Paano magkwento ang isang lagalag? (Ikalawang Bahagi)


Introduksyon sa Lagalag ng Paglaya, koleksyon ng maikling kwento ni Rommel Rodriguez (Quezon City: University of the Philippines Press, 2011, 181 pahina)

Introduksyon sa Lagalag ng Paglaya, koleksyon ng maikling kwento ni Rommel Rodriguez (Quezon City: University of the Philippines Press, 2011, 181 pahina)

(Basahin ang unang bahagi)

At ikaapat, sa kanyang henerasyon pinag-aaralan ang paglikha ng panitikan, at nagkaka-diploma pa bilang patunay ng pagkadalubhasa sa malikhaing pagsulat.  Ang akademisasyon ng malikhaing pagsulat ay sabayang boom at bane sa panitikang Filipino.  Boom dahil higit na nabuksan ang arkibo ng akademya bilang tagabantay ng gates ng kung ano ang maganda at dakilang panitikan.

Higit na mas marami ang demograpiya ng manunulat sa akademya, pati na rin yaong nakaenrol mula programang sertipiko, andergradwado at gradwado sa malikhaing pagsulat.  Mas pinagtibay ang akademya bilang poder ng panitikan, na kaya nitong ireprodyus ang panitikang likha mula sa loob ng kanyang poder.  Bane rin ito dahil mas lalong tinaasan ang intelekwal na kapital na kahilingan para sa skill, profesyon at disiplina ng malikhaing pagsulat.

Hindi na nakakasapat ang organikong manunulat, kailangan itong may silyado ng pag-ayon ang akademya.  Kaya rin mas articulate ang henerasyon ni Omeng ay dahil aral ito, ginabayan ng teorya at teoritisasyon, o simpleng glib na kayang panindigan ang kung anumang komitment at stilo ng pagsulat at diseminasyon nito.

Kaya malagalag ang mga kwento ni Omeng, nagbibiyahe sa iba’t ibang panahon, stilo at rasyonal ng pagsulat dahil nga nawala na ang monolitiko ng ahensya at kolektibidad, ng indibidwalismo at kilusang panlipunan, ng pagiging dakila at postmoderno sa isang banda, at pang-araw-araw at politikal na pagbabalikwas sa kabilang banda.

Naglalagalag si Omeng at ang kanyang mga kwento, hindi lang dahil una ito sa inaasahang mayabong na artistikong buhay at panulat ng awtor kundi dahil ang sentralidad ng sarili bilang manunulat at iba pa—sa kaso ni Omeng, bilang aktibista, guro, aktibistang guro at kultural na manggagawa halimbawa—ang nagsisiwalat ng pagiging kakaiba kundi man natatangi ni Omeng mula sa kanyang henerasyon ng manunulat.

Matutunghayan itong paglalagalag ni Omeng hindi lang sa kanyang mga kwento kundi pati na rin sa kanyang buhay.  Anak ng kawani sa Unibersidad ng Pilipinas si Omeng, nakatira sa kampus na ang buong akademikong oval ay palaruan nito (nanghuhuli ng talangka, halimbawa, sa mga kanal sa University Library), nakapasok sa UP, naging fundamentalista at matapos ay aktibista, naging guro rito, nagpakadalubhasa rito, naging kwentista rito.

Kung tutuusin, maliit lang ang pisikal na mundo ng paglalagalag ni Omeng.  Pero  ang byaheng pang-uri, pangkasarian at sexualidad, intelektwal at kultural na kapital, ay lampas-lampasan sa parametro ng UP kahit pa ang UP ang substansyang nagbunsod ng pagbibyahe ni Omeng.

Sa loob ng UP, simple lang ang literal na byahe:  Ikot o Toki lang.  Pero sa paratihan, nagsisiksikan kung rush hour, pamatay kung malakas ang buhos ng ulan, at manaka-naka lampas ng alas-nuwebe ng gabi.  Hindi rin pala ganoong kasimple.  Hindi ganoon kasimple na sa isang “unanimous” na desisyon ng kanyang Board of Regents, itinaas ng UP ang matrikula sa P300 bilang pinakamababa at P1,500 bilang pinakamataas kada unit.

Mabibilang sa kamay ang libreng skolar batay sa pangangailangan.  Ang dating hindi makapasok-pasok na graduate ng pribadong high school ay ngayon nagsisiksikan dahil virtual na tinanggal ng UP ang mga kwalipikado sa UPCAT, ang entrance exam nito, pero ekonomiyang said sa buhay na makapasok sa kanyang poder.  Pababa ang kanyang enrolment pero pataas ang nagsisipagtapos na may honors.  At tulad ng dati, ang problema ng ilan ay ang kawalan ng parking space sa kanilang mga kolehiyo.

