Katutubo sa pelikula


Rebyu ng Busong (Aureaus Solito, 2011)

Rebyu ng Busong (Aureaus Solito, 2011)

 

Ang isang produktibo sa pagpasok ng indie cinema movement ay ang paglalatag ng mga subalterno identidad–tulad ng tirador, ganster, lola ng pinatay at pumatay, at iba pa–at ng historikal na isinantabi, tulad ng katutubo.  Nauna nang ginawa ito ni Brillante Mendoza sa Manoro (2006 ), tungkol sa partisipasyon at pagkaetsapwera ng mga Aeta sa eleksyon, at ni Regiben Romana sa Sakay sa Hangin (2011), tungkol sa audiobiswal na meditasyon sa buhay at komunidad ng Talaandig.

Ang kakaibang ginawa ni Auraeus Solito bilang metropolitanisado (at ang kabadingan ay bahagi na rin nito) na Palawanon sa Busong ay habiin ang magkakasalikop na buhay ng mga tagaroon, at nang sa gayon ay makabuo ng isang kolektibong kwento ng pamayanan, ang pagkasantabi’t pananatili nito:  isang babaeng sugatan sa paa at hindi makatuntong sa lupa, asawang babae na ang habilin sa kabiyak ay hindi sinunod at binagsakan ng punong ipinagbawal putulin, at ama na inihahabilin ang katutubong dunong sa kanyang batang anak na lalake sa gitna ng modernong pagmamatyag sa dapat at hindi dapat gawin ng katutubo, at ang manggagamot na maghihilom at maghahabi ng kolektibong kwento:

Sinasabing matagumpay na “ethnographical film” at “spiritual film” ang Busong.  Etnograpikong pelikula sa daluyan ng feature film, oo.  Malinaw ang mga sinematikong interbensyon ni Solito:  ang bisualisasyon ng mundo, ang pagtampok sa mga eklektikong mga tauhan na may ugnay sa kaligiran, ang timing ng pagpasok ng mga katutubong paniniwala na dikta ng kalikasan at naunang paghahabilin, ang pagmumundo sa kosmolohiya ng Palawanon.

Alessandra de Rossi sa pelikulang "Busong"
Alessandra de Rossi sa pelikulang "Busong"

Spiritwal pero sinematikong spiritwalisasyon na paloob-palabas mula sa mundo ng Palawanon tungo sa mundo ng moderno at tagalabas.  Hindi tulad ng individualismo ng pagkatangi sa spiritwal, tulad sa Eat Pray Love (2010) na Mimi (me-and-me ang puno’t dulo), ang Busong ay paghahabilin ng mundong on-the-brink.

Papalipas na ang katutubong mundong ito.  Lumalakas ang pagpasok ng probinsyal, bansa at global na nagpapayao, naghihimlay, naglilibing sa naunang mundo ng Palawan at hanggang kasalukuyang mundo ng Palawanon.  Sa katunayan, ang metropolitanisasyon ng bansa ang siyang kabahagi ng itak na pumapatay sa katutubo.

Sa diskurso ng turismo’t bakasyunan, pagmimina at pastoral na environmentalismo, ang Palawan ay biktima ng pagpasok at pagkaunlad ng metropolitanisasyon.  Sa katunayan, alam ito ni Solito at siya mismo ay naghahanap ng kultural na idioma para ipasok din ito, kasama ng pangangailangan ng preserbasyon ng katutubong kaalaman at kultura.

Sa Busong, naggagandahan at matitikas ang mga artista, matitipuno ang mga katawan, at aral ang mga pagkilos, halos tungo sa exotikong pamamaraan—ang ritmikong pagbuhat ng duyan ng tauhan ni Alessandra de Rossi, ang pagtakbo’t paliligo ng tauhan ni Bonivie Budao, ang erotisasyon ng matitipunong katawan ng apat na lalakeng tauhan (Rodrigo Santikan, Walter Arenio, Dax Alejandro, at Clifford Banagale), halimbawa.

Pero mapapalampas pa ito dahil ang diin ay tungo sa pagmumundo (worlding) ng katutubo’t pamayanan ng Palawanon mula sa isang metropolitan na pagtingin:  ang mismong paghahabi ay dugtungan ng fokus ng naratibo batay kung sino ang makakadaupampalad sa pagbubuhat kay Punday (de Rossi) tungo sa kanyang paghilom, pati ang pagtatagpi ng mga boses ng nauna’t kasalukuyan at hinaharap tungo sa kolektibong pagsasara ng pelikula.

Kakaiba ang interbensyon ni Solito at ang metropolitan na perpektiba sa katutubo sa pelikula.  Sa Manoro at Sakay sa Hangin, may “natural” na integrasyon ang tauhang katutubo sa naratibong ipinaloob sila:  awtentikong katutubo ang mga aktor kahit pa moderno rin ang interbensyon ng direktor.  Tila isinasaad na kahit katutubo ang tauhan at naratibo, ang problema pa rin bansa at global.

Sa mulat na direktor, ang metropolitan na kabahagi ng bansa at global ay nagiging dalumat at daluyan para sa isang paghahabilin bilang pagtataya sa kinabukasan ng katutubo’t kanilang pamayanan.  Ito ang paglinang ng sinematikong lugar sa idioma ng metropolitan na makakapagpreserba sa katutubo sa gitna mismo ng metropolitanisasyong humahapis sa kanilang komunidad bilang wika rin ng bansa’t estado, global at kapitalismo.

Sa Busong, ang paghahabilin ng katutubo at kanyang pamayanan ay may pinakasinematikong stilo sa hanay ng mga kontemporaryong pelikula ng katutubo.  Mahahanay ang Busong sa naunang obra ni Solito (Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros at ang dokumentaryong Basar/Banal) bilang mahalagang mga pelikula nito.