ang portrait ni Ernesto “Che” Guevara, nakasuot ng beret na may Komunistang bituin, nababalot ng determinasyon, tumatanaw sa malayo.

Ang bersiyon nitong cut-out, kulay pula, itim at puti, ang imaheng makikita sa milyun-milyong t-shirt sa buong mundo, naging insignia, nakikita bilang graffiti sa pader sa iba’t ibang lungsod, naging bandila sa mga demonstrasyon. Higit pa sa anumang likhang sining tulad ng Mona Lisa at nasa likod lang marahil ng imahe ni Kristo sa krus, ang imahe ni Che ang isa sa pinakapamilyar na imahe ngayon, kahit na sa panahon ng new media at internet.

Alam na ng marami, o kaya’y madaling makuha sa internet, ang detalye ng larawan: kuha ng fashion photographer na si Alberto Korda noong Marso 5, 1960, sa isang luksang-parangal sa Colon Cemetery sa Cuba para sa 80 kataong biktima ng pagsabog ng barkong Le Coubre, na pinaghihinalaang bahagi ng pananabotahe ng Central Intelligence Agency (CIA) ng US sa bagong tatag na rebolusyonaryong gobyerno sa Cuba. (CIA din ang itinuturong nagsanay sa mga military unit ng Bolivia na tumugis kay Che at sa tropa niya sa naturang bansa.)

Naipalaganap ang larawan ni Korda matapos gawing poster ni Feltrinelli, isang maka-Kaliwang Italyano, noong 1967, at kumalat nang mag-alsa ang mga estudyante at iba pang sektor sa France noong 1968. Kalauna’y ginawang cut-out, para mas madaling i-mass produce. At lalong kumalat sa buong mundo.

Sa Pilipinas, kalat din ang imahe ni Che. Noong panahon ng First Quarter Storm ng 1970, panahon ng pagsabog ng hangarin para sa radikal na pagbabago ng kabataan at iba pang sektor ng lipunang Pilipino, kumalat din ang imahe ni Che. Isang kabataang aktibista, si Romulo Jallores, ang nabansagang “Che” ng mga kapwa aktibista noong FQS nang lumabas sa pahayagan ang isang larawan niya sa ibabaw ng trak ng bombero na kinomand ng mga aktibista para lusubin ang Malakanyang. Mahaba ang buhok, balbasarado, rebolusyonaryo – kamukha raw ni Che Guevara.

Noong Disyembre 1971, bago pa man sinukluban ni Marcos ang bansa ng batas militar, namatay si Romulo Jallores, bilang martir at gerilyero ng noo’y bagong tatag na New People’s Army. Tulad ng Argentinian na Che ng rebolusyong Cubano, ikinatawan ni Jallores ang armadong paglaban para sa radikal na pagbabago. Ngayon, ipinangalan sa kanya ang isang nangungunang kumand ng National Democratic Front sa Bicol.

At si Che ng Cuba/Argentina, lalong nagkalat na. Mga pelikulang Hollywood (ni Walter Salles, ang The Motorcycle Diaries noong 2004, at Che: Part One at Two ni Steven Soderbergh noong 2008) ang nakatulong para lalong paigtingin ang interes ng publiko sa pinaslang na gerilyero.

Kung papaano kumalat sa kabataan ng Amerika at Europa ang imahe ni Che, ganun din marahil dito sa Pilipinas. Ginamit na rin ng maraming kapitalista – ang uring nais pabagsakin ni Che nang nabubuhay pa siya – ang imahe para magbenta ng kung anu-anong produkto, mula sa alak at sigarilyo hanggang sa underwear at condom. Pero ayon sa maraming tagasuri, kabilang si Trisha Ziff (Che Guevara: Revolutionary & Icon; 2006), kahit maliit na porsiyento lamang ng mga sumusuot ng damit na may imahe ni Che ang nagkakaroon ng interes sa buhay at ipinaglaban niya, tagumpay na ito sa alaala ni Che. May dahilan kung bakit makapangyarihan pa rin ang imaheng ito: Dahil may dahilan pa rin ang pag-aalsa, ang pagrerebolusyon.

Dito sa Pilpinas, lalong may kahulugan ang imahe. Tulad ng nakita ng mga aktibista sa imahe ni Jallores sa dyaryo, madaling makita ang relevance ni Che sa Pilipinas na dumaraan din sa isang rebolusyonaryong pagbabago. Aminin man o hindi, may giyerang sibil na nagaganap sa bansa. Aminin man o hindi, may lumalaking bahagi ng lipunang Pilipino na pumipili sa armadong opsiyon para mabago ang ramdam-naman-ng-lahat na kabulukan ng sistemang umiiral sa bansa.

Maaaring magtalo sa pagkakaiba ng taktika ng mga Maoista tulad ng NPA at ng taktika nina Che sa Cuba, at sa sumunod niyang nilahukang mga rebelyon sa Congo at Bolivia. Di sa pagsusulong ng repormang agraryo, pagtatag ng kilusang masa, at pamumuno ng isang vanguard party ng uring proletaryado, ang taktika ni Che. Umasa siyang sa pagtatag ng isang pulutong (o foco) ng mga “guerrillero heroico” mapasisimulan ang isang rebolusyonaryong sitwasyon. Nakita sa mga karanasan ni Che ang kahinaan ng teoryang ito. Gayunman, kung may napagtagumpayan siya, ito’y ang pagpapalaganap ng kaisipang makatarungan ang mag-alsa.

May katotohanan sa Pilipinas ang sinabi ni Tiff hinggil sa kapangyarihan ng imahe ni Che. Kahit na iyung mga walang alam kay Che, sa rebolusyong Cubano at sa marahas niyang mga taktika para sa pagbabago, may halos subliminal na tulak ang imahe ng isang rebeldeng nababalutan ng pulang kulay, suot ang beret na may Komunistang bituin, nakatanaw sa malayo, sa hinaharap, sa inaasahang pagbabago.

Che sa kulay pink: T-shirt na binebenta sa isang department store sa Makati City, Pilipinas, noong 2006. Mula sa interesanteng lumang blog ng graphic artist na si R. Jordan P. Santos na pinamagatang "Where is Che?" (http://whereische.blogspot.com/)
Che sa kulay pink: T-shirt na binebenta sa isang department store sa Makati City, Pilipinas, noong 2006. Mula sa interesanteng lumang blog ng graphic artist na si R. Jordan P. Santos na pinamagatang "Where is Che?" (http://whereische.blogspot.com/)

Kahapon, Hunyo 14, ang ika-84 taon ng kapanganakan ni Ernesto “Che” Guevara.