Tagos sa henerasyon ni Omeng ang ganitong intensity ng buhay:  sa pabalat ang pangangailangang masaya’t magiliw, nag-eenjoy sa buhay dahil walang killjoy dapat; pero sa kaibuturan, ang lungkot, alienasyon, pag-iisa sa buhay.  Kung tutuusin naman, ganito naman ang unibersal na humanistiko vs. makina na ethos ng modernidad.

Pero natatangi ang henerasyon ni Omeng, at malamang ang sumunod at mas batang mga henerasyon matapos nila, na napapapwersa sa isang gitnang uring orkestrasyon ng boses at buhay.  Nawawala ang syncopation ng buhay at bansa, at ang naiiwan ay ang inaakalang latak at mga tendensiyang hindi naman mapapausbong para maging alternatibo at oposisyonal.  Kaya tanggapin na lamang, humayo at magmaan-maangan mode na nga.

Ang atas sa henerasyon ni Omeng at pati sa sumunod sa kanila ay ang di nababagong atas sa mga manunulat sa panahong ang pagsulat ay nabahiran na ng mantsa ng substansya ng politika:  ang paglalangkap ng politika sa pagsulat, at ng politika sa buhay ng manunulat.  Madali ang alintuntunin na ito, at sa katunayan ito ang nagha-harmonize sa maraming manunulat dahil lahat naman, gaya ng claim ng mga manunulat, ay politikal.

Na hindi rin naman siyang katotohanan dahil ang isinasaad nito ay wala namang politikal na akda, mayroon lamang politikal na pagbasa sa mga akda.  Ang tagubilin ng nauna sa henerasyon ni Omeng at lampas pa rito ay sa simula’t sapul gawin nang politikal ang pagsulat, at magagawa lamang ito hindi dahil maraming nabasa at nasulat ang manunulat kundi dahil kalahok na ang manunulat sa lipunan at kasaysayan.

Ang anumang paglalagalag ay kailangang umuwi o humantong sa isang destinasyon.  Tangi lamang sa metapisikal na atas na ang pagbibyahe ay mas mahalaga sa destinasyon.  Maaring maglagalag pero matapos ng takdang panahon ay tapos na ang amateur at juvenile hour na ito.  Tapos na ang Justin Bieber kinda-love o kailangang magtapos.  Hindi naman pwedeng matanda ka na ay hindi pa tinatanggal ang poster o CD nito sa buhay.

Gayundin sa pagsulat.  OK ang lagalag dahil ito ang simulain.  At maging ang ilan sa mga akda ni Omeng ay umay na rin sa paglalagalag.  Naghahanap ang lahat ng manifesto ng pagsulat, at ang paglagalag ay para lamang kapamaraanan sa pagsulat.  Hindi ito katumbasan ng aktwal na sinulat, ang akdang binabasa.  Umuuwi rin ang naglalagalag, naghahanap ng formulasyon ng buhay at panulat.

At hindi masama ito, dahil mas pumupusta na ang manunulat at kanyang panulat.  At ito ang mas higit na pagkakaabangan sa paglalagalag ng manunulat na ito, na matapos tayong paglagalagin, saan tayo iuuwi at dadalhin nito.  Sa ngayon, sa koleksyong ito, ang pagligaw, pagtungo, paroon at parito sa kanyang mundo at sa kanyang henerasyon ng manunulat.

Para sa malalapit na kaibigan, kilala si Omeng sa  kanyang bersyon ng lyrics.  Sa kanyang kakaibang pagkaunawa sa idiomatic expressions sa ingles, maging ilang bokabularyo rito.  Tinutukso ko si Omeng na parang dikya dahil aim to please everyone, lahat ay kaibigan.

Kilala ko rin si Omeng bilang masigasig na gurong aktibista, maaasahan na kultural na manggagawa.  Pero iba ang kakilala sa kanyang sinulat, na patay na raw ang manunulat sa akto ng pagbasa dahil paano  mo nga naman kukonsultahin ang manunulat kung hindi mo naman ito katabi para ibigay ang kanyang personal na interpretasyon sa kanyang sinulat?

Ang tinutunghayan nating lahat sa koleksyong ito ay si Omeng bilang absent na manunulat na nagsasalita para sa kontexto ng pagsulat ng kanyang henerasyon, na bagamat isang tinig lang ito, mahalagang tinig para madalumat ang kalakaran ng kanyang natatanging henerasyon.

Ito ang dobleng babasahin natin sa akda—ang kwento at ang kwentong sinasabi sa likod ng kanyang kwento